Chapter 27

555 36 16
                                    


Ginising lang ni Otep ang kanyang ate kinaumagahan upang magpaalam ito na uuwi sa bahay nila Mia para magbihis ng unipormeng pampasok sa eskwelahan.

"Hindi ka ba papasok Ate?" ani Otep.

Umiling-iling lang si Crisanta. Namamaga pa din ang mga mata nito dahil sa pag-iyak.

"Gusto mo ba ng kape?" tanong muli ni Otep.

Muling umiling si Crisanta. Bumangon ito at hinagilap ang bag saka kinuha sa loob niyon ang pitaka. Binigyan nito ng pera si Otep na pambaon sa eskwelahan ng pang-isang linggo.

"Ate, magpakatatag ka naman oh. Babalik din ako mamaya. Dito 'ko matutulog. Nagluto na 'ko ng pagkain," sambit ni Otep. "Aalis na 'ko ha."

Imbes na sumagot ay muling nahiga si Crisanta at tinalikuran na nito si Otep pagpapahiwatig na ayaw na muna nitong makipag-usap. Kahit na galit si Otep kay Cheska, inalala pa din nito kung saan nagpunta ang kapatid. Isa sa mga gagawin niya ng araw na iyon ay alamin kung saan ito tumuloy nang umalis kahapon.

Kagaya ni Otep, napaisip din si Crisanta kung saan tumuloy ang kanyang kapatid na si Cheska. Pero dahil sa namayaning poot sa kanyang dibdib, nanaig sa kanya ang kaisipan na kaya na nitong pangalagaan ang kanyang sarili. Kung nagawa nitong pagtaksilan siya, ibig sabihin ay kaya din nitong mag-isip ng paraan para sa sarili niya.

Nagsimulang gumana ang utak ni Crisanta, iniisip niya kung paano nangyari ang lahat. Pansamantala niyang isinantabi ang nararamdamang lungkot at awa sa kanyang sarili upang makapag-isip siya ng maayos.

Wala siyang nakitang palatandaan na nagkaroon ng motibo si Joaquin sa kanyang kapatid, sa halip ay naging magiliw ito kahit kay Otep. Sa dinami-dami ng pwedeng tuluyan ni Cheska nang lumayas ito, bakit kay Joaquin pa ito napunta gayong ang layo ng tinutuluyan nito at sigurado siyang hindi nito alam puntahan iyon.

Kung hindi man niya makitaan ng butas si Joaquin, hindi rin niya kinakitaan na nagkagusto si Cheska dito. Hindi rin niya masabi sa sarili niya na pinagsamantalahan ni Joaquin ang kanyang kapatid dahil ito pa ang kusang nagpunta sa bahay nito, pero bakit inilihim iyon sa kanya ni Joaquin kung sakali mang kinontak siya ni Cheska.

Ayaw niyang kampihan sa kanyang utak si Cheska sa nangyari dito, pero nagtatalo pa din ang utak niya dahil hindi din niya mabigyan ng hustisya ang ginawa ni Joaquin. Kung may nangyari man sa dalawa ay ginusto nilang pareho iyon, ang tanging naisip ni Crisanta. Kinalimutan ni Cheska na siya ay ate nito at kinalimutan ni Joaquin na siya ang kasintahan nito na kung hindi nagbunga ang ginawa nilang pagtataksil, mananatili na lamang lihim ang lahat. Niloloko na siya ng hindi pa niya alam.

Lalong kumirot ang puso niya nang maisip niya kung paano ginawa ng dalawa ang dinadala ngayon ng kanyang kapatid. Muling nanariwa sa kanyang isipan ang naudlot na pagniniig nila ni Joaquin. Ayaw man niyang isipin, pero gumigiit sa kanyang isipan na si Cheska ang nasa kanyang posisyon ng mga oras na iyon, at kung hindi man natuloy ang kanilang pag-iisang katawan ni Joaquin, sa kanyang isipan ay nailalarawan niya ang itsura  ng dalawa hanggang sa matapos ang mga ito.

Hindi pa din niya mapigilan ang hindi maiyak, nasasabi niya tuloy sa sarili na kung sa ibang lalaki lang nangyari ang pagbubuntis ni Cheska ay baka maintindihan pa niya ito, at kung naakit man si Joaquin sa ibang babae at nabuntis niya ito, baka sakaling mapatawad pa niya ito.

Sumagi bigla sa isipan ni Crisanta na kailangan niyang ipaalam sa opisina na hindi siya papasok. Muli niyang inabot ang kanyang bag upang kunin sa loob nito ang cellphone. Pagbukas pa lamang niya ng cellphone, bumungad sa kanya ang hindi mabilang na tawag ni Joaquin na hindi niya nasagot. Maging ang mga sunud-sunod nitong mensahe.

Pansamantala niyang hindi ito binigyang pansin upang mag-text sa kanilang manager. Pumasok din sa isipan niya na magpasa ng vacation leave upang maiwasan niyang makita si Joaquin. Nais na sana niyang magpasa ng resignation letter, pero ayaw niyang magdesisyon ng padalos-dalos.

PISIWhere stories live. Discover now