swords 4: Lego Class

1.5K 153 86
                                    

swords 4:


Kinabukasan, nagising ako nang marinig ang ingay sa paligid. Nang tingnan ko kung anong nangyayari, napasimangot na lamang ako.

Paano, nagpapalamangan na naman ng ganda ang dalawa kong kapatid. Samantala, abala naman sa pagbibihis si Riri at ikinamangha ko ang damit na suot nilang tatlo.

Nakasuot sila ng puting polo na pinatungan ng kulay asul na balabal. May kulay asul rin itong laso sa kanilang leeg. May kulay dilaw itong logo ng Academy sa kaliwang dibdib. Ang pambaba ay kulay asul na pantalon na suot ni Riri, habang palda naman ang kay Bibi. Si Mimi naman ay nakasuot ng kulay abong t-shirt na pinatungan ng kulay asul na jacket at katulad ng balabal nila Riri ay may logo rin itong nakaimprinta. Nakabaston din ang pang-ibaba niya.

Nagtaka tuloy ako. Bakit iba-iba ang mga uniporme nila?

"Bakit iba-iba kayo ng mga uniporme?" nagtatakang tanong ko.

"Ano ka ba, sisteret! Sinusubukan lang naming hindi magkakapareho ng mga suot," sagot ni Mimi sabay tawa.

Napaangat na lang ang kaliwang kilay ko. "Anong pauso 'to?"

"Oh! Shishi, maligo ka na at baka ma-late pa kayo." Napalingon ako kay Jeni na kalalabas lang mula sa CR. Ganoon din ang suot niyang uniporme, katulad ng kay Bibi pero kulay pula ang logo ng kanya. At dahil nakabihis na nga silang lahat ay nagmadali na rin akong maligo.

Mahirap na baka sabihin nilang pa-importante ako.

Gusto kong magsuot ng palda kaya 'yon na lang din ang pinili ko. Tuwang-tuwa silang lahat nang makita akong nakasuot ng uniporme.

"OMG, sisteret! Ang ganda mo sa suot mong 'yan. Bagay sa 'yo!" papuri ni Mimi na may kakaibang ngiti sa labi.

"Hindi ka na mukhang basahan katulad kahapon," segunda naman ni Bibi sabay hagalpak ng tawa. Ang sama talaga ng mga 'to!

"Sadyang minalas lang talaga tayo kahapon," tugon ni Riri na umupo sa kanyang kama.

Napailing na lang ako at kinuha ang papel kung saan nakasulat ang iskedyul ng pasok.

"O, siya. Tara na! Nagugutom na ako. Kumain muna tayo sa canteen," sabi ni Jeni.

Sabay-sabay kaming bumaba ng dorm. Dahil nasa building E raw iyong canteen ay kailangan pa namin itong lakarin. Jusko, lakad pa lang napapagod na ako. Ang layo naman kasi ng pagitan ng bawat gusali rito. Ang lawak kasi ng lugar. Akala mo'y isang nayon.

Habang naglalakad, napansin ko ang mga taong nakakasalubong namin. Halos lahat kasi sila napapatigil at napapatingin sa amin. May iba pa na sobrang sama ng pagkakatitig sa amin, lalo na 'yong mga babae na akala mo may ginawa akong karumal-dumal na krimen sa kanila. 'Yong iba naman ay nagbubulong-bulungan pa at karamihan sa mga titig nila ay para bang iniinsulto, minamaliit o nandidiri sa amin.

Ano bang ginawa namin sa kanila? Bakit ganyan sila makatingin? Kilala ba nila kami? Parang nahiya tuloy ako sa sarili ko.

Pero ang nakakapagtaka ay wala naman akong nakikitang mga estudyanteng gumagamit ng magic. Bakit kaya? Kasama ba 'yon sa rules? Sabagay, hindi ko pa binabasa ang rules and regulations kaya hindi ko alam.

"Ah, Jeni, pansin ko lang, bakit iba-iba ang kulay ng mga logo ng mga estudyante?" takang tanong ni Bibi na napansin din pala ang tungkol sa uniporme.

"Ha? 'Di niyo pa pala alam ang tungkol doon?" takang tanong niya sa amin. Umiling lang kaming lahat bilang sagot. Lalo lang siyang nagulat. "Weh? 'Di nga? Imposible! Hindi pinaliwanag ng dean sa inyo kahapon?"

"Paano namin malalaman, e, wala kaming maintindihan maski isa sa mga pinagsasasabi ni Mr. Ferous," nakangusong sabat ni Mimi.

"Walang sinabi tungkol sa uniporme si Dean," ani Riri.

MAJESTIC ACADEMY: The Elemental Swords ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon