Kabanata 31

45 7 7
                                    

Hindi na nagawa ni Mrs. Villarica ang makasigaw. Hindi na rin nitong nagawang makalabit ang gatilyo ng hawak na baril. Masyado akong mabilis. Hindi nito inasahan na makakakilos ako nang kasing bilis at kasing tahimik ng pusa. Nanatili lang na nakatutok sa dibdib ko ang hawak nitong baril habang patuloy sa pagragasa ang dugo mula sa nabutas na leeg nito. Sinubukan nitong magsalita pero tanging ungol lang at dugo ang lumabas sa bibig nito.

Lalo ko pang diniinan ang pagkakatarak sa kutsilyo. Naramdaman ko ang masaganang pagtulo ng luha sa magkabilang pisngi ko habang nakatungahay sa nanlalaking mga mata ni Mrs. Villarica. Magkahalong lungkot at pagdiriwang ang namamayani ngayon sa puso at isipan ko; lungkot dahil nagawa ko ang isang bagay na ni sa panaginip ay hindi ko akalain na magagawa ko, at pagdiriwang dahil sa wakas ay napaghiganti ko na ang matalik kong kaibigan na si Layla. Justice is served! naalala kong sabi ni Mrs. Villarica habang pinapakalma ang nagwawala nitong baliw na kapatid. Nabigyan ko na ng hustisya ang pagkamatay ni Layla.

Tuluyan nang nalaglag ang baril sa nanginginig na kamay ni Mrs. Villarica. Unti-unti nawawala ang kulay sa mukha nito. Lupaypay na bumagsak ang magkabilang balikat nito. Mistulan itong isang de-susing manika na nawalan ng baterya sa katawan. Ilang saglit pa ay tuluyan na itong napaluhod at bumuwal sa sahig habang patuloy ang pagtagas ng dugo sa leeg. Sa pagkakatitig nito sa akin tila sinisigaw nito ang mga katagang Ikaw ang dapat na nakahiga dito sa maduming sahig at hindi ako! Ikaw ang dapat na may sugat sa leeg! Ikaw ang dapat na nalalagutan ng hininga at hindi ako! Ilang saglit pa ay nangisay si Mrs. Villarica at dilat ang mga mata na nalagutan ng hininga habang nakaharap sa kisame. Nalaglag ang box ng chocolate cake mula sa ibabaw ng lamesa at saktong bumagsak sa dibdib nito.

Gusto kong masuka. Naramdaman ko ang pagbaligtad ng sikmura ko at ang tila putik na nais kumawala sa lalamunan ko. Nanginginig na napaluhod ako sa tabi ni Mrs. Villarica at tuluyang sinuka ang lahat ng kinain kong chocolate. Nagkulay putik ang sahig na humalo sa dugo ng prinsipal. Nabitiwan ng nanlalambot kong kamay ang kutsilyo.

Nakarinig ako ng sigaw mula sa kabilang silid.

Bruno!

Agad kong dinampot ang baril sa tabi ng bangkay ng prinsipal at nangangatog na muling tumayo. Tinungo ko ang pintuan at lumabas habang nakatutok sa daan ang baril. Sumalubong sa akin ang nakakapanindig-balahibong lamig ng hangin at baha na hanggang talampakan ang lalim. Pinagsisipa ko ang ilang mga nakalutang na debris na nakaharang sa daraanan ko. Wala na akong pakialam kung makalikha man ako ng ingay, ang mahalaga ay mapuntahan ko kaagad ang faculty room at mailigtas si Bruno.

Sinipa ko pabukas ang nakauwang na pintuan ng faculty room.

"What the fuck, Puring. Hindi pa ako tapos–" Nanlaki ang mga mata ni Mang Juan nang makita ako. Namumutla ang mukha na bumangon ito mula sa pagkakapatong kay Bruno at nangangatog ang mga kamay na hinatak pataas ang suot na pantalon para takpan ang naghuhumindig nitong pagkalalaki. Tumaob ang toolbox na nasa paanan nito. "D-Dragonslayer? B-Buhay ka? Paanong–"

Nagmulat ng mga mata si Bruno. Nag-angat ito ng ulo at sinubukang bumangon mula sa pagkakadapa sa sahig. Nakahilis pababa ang pantalon nito kung kaya naman kitang-kita ko mula sa kinatatayuan ko ang walang saplot nitong likuran. Tama si Bruno. Wala nga itong balat sa puwet.

Napansin ni Mang Juan ang hawak kong baril na nakatutok rito. Napalunok ito. Bumagsak sa kamay nito ang martilyo na malinaw na gagamitin sana nito habang ginagawa ang kahalayan kay Bruno.

"P-Pakiusap, Dragonslayer. Huwag mo akong patayin. Nagmamakaawa ako sa iyo," nangangatal ang boses na samo ni Mang Juan habang nakataas ang mga kamay. Palinga-linga ito sa paligid na tila naghahanap ng maaaring matakbuhan. Nang walang makita ay muli nitong binalik ang tingin sa akin at nagbigay nang isang pilit na ngiti na animo'y isa itong maamong tupa na hindi makabasag-pinggan.

"Napakababoy mong matanda ka. Hindi ka na dapat binubuhay sa mundong ito. Ang dapat sa iyo ay sa impiyerno kung saan ka nanggaling," sigaw ko.

"Parang awa mo na, Dragonslayer. Alam kong hindi ka masamang bata. Nabubulagan ka lang ng galit mo. Ibaba mo na 'yang baril at baka makalabit mo pa. Pag-usapan natin ito."

"Isang tawag mo pa ng dragonslayer sa akin sisiguraduhin kong sasabog ang bao ng ulo mo."

Napangisi si Mang Juan. Nagbaba ito ng mga kamay at humalukipkip.

"Siya nga? Kaya mo nga ba talagang pasabugin ang bao ng ulo ko? Gaano ka ba kaasintado? Marunong ka bang gumamit ng baril? Matamaan mo kaya ang ulo ko? Magasgas mo man lang ba kahit isang parte ng katawan ko?"

Hindi ako sumagot. Itinutok ko ang baril sa kaliwang binti ng matanda.

"Nakita mo na? Tama ako. Kaya ang mabuti pa ay ibaba mo na 'yang baril. Mag-usap tayo. Ang lahat naman ay nadadaan sa mabuting usapan, hindi ba , Dragonslayer? Gamitin mo ang utak–"

Sumabog na parang kalabasa ang ulo ni Mang Juan nang kalabitin ko ang gatilyo ng baril. Nangingisay na bumagsak ito sa sahig.

Humakbang ako palapit sa nakadapang si Bruno. Nanlumo ako nang tuluyang makalapit at mapansin ang mga dugong unti-unting kumakalat sa dibdib nito na nakalapat sa sahig. Lumuhod ako at hinatak paitaas ang nakahilis na pantalon ni Bruno.

"Miya," pabulong na tawag ni Bruno.

Marahan ko itong hinatak patagilid. Lumantad sa akin ang dibdib nito na basa ng mga sariwang dugo na tumutulo mula sa sugat nito. Namumutla ang mukha nito at nanlalalim na ang mga mata na halos kita na ang buto sa paligid ng mga ito.

"Sshh. Huwag ka nang magsalita, Bruno. Ligtas ka na. Ligtas na tayo," nangingilid ang luha na sabi ko. Hinaplos ko ang pisngi nito. Naramdaman ko ang napakainit na temperatura nito na halos kasing init ng bagong kulo na takore. Tuluyan nang bumagsak ang luha sa mga mata ko.

"M-Miya." Nagtaas ng isang kamay si Bruno. Agad ko itong inabot. Para akong humawak ng isang plastic bag na may lamang mainit na tubig sa loob. "Miya, salamat."

"Bruno, huwag kang bibitiw, okay? A-Alam kong mahirap pero pilitin mo. Please!" samo ko. Kahit ako sa aking sarili hirap akong paniwalaan na makakaya ni Bruno ang maghintay pa nang matagal bago dumating ang tulong. Matagal nang nakabaon ang bala sa dibdib ni Bruno, at sigurado ako na kanina pa kumakalat sa katawan nito ang lason mula sa tingga ng bala. Lead poisoning! Bakit kailangang mangyari ito kay Bruno?

"H-Hindi ko na kaya."

"Please, Bruno. Stay with me."

"Miya, l-lagi mong tatandaan na m-mahal kita."

"Bruno, please. Huwag kang magsalita ng gan'yan."

"Patawad."

"Bruno!"

"P-Patawad, Miya. H-Hindi ko sinasadya na i-itulak ka."

"Bruno, ano ba'ng sinasabi mo?" halos pabulong kong tanong. Marahan kong hinaplos ang pisngi ni Bruno. "Hindi mo naman ako tinulak. Please, stay with me, okay?"

"T-Tinulak kita. A-And now I-I'm paying the price."

"Bruno..." Batid ko na ngayon ang ibig nitong sabihin. Tinulak niya ako palayo nang pagtangkaan niya ako kanina. Pero lumayo nga ba ang loob ko sa kanya? Sa kabila ng lahat, kabaligtaran ang nangyari. Habambuhay kong tatanawin na malaking utang na loob ang buhay ko kay Bruno.

Naramdaman ko ang paghigpit ng kapit ng kamay ni Bruno sa kamay ko. Ilang saglit pa ay naramdaman ko ang unti-unting pagkawala ng lakas nito. Lumupaypay ang mga balikat ni Bruno kasabay ng pagbagsak ng kamay nito mula sa pagkakahawak sa akin.

"Bruno, please."

"M-Miya, a-alam mo bang—"

Nanatiling nakadilat ang mga mata ni Bruno. Mistulan lang itong natutulog habang nakahiga sa kandungan ko, pero sapat na ang paghinto ng paghinga at ang pamimigat ng katawan nito para mapagtanto na iniwan na ako nito. Wala na ang kaibigan ko.

Patay na si Bruno.

My Teacher is a Serial KillerWhere stories live. Discover now