Chapter 35

581 38 18
                                    


Gaya ng nakaraang buwan, muling sinundo ni Joaquin si Cheska para sa buwanang pagpapasuri nito. At sa pagkakataong iyon, upang ipakita ang respeto at pagbibigay galang sa kumukupkop kay Cheska, magalang na tumuloy si Joaquin sa bahay ng tiyahin nito.

"Matanong nga kita Attorney, bagamat matagal pa naman eh pero alam kong darating din 'yung araw na 'yun," pasakalye ni Aling Tacing.

"Ano ba plano mo kapag nanganak na 'tong si Cheska?"

Naroon si Cheska at nagulat ito sa tinuran ng tiyahin. Hindi nito inaasahan ang pagtatanong nito. Hindi man siya nakatingin, nakaabang naman ang kanyang tenga sa isasagot ni Joaquin.

"Napag-isipan ko na po 'yan Tita," sabi ni Joaquin. "Kikilalanin ko naman po ang aming magiging anak. Sa apelyido ko pa din nakasunod ang pangalan ng bata. Saka, lahat ng gastusin eh sa 'kin po manggagaling."

"Maganda na 'yung nagkakaintindihan tayo. Alam mo Attorney, maraming tsismosa dito, tinatanong kung sino ang nakabuntis dito kay Cheska, sinabi na lang namin na nasa abroad.   Tiyak na magtatanungan na naman ang mga 'yan pag-alis n'yo,"

"Ah Tita," sapo agad ni Joaquin. "Tutal naman po sa inyo na nanggaling 'yan, p-pwede naman sigurong sabihin n'yong kapatid ko o pinsan ang ama ng baby ni Cheska. Hindi naman po sa itinatanggi ko, iniiwas ko lang din po kayo sa mas malaking usapin kung malalaman po ng iba ang tungkol sa 'min ni Crisanta."

Kahit hindi makihalo sa usapan, naiintindihan ni Cheska ang ibig ipahiwatig ni Joaquin, at sang-ayon na din siya sa nais mangyari nito.

Napalabi si Aling Tacing at napatango-tango. "Sabagay, may punto ka d'yan. Tatlong barangay man ang distansya namin duon eh singbilis naman ng kidlat kapag kumalat ang tsismis. Madalas ka pa naman duon dati. Hindi malabong may makakilala sa 'yo dito."

"Ang kainaman naman sa pamilyang 'to eh hindi mga nangangapitbahay kaya't hindi alam ng tao ang pribadong buhay nila. Marami lang diyan na magaling maghabi ng mga kwento."

"S-sige po, tutuloy na po kami," tumayo na si Joaquin matapos itong magpaalam. Tinanguan nito si Cheska pahiwatig ng pagyayaya na ditong umalis.

Kahit walang planong kausapin ni Joaquin si Cheska sa loob ng sasakyan, hindi rin ito nakatiis dahil nais niyang makakuha dito ng impormasyon tungkol sa Ate Crisanta nito.

"M-may balita ka ba kung saan pumapasok ngayon ang ate mo?" tanong ni Joaquin na nanatiling nakatuon ang mata sa kalsadang dinadaanan.

"H-hindi ko alam ang eksaktong pinapasukan niya," tugon ni Cheska. "Pero nu'ng birthday ni Tintin, may mga bisita siyang taga-Malolos, mga kasamahan daw sa trabaho. Sa bangko din yata pero hindi ko alam kung anong bangko."

"Nag-birthday na si Tintin?" biglang naitanong ni Joaquin.

"Oo K-kuya," tugon ni Cheska. Hindi nito mawari pero parang naaalangan na siyang tawaging kuya si Joaquin.

Hindi na muling nagsalita si Joaquin. Nasuma niyang lampas dalawang buwan na pala silang hindi nagkikita ni Crisanta. Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit ganu'n na lang ang interes niya dito, maraming beses na siyang nagmahal pero unang pagkakataon na nangyari sa buhay niya ang magmahal ng lubusan dahil alam niya sa sarili niya na si Crisanta na ang gusto niyang mapangasawa at makasama habang siya ay nabubuhay.

"Next month pwede na nating makita ang gender ng baby mo, Cheska, " masiglang turan ni Dra. Salud matapos itong suriin. "Excited ka na ba?"

"O-opo," nakangiting matipid na tugon nito.

"Sana lalaki Ate," singit ni Joaquin.

"Let's see," masayang sagot ni Dra. Salud. "Cheska, iwasan mo ng magsusuot na masisikip na pantalon at mga fitted na blouse ha. Kung magso-shorts ka naman, 'yung garterized na lang."

PISIWhere stories live. Discover now