PROLOGUE

65 7 0
                                    

Kapayapaan ang nag-iisang hiling ng bawat nabubuhay sa mundo. Kung may pagkasusunduan man ang lahat ng tao ay ito ang pagkamit sa kapayapaan. Ngunit hindi pare-pareho ang kanilang pamamaraan sa pagkamit nito. Ano nga ba ang tama?

Mas pipiliin mo bang tumahimik, magbulag-bulagan, at magbingi-bingihan sa harapang pagpapahirap at pang-aalipusta sa iyong sariling bansa mapanatili lang ang kapayapaan o mas nanaisin mong ipaglaban ito alang-alang sa kapakanan ng lahat?

Mas pipiliin mo bang matamasa ang huwad na kapayaan na may pinipili lamang o mas gugustuhin mong makamtan ang tunay na kapayapaang hangad at para sa lahat?

Ang Autonomous Union for Peace ay may hangaring kapayapaan para sa bawat bansang mapapasailalim sa kanila. Ang organisasyong ito ay itinatag ni Ordin Amadeus, isang pilosopo at magaling na lider. Sa paglipas ng panahon, lalong tumatag ang samahan na ito at lumawak ang kapangyarihan sa bawat bansang kasapi sa kanila. Sa kasalukuyan ay kasapi na ang 60% ng bansa sa buong mundo.

Isa sa mga bansang kasama sa AUP ay ang Erdavistan. Ito ay matatagpuan sa Asya at isa sa pinakamaunlad simula nang mapabilang ito sa AUP. Masasalamin sa Erdavistan ang larawan ng isang bansang may kapayapaan at kaunlaran na ipinangako ng AUP kung kaya't maging ang mga kalapit na bansa nito sa Asya ay nahikayat maging kaanib ng nasabing organisasyon.

Sa kasalukuyan, ang Erdavistan ay pinamumunuan ni Prime Minister Helios Alvadrid, isang magaling at matalinong na heneral ng hukbo ng bansa. Matagal din siyang nagsilbi bilang isang sundalo at naipanalo ang iba't ibang laban. Hangad din niya ang kapayapaan para sa kan'yang mga kababayan kung kaya't isa s'yang huwarang lider at sa tulong at gabay ng AUP ay naisakatuparan nilang mapangalagaan ang kapayapaan sa buong Erdavistan.

Bago makamit ang karangyaan at pagiging isa sa pinakamaunlad na bansa ay dumanas ng paghihirap ang Erdavistan. Pinaiiral dito noon ang absolute monarchy na pinamumunuan ng royal family nang ilang dekada na. Si King Saachl Viado ang kahuli-hulihan sa kanilang salinlahi na namuno bago siya mapatalsik sa pwesto at mapalitan ni Helios Alvadrid. Sa pagbabagong ito sa pamahalaan ay dumating ang AUP upang maging sandalan ng buong bansa.

Ang Erdavistan ay binubuo ng apat na estado: ang Astraea, Ascalon, Velhalla, at Urd. Nasa iisang bansa man ay lubos magkakaiba ang mga ito na kung titingnan ay hindi iisipin ng sinuman na nasa loob ito ng Erdavistan.

Ang Astraea, o ang Central State, ay ang mukha ng Erdavistan kung saan lubos na hinahangaan ng lahat. Isang perpektong lugar na nagsusumigaw ng karangyaan at kapayapaan. Dito matatagpuan ang Del Erde Palace kung saan nananatili ang Prime Minister. Narito rin ang ibang matataas na opisyal sa pamahalaan at mga importanteng tao sa larangan ng negosyo sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa. Kung titingnan ang Astraea ay para itong paraiso na nanaisin ng lahat na tumira at ito ang sumasalamin sa isang matagumpay na pakikibaka ng Erdavistan at sa tulong ng AUP.

Sa Ascalon naman matatagpuan ang mga taong nagmamay-ari ng minoryang negosyong tumutulong sa paglago ng ekonomiya. Gaya rin ng Astraea ay mababatid sa lugar na ito ang karangyaan at kapayapaan. Ang bawat nakatira rito ay masasabing may malaking parte sa pag-ulad ng Erdavistan.

Samantala, sa Velhalla naman nakatira ang mga taong may katamtaman na pamumuhay. Hindi nila kasing-yaman ang mga taga-Astraea at Ascalon. Karamihan ng mga empleyado ng malalaking kumpanya ay matatagpuan dito. Sa madaling salita ay lugar ito para sa mga manggagawa.

Ang huli ay ang Urd, kabaliktaran nito ang tatlong estado. Sa lugar na ito, matatagpuan ang madilim na katotohanan ng Erdavistan na pilit itinatago ni Prime Minister Helios at ng AUP. Ang Urd ang tanda na walang perpektong bansa at sa bawat pag-unlad ay mayroong maiiwan sa laylayan. Sa makatuwid, sinasalamin ng Urd ang kapalpakan at kahirapang pilit na ikinukubli sa larawan ng Astraea. Ang mga tao rito ang s'yang tunay na api at patuloy na naghihirap habang ang mga nasa taas ang s'yang tumatamasa ng karangyaan at kapangyarihan.

Ano nga ba tunay na kapayapaan? Tama bang tawaging kapayapaan ang pagiging kuntento ng iilan habang ang iba ay patuloy na nagdurusa?

May mga bagay na hinangad ang tao sa paniniwalang ito ang makabubuti. May mga desisyong na buong akala ay magtuturo sa tamang daan ngunit may mga lihim pa lang hukay na patungo sa kabiguan. Hindi batid ng sinuman kung ano ang tama dahil sa mundong ito ang tama at mali ay isang likhang konsepto lamang batay sa mga kasulatan. Gayunpaman, bilang isang tao, alam ng puso ng bawat isa ang kabutihan, hindi lamang pansarili kung hindi para sa kapwa.

Hanggang saan ang kayang panindigan ng iyong prinsipyo?

Ano ang dahilan mo para mapagpatuloy?

Kapag nabatid mo ang katotohanang pilit itinatago ay masasabi mo pa rin bang tama ang pinaglalaban mo?

At huli, sino nga ba ang kalaban at kakampi mo sa mundong puno ng sikreto at misteryo?

Hindi sapat na marunong kang manindigan, kailangang ikaw mismo ang gumawa ng paraan upang makamit ang iyong hinahangad dahil hindi mo pwedeng ipagkatiwala ito sa kung sinuman lalo na sa mundong katulad ng iyong ginagawalawan. 

Rogue and ProwessWhere stories live. Discover now