Kabanata 36

41 7 7
                                    

Lumukso ang puso ko nang matagpuan ang shoulder bag sa tabi ng tumaob na lamesa. Nang mahablot ay agad kong hinalungkat ang laman nito. Lotion. Face powder. Lipstick. Lip gloss. Aspirin. Nagmamadali kong kinuha ang bote ng aspirin, binuksan, kumuha ng dalawang piraso, at nilunok. Sa nagdidilim kong paningin at lumulutang na diwa batid kong hindi sapat ang aspirin para maibsan ang sakit na nararamdaman ko, pero mas mabuti na ang may nainom na gamot kaysa sa wala. Makatutulong pa rin ito upang mabawasan ang pananakit ng ulo ko nang sa gayon ay makapag-isip ako nang maayos.

Napansin ko ang ilang mga basyo ng bala na pawang mga nakalagay sa loob ng maliit na transparent box sa loob ng bag. Ilang sandali ko itong pinagmasdan, iniisip kung bakit sa lahat ng bawal na dalhin dito sa paaralan, baril at bala pa talaga ang sikretong dala ni Mrs. Villarica sa bag nito. Nakakatawang ito mismo na prinsipal ang lumabag sa batas na ito rin ang gumawa.

Nakagat ko ang labi nang muling kumirot ang sugat sa leeg ko. Nangangatal ang mga ngipin na kinagat ko pabukas ang plastic na nakabalot sa tissue, pagkatapos ay nagputol ako ng mahabang rolyo at maingat na binalot sa paligid ng leeg ko. Pero ilang segundo lang ay basa na agad ito ng dugo ko dahilan para mapunit ito at lumaylay sa leeg ko. Muli ako humugot ng mahabang rolyo ng tissue at tinupi ang mga ito na parang gagawa ako ng bangkang de papel. Agad ko itong tinapal sa leeg ko habang hinahalungkat ko ang nakataob na trash bin sa tabi ko. Bahagya akong napangiti nang matagpuan ng kamay ko ang maruming panyo na ginamit ko kagabi nang walang habas na pasakan ni Dragon Lady ng chocolate cake ang mukha ko. Pinagpag ko ito at marahang tinali sa leeg ko kasama ng nakatuping tissue. Wala na akong maisip na maitatapal sa sugat ko sa braso. Umasa na lang ako na makatulong kahit paano ang tela ng uniform ko na tumatapal rito. Ang mahalaga ay mapigilan ko ang patuloy na pagtagas ng dugo sa katawan ko.

Agad kong naalala si Layla.

Kagat-labi akong tumayo at naglakad. Patuloy pa rin ang pagtusok ng nabaling tadyang ko sa dibdib ko sa bawat paghugot ko ng hangin. Pinigil ko ang sarili na mapasigaw sa tuwing mararamdaman ko ang matinding kirot na halos sumakot sa buong katawan ko.

"Layla," pabulong na bungad ko nang muling maaninagan si Layla. Marahan akong lumuhod at hinaplos ang noo nito. Agad kong binawi ang kamay ko na tila napaso. Sobrang init ni Layla. Inaapoy ito ng lagnat. Aninag ko ang matinding pamumutla ng mukha nito at ang pangangatal ng bibig nito na halos magbanggaan na ang mga ngipin nito. Patuloy pa rin ang pagtagas ng dugo mula sa mga hiwa nito sa ulo.

"M-Miya," ganting-bulong ni Layla. Nanatili itong nakapikit. Habol nito ang paghinga. Panay ang pagtulo ng mga butil ng pawis sa noo nito na mistulang mga maliliit na kulay pulang salagubang na gumagapang patungong pisngi nito.

Kumuha ako ng dalawang piraso ng aspirin at nilapit sa bibig nito.

"Inumin mo ito, Layla."

Marahang umiling si Layla. Nagdilat ito ng mga mata at tumingin sa akin. Mistulang pinatakan ng kulay pulang pintura ang mga mata nito. Nasapo ko ang bibig ko, pinigil ang nagbabadyang pagsigaw na nais kumawala sa sistema ko.

"S-Sa tingin mo totoong may Langit, Miya?" tanong ni Layla na tila wala sa sarili habang mariing nakatingin sa akin. Kung totoong nakikita ako nito.

"L-Layla."

"Naging mabait naman ako, hindi ba, Miya? N-Nagkamali ako. Inaamin ko. S-Sa tingin mo m-mapapatawad ako ni Bruno k-kapag nagkita kami sa Langit?" Nagtaas ng isang nanghihinang kamay si Layla. Agad ko itong inabot at pinilit na huwag mapaungol nang matamaan ng mga daliri nito ang sugat ko sa palad.

"Layla, please. Huwag ka nang magsalita ng gan'yan," sabi ko. "Inumin mo itong aspirin. Kailangan mong magpahinga."

"Sa tingin mo mapapatawad ako ng Diyos? S-Sa tingin ko hindi naman ako ganun kasamang babae. I-I'm just a s-stupid girl. T-That's all."

"Layla..."

Tila hindi ako naririnig ni Layla. Patuloy lang ito sa pagsasalita, patuloy na humihingi ng kasiguraduhan na totoo ang lahat ng naiisip nito. Bahagyang humigpit ang kapit ng mga daliri nito sa palad ko. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang nagbabadyang pag-ungol na nais kumawala sa bibig ko.

"M-Miya..." muling tawag ni Layla sa akin. May sariwang dugo na bumulwak sa magkabilang gilid ng bibig nito. "Miya, n-nasaan ka? B-Bakit hindi kita makita?"

"Layla, nandito lang ako sa tabi mo," tugon ko. Pinilit kong patatagin ang boses ko, magkunwaring matapang, pero tanging garalgal na tinig ang lumabas sa bibig ko kasunod ng paghikbi. Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako.

"U-Umiiyak ka ba, M-Miya?" may pag-aalala sa boses ni Layla. Hinilig nito ang ulo. Napako ang tingin ko sa bandang gilid ng ulo nito. Ganun na lang ang panlulumo ko. Isang tila scalpel ang nakabaon sa likuran ng kaliwang tainga ni Layla. Panay ang tagas ng dugo mula sa malalim na hiwang nilikha nito. Lalong bumuhos ang luha sa mga mata ko nang mapagtantong sinadyang iwan nina Mrs. Villarica at Ms. Velasco ang scalpel na ginamit ng mga ito pantanggal sa buhok ni Layla. Maaaring lalo itong bumaon nang nagpambuno kami ni Layla kanina. Naramdaman ko ang biglang pagbaligtad ng sikmura ko.

"Please, Miya, h-huwag kang umiyak. Tara, sabayan mo akong magdasal. Samahan mo akong h-humingi ng tawad..."

"Layla, please, huwag mong sabihin 'yan!"

"H-Hail Mary, full of grace, the Lord is with thee..."

"Layla," samo ko. Marahan ko itong niyugyog, pero tila wala na itong naririnig. Hinaplos ko ang pisngi nito. "Layla, naririnig mo ba ako? Layla!"

"Blessed art thou among women, and b-blessed is the fruit of thy womb, Jesus. Holy Mary, Mother of God, p-pray for us sinners now, and at the hour of death. Amen."

Muling inulit ni Layla ang pagdarasal. Nanatiling nakapako ang mga mata nito sa akin.

"Hail Mary, full of grace, the Lord is with thee..." sabay naming bigkas ni Layla. Panay ang paghikbi ko. "Blessed art thou among women, and blessed is the fruit of thy womb, Jesus. Holy Mary, Mother of God, pray for us sinners now, and at the hour of death. Amen."

Naramdaman ko ang panlalambot ng kamay ni Layla sa palad ko. Nang lingunin ko nakita ko na nakatirik na ang mga mata ng matalik kong kaibigan habang nakabuka ng bahagya ang bibig na tila may gusto pa sanang sabihin ngunit huli na ang lahat.

Umiiyak na sinalat ko ang mga mata nito at pinihit pababa.

I always loved you, Layla. I hope you know it. Paalam, mahal kong kaibigan. Hanggang sa muli.

My Teacher is a Serial KillerWhere stories live. Discover now