Chapter 41

596 37 14
                                    


"Ano ba'ng mayroon si Ate ng wala ako?" naitanong ni Cheska sarili niya.

Nais man niyang isatinig 'yun kay Joaquin subalit natatakot na siyang makarinig ulit ng salita dito na makakasakit sa kanyang damdamin. Wala siyang masisi sa nararamdaman niyang paghihinagpis, tumimo sa isip niya na hindi siya kayang mahalin kailanman ni Joaquin.

Hindi niya makuhang magalit sa Ate Crisanta niya dahil wala itong kasalanan kung ito man ang mahal ni Joaquin. A kahit anong sabihin niya kay Joaquin tungkol sa kanyang ate, hindi 'yun nagpabago ng damdamin nito, sa halip nakikita pa niya ang mas masigasig nitong pagnanasa na magkaayos sila.

Namumugto pa ang mga mata ni Cheska nang pumasok ito ng bahay pagkahatid sa kanya ni Joaquin. Dinatnan niya ang kanyang ate sa sala, hindi niya alam kung hihinto ba siya o didiretso sa pangambang mahalata nito ang mga mata niyang galing sa pagkakaiyak.

"Kumusta check-up?" kaswal na pagkakatanong ni Crisanta.

"Okey naman ate," tugon ni Cheska. Matapos nu'n ay diretso na siyang lumakad ng nakayuko.

Napasunod ng tingin si Crisanta dahil napuna niya ang mga mata nito, hindi na sana niya 'yun mapapansin kung hindi matamlay ang pagkakasagot nito sa kanya. Mabilis din niyang binalewala kung ano man ang nakita niya. Ipinagkibitbalikat na lamang niya kung ano man 'yun. Wala naman siyang nakikitang magiging problema sa pagpapasuri nito at kung mayroon man, pananagutan 'yun ni Joaquin. Gaya ng sinabi niya dito at sa kanyang sarili, ayaw na niya ng drama sa buhay.

Gaya ng karamihan, nais din ni Crisanta ng normal na buhay. Ang mabuhay ng walang masyadong iniintindi. Hindi maiiwasan ang mga problemang dumarating, pero lagi niyang dinarasal na sana ay hindi sing-bigat ng kanyang naranasan kung sakali mang may darating. Nakatuon ang kanyang isipan sa paghahanapbuhay para mas makaipon pa.

Sa positibo lagi nakalaan ang kanyang utak, kabilang dito ang makakatapos ng pag-aaral si Otep at magiging matagumpay na inhinyero ito, magpapatuloy ng pag-aaral si Cheska, kung kinakailangan niyang kumuha ng tagapag-alaga ng magiging anak nito ay gagawin niya at para naman sa kanyang sarili, kung si Bryan na ba talaga ang magiging kapalaran niya, ipagpapasa-Diyos niya ito kasabay na din ng pagpapairal ng kanyang puso at utak.

"Maiba pala 'ko Crisanta, 'yung bangko n'yo ba ay nagbibigay din ng business loan?" naisingit na tanong ni Bryan sa gitna ng panunuyo nito.

"Oo, nakikipagsabayan na sa mga malalaking bangko 'yung pinapasukan ko. Bakit gusto mo bang umutang? Aanhin mo naman?" kaswal na pagkakasagot ni Crisanta.

"Ang bilis naman ng sagot nito. Umutang talaga. hindi pwedeng loan para magandang pakinggan," nangingiting bigkas ni Bryan.

"Alam mo Crisanta, may iniiisip kasi akong business. Nakakasawa din kasi 'yung lagi ka na lang na tauhan. Isusugal ko 'yung properties ko dito kasi may nagturo sa akin na kakilala na mabilis mag-increase ang income mo," dugtong pa nito.

"Ano namang business?"

"Ah, a-ano, trucking business," tugon ni Bryan. "Alam mo 'yung mga humahakot ng mga gravel and sand saka mga panambak. Ang lakas ng kita ng mga 'yun."

"Yung kumpanya namin, may kakonekta sa mga ganyan, imagine hindi sila nawawalan ng kita. Ayaw kasi ng mga boss namin magpundar gawa ng dagdag lang sa kanilang intindihin 'yun, 'yung lugar na paglalagyan nila ng mga trak saka 'yung maintenance pa nu'n."

"Susulutin mo 'yung trucking ng company n'yo?" ani Crisanta.

"Hindi, mahirap kakompetensya 'yun. Masyado ng malaki 'yun. Pero narinig ko na nagsimula lang din 'yun sa maliit na negosyo, tatlong trucks lang daw nagsimula 'yun pero ngayon, grabe ang yaman na nu'ng may-ari. Nakaupo lang siya pero panay ang dating ng pera sa kanya."

PISIWhere stories live. Discover now