Chapter 48

614 42 11
                                    


Hindi pa din mapalagay si Joaquin nang makauwi na siya sa kanyang apartment. Hindi man nawawala sa kanyang isipan si Crisanta sa bawat araw na nagdaraan, nasamahan pa ngayon ng pag-aalala ang kanyang pag-iisip dito.

Alam niyang hindi sapat ang pera lang para maibsan ang kinakaharap na problema ni Crisanta, mas kailangan nito ang karamay at kausap na alam niyang hindi niya kayang gawin.

Biglang sumagi sa kanyang isipan si Otep, tinawagan agad niya si Cheska nang gabing iyon upang tanungin ang oras ng paglabas nito sa klase. Hindi man alam ni Cheska, sinabi na lang niya kung ano'ng oras ito nakakauwi, sa pamamagitan nu'n, matatantiya na ni Joaquin kung ano'ng oras ito lumalabas ng unibersidad.

Samantala, inihanda na ni Crisanta ang sarili sa gagawing paglapit sa kanyang kasamahan sa opisina. Alam niyang mahirap makahiram ng halagang kailangan niya, hindi ikakasama ng loob niya kung hindi man siya makahiram, huling pag-asa niyang gagawin ay ang pagsasangla ng kanyang kotse.

Itinaon niyang katatapos lang ng kanilang pananghalian para kausapin ang iniisip niyang mahihiraman niya. Alam niyang may pera ito, dahil bukod sa mas mataas ang sweldo nito, lahat ng anak nito'y napagtapos na at naiipon na lang ang sinasahod nito sa trabaho. Akmang lalapitan na niya ito nang biglang narinig niyang tumunog ang kanyang telepono.

Nakita niya agad na ang tumatawag ay ang may-ari ng restawrant. Tatlong araw pa lang ang nakakaraan simula ng insidente at pang-apat pa lang ng araw na 'yun. Napasimangot pa siya at nasabi niya sa kanyang sarili na hindi ito makapaghintay. Gayunpaman, naging magalang pa din siya sa pagsagot dito.

"Ma'am, okay na po. Pasensya na po at wala po akong load kahapon," bungad ng kausap ni Crisanta.

Hindi naman agad naunawaan ni Crisanta ang  ibig sabihin nito.

"A-ano pong okey na? Tinatanong n'yo po ba kung may pambayad na 'ko? Eh eto po ginagawan ko po ng paraan," ani Crisanta.

"Ay hindi po ma'am. Okey na po, bayad na. May nagbayad na po. Pasensya na din po sa abala, siguro naman po nauunawaan n'yo din naman ang sitwasyon ko."

"M-may nagbayad? S-sigurado ka ba? One hundred thousand, m-may nagbayad? Sino? Sino 'yung nagbayad?" hindi makapaniwalang sunud-sunod na tanong ni Crisanta.

"Ayaw pong magpakilala. Sige po ma'am, thank you po." Bagama't nasa tseke ang pangalan ni Joaquin, sinunod lamang ng may-ari ng restawrant ang habilin nito sa kanya.

"Hello? Hello?" Binabaan na ng telepono  si Crisanta ng kausap niya.

Napangiting mag-isa si Crisanta habang tutop sa kanyang dibdib ang telepono. Pakiramdam niya ay nananaginip siya ng mga oras na 'yun. Isang tinik ang nabunot sa kanyang dibdib kaya't lumuwag ng bahagya ang kanyang paghinga. Pero hindi pa din siya makapaniwala at patuloy pa din siya sa pag-iisip kung sino ang may mabuting kalooban na gumawa nuon.

Sino ba ang nakakaalam ng insidenteng iyon?  Naisip niya agad na maaaring may ibang tao na nilapitan si Otep. Maaaring gumawa din ito ng paraan. Kahit utang 'yun, malaking bagay pa din niyang tatanawing utang na loob iyon dahil napahiram ang kapatid niya ng ganuong halaga. Alam niyang nasa klase si Otep kaya't hindi niya ito matatawagan. Lumulukso sa tuwa ang puso niya at anhin na lang niya ay dumating na ang oras ng kanyang pag-uwi upang magkausap sila nito.

Samantala, hindi na nag-aksaya ng panahon si  Joaquin, matiyaga siyang naghintay sa tapat ng gate ng unibersidad na pinapasukan ni Otep. Nahihilo man siya sa dami ng estudyanteng naglalabas-masok, idagdag pa ang magkakamukhang uniporme ng mga ito, tinalasan pa din niya ang mga mata sa kanyang paghihintay. Mas nakatuon siya sa mga lalaking matatangkad upang hindi lahat ay tinitingnan niya.

PISITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon