Swords 8:
Alas dose na ng hating-gabi at tulog na silang lahat maliban sa akin. Hindi ako makatulog. Kahit anong pilit kong matulog ay ayaw pa rin ng sistema ko. Ang dami ko nang ginawa. Kumanta ako, nag-isip ng magandang bagay at nagbasa ng libro, pero natapos ko nang basahin iyong isang makapal na libro pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok.
Nakakapagtaka, mabilis lang naman ako antukin pero iba ngayon.
Napagpasyahan ko na lamang na lumabas ng kwarto at magpahangin. Ngunit natigilan ako nang makita ko ang aking punyal sa gilid ng unan na parang nagliwanag. Napakunot ang aking noo at kinuha ito saka tinitigan nang maigi.
Simple lang naman ang punyal na regalo sa 'kin ni Lolo Obeng. Kahoy ang hawakan nito na may naka-ukit na 'Atisha Jane'. Walang espesyal dito, pero bakit parang nakita ko itong lumiwanag? Ang wirdo, ha? Baka naman namamalik-mata lang ako.
Napagdesisyunan ko na lamang na dalhin ito. Baka makatulong sa akin kapag may nangyaring masama. Kinuha ko naman ang aking P.E. jacket at saka lumabas ng kwarto.
Madilim na sa labas, sobrang tahimik at walang katao-tao sa hallway. Naglakad-lakad ako at isinuot ang hood ng jacket sa 'king ulo. Buti na nga lang at medyo maliwanag dala ng buwan, kaya kahit papaano ay nakikita ko ang mga dadaanan.
Dahil hindi ko pa napupuntahan ang pinakalikuran ng eskwelahan ay doon ko dumiretso. Namamangha naman ako sa bawat puno na nadadaanan ko dahil ang liwanag nito dahil sa mga alitaptap sa paligid. Pero nakakapagtakang kakaiba ang katahimikan ngayon. Tila may hindi tama sa paligid.
Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon. Baka naman guni-guni ko lang.
Pero napahinto ako sa paglalakad nang may makita akong kakaibang anino na nagmula sa gilid ng building J. Hindi ko na sana ito papansinin, kaso iba ang pakiramdam ko rito, e.
Kahit kinakabahan ay pinili ko itong lapitan. Nagtago rin ako sa isang puno malapit sa gusali at hinawakan ang aking punyal. Inihanda ko ang aking sarili.
Dalawang anino ang nakikita ko. Papunta ito sa isang malaking puno kaya sinundan ko ulit ito. Nagtago ako sa may halaman sa gilid ng building J at sumilip.
Napatakip ako ng bibig sa sobrang gulat nang makita ko kung sino ito. Lintik! Si Amos at si Kristela! Naghahalikan silang dalawa!
Jusko! Ano 'to?! May sekretong relasyon ang dalawa?
Bakit ba lagi na lang ako nakakakita ng ganito kay Amos? Nagmukha akong mambuboso rito! Ang lakas pa ng tibok ng aking puso. Napapikit na lang ako nang mariin at tumalikod. Hindi ko kayang pagmasdan ang mga ginagawa nila. Pakiramdam ko binabangungot ako.
Akmang tatakbo na sana ako paalis nang may biglang humarang na dalawang nakaitim na lalaki sa akin. Mula ulo hanggang paa ay puro itim ang suot nila. Pati mukha ay hindi ko nakikita, maliban sa mata nilang kulay pula. May mga dala rin silang espadang kumikinang pa sa tulis habang nakatingin sa akin.
Lalong dumoble ang kabang nararamdaman ko. Napa-atras din ako sa takot at hinawakan ang aking punyal. Inihahanda ko na rin ang aking sarili sa pwedeng mangyari. Huh! Sabi na, e, may mangyayaring masama talaga kaya dala ko itong aking punyal!
"S-sino kayo? A-anong kailangan niyo sa akin?" kinakabahang tanong ko.
Hindi sila sumagot, sa halip ay nagkatinginan lamang silang dalawa at sabay-sabay na sumugod sa akin. Mabuti na lamang at mabilis ang paningin ko (maraming-maraming salamat sa pinakamamahal kong Lolo na nagturo sa akin nito) kaya agad ko rin silang naiwasan.
Muli nila akong sinugod kaya wala akong ibang paraan kung hindi ang lumaban gamit ang aking maliit na punyal. Lintik, anong laban ng punyal ko sa dalawang mahahabang espada nila na may magic pa? Patay.
BINABASA MO ANG
MAJESTIC ACADEMY: The Elemental Swords ✔️
FantasySimula nang pumanaw ang kanilang lolo ay napunta sa pangangalaga ng kanilang tiyohin ang apat na magkakapatid. Ito rin ang siyang nagdala at nagpakilala sa kanila tungo sa mga hindi kapani-paniwalang mundo ng mahika. Isang mahika na tanging sa libro...