Kabanata 35

37 6 7
                                    

Kukurap-kurap na napatitig si Layla sa hawak na baril, hindi inakalang sa huling sandali ng pagtanggap sa regalong halik ng kamatayan ay siya namang pagkawala ng bala na dapat sana ay bubutas sa sentido nito. Rumehistro ang magkahalong galit at panlulumo sa duguang mukha ni Layla, at bago pa nito maihampas ang baril sa sariling ulo ay malaya ko nang nayakap nang buong higpit ang katawan nito. Tumalsik ang baril kasabay ng pagbagsak ng katawan naming dalawa sa maruming sahig.

Pilit na nagpupumiglas si Layla sa yakap ko. Tila isa itong isda na ayaw magpahawak sa pangahas na mangingisdang nakahuli rito. Halos makawala ito sa pagkakayapos ko sa sobrang dulas ng katawan nito na naliligo sa sariling dugo na humalo na rin sa dugo ko. Ilang beses na nagsisisigaw si Layla, nagbitiw ng malulutang na mura, humagulhol ng iyak habang sinisigaw na gusto na nitong mamatay, hanggang sa unti-unti itong kumalma, tumigil sa pagpupumiglas, at nanatiling nakahiga sa sahig katabi ko habang habol ang paghinga.

"Miya," pabulong na tawag ni Layla habang nakapikit. Napansin ko ang muling pagdurugo ng natuklap na anit nito na tumutulo sa sahig. Tila maging ang nakalbong ulo ni Layla ay lumuluha kasabay ng pagtulo ng luha sa magkabilang pisngi nito.

"Layla," anas ko malapit sa tainga nito. Niluwagan ko ang pagkakayakap kay Layla sa takot na hindi ito makahinga. Naaalala ko ang mahigpit na pagyakap sa akin ni Bruno. Marahan kong hinaplos ang pisngi ni Layla at pinunasan ang luha na dumaloy rito.

"Miya, w-walang bala ang baril," pamamalita ni Layla sa garalgal na tinig. Nagdilat ito ng mga mata, at halos mapigil ko ang paghinga nang makitang namumula ang mga ito. Ilang saglit pa'y nakita kong may halong dugo ang mga luha na bumabagsak sa mga mata nito na tila tinta.

Marahan akong bumangon at sinubukang ibangon rin si Layla, pero mistulang naging sako ng semento ang katawan nito sa sobrang bigat. Nanatili lang itong nakahiga habang tila nananaginip na nakatingin sa akin.

Kumulog nang napakalakas sa labas. Kasunod nito ang tila mga tipak ng bato na tumatama sa bubong at mga dambuhalang latigo na humahagupit sa dingding. Pumasok mula sa mga nakabukas na bintana ang nakakapanindig-balahibong lamig ng hangin na lalong nagpasigaw sa mga sugat ko at nagpanginig sa mga buto ko.

Sinubukan kong tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig, pero ilang dipa pa lang ang naitatayo ko ay siya namang pagkawala ng lakas ng mga tuhod ko. Pabalya akong muling napaupo sa sahig habang sapo ng nagdurugo kong kamay ang nagdurugo ko ring leeg. Tila may nakabarang tipak ng yelo na may halong asido sa lalamunan ko na unti-unting tumutunaw sa leeg ko. Bawat paghinga ko ay kalbaryo. Bawat hugot ko ng hangin ay siya namang pananakit ng dibdib ko na tila may matulis na bakal na tumutusok sa akin mula sa loob ko.

Nabaling tadyang, Miya. Ito ang nararamdaman mong tumutusok sa dibdib mo. Huwag ka nang masyadong kumilos. Huwag mong hayaan na matusok ng nabali mong tadyang ang baga mo!

Madaling sabihin pero mahirap gawin. Hindi maaaring hindi ako kumilos. Kailangan kong gumawa ng paraan para mailigtas si Layla. Kailangan nito ang tulong ko. Nalagutan ng hininga si Bruno sa mga kamay ko, hindi ko hahayaang mangyari din ito sa matalik kong kaibigan.

Kailangan kong magamot ang mga sugat namin ni Layla.

Paluhod na naglakad ako patungo sa nakasaradong pinto ng cr, nagbabakasakaling may first aid kit din na nakapatong sa kabinet sa loob kagaya ng cr sa silid-aralan ni Ms. Velasco. Pinihit ko ang doorknob at tinulak. Lumangitngit ang pinto habang unti-unting bumubukas. Sa mumunting liwanag na pumapasok mula sa maliit na bintana sa itaas ng shower, natagpuan ng mga mata ko ang hinahanap. Nakasulat sa maliit na puting karton ang mga katagang FIRST AID KIT. Nanginginig na tinaas ko ang mga kamay para abutin ang karton na nakapatong sa ibabaw ng maliit na kabinet sa tabi ng lababo. Pero masyadong mataas ang kabinet kung ikukumpara sa haba ng braso ko. Pigil ang paghinga na itinuon ko ang siko sa ibabaw ng nakasarang toilet bowl at pinilit na ipatong ang bigat ng katawan ko sa kanang paa ko. Agad kong kinapitan ang lababo nang makaramdam ako ng bahagyang pagkahilo. Nang humupa ang pag-ikot ng paligid buong pag-iingat kong kinuha ang karton. Kumunot ang noo ko nang mapansing magaan ito. Halos mabalibag ko ang karton nang buksan ko ito at natuklasang wala itong laman kahit bulak. Nagpupuyos ang kalooban na hinayaan ko itong bumagsak sa porselanang sahig habang hinahalungkat ang laman ng kabinet. Lotion. Toothbrush. Toothpaste. Gluta soap. Shaving cream. Hand gel. Astringent. Tissue. Napkin. Hinayaan kong magbagsakan ang mga ito sa sahig na parang mga basura. Wala sa mga ito ang hinahanap ko. Kahit isang bote ng alcohol wala. Pakiramdam ko naghahanap ako ng karayom sa dayami. Bumagsak ang luha sa mga mata ko. Kailangan ko pa bang lusubin ang malakas na pagbuhos ng ulan at lusungin ang nanggagalaiting baha mapuntahan lang ang lungga ng dragon para makuha ang box ng first aid kit na ginamit sa akin ni Bruno? Wala na bang katapusan ang kalbaryong dumarating sa akin. Sa amin ni Layla?

Pinulot ko ang tissue sa sahig at paika-ikang naglakad pabalik.

Halos mapasigaw ako nang may tumama na kung ano sa bintana malapit sa akin. Nagtalsikan papasok sa loob ang mga nabasag na piraso ng salamin at ang mahahabang sanga ng matandang punong-kahoy na bumagsak at tumama sa bintana. Naggapangan palayo ang mga malalaking gagamba na namamahay sa isang nakalukot na dahon na nakadikit pa sa sanga na parang wirdong kabibe.

Muli akong napaluhod. Naramdaman ko ang matatalim na dulo ng mga nabasag na salamin na dumadampi sa dalawang tuhod ko, pero tila kagat lang ng langgam ang kirot na dulot ng mga ito kung ikukumpara sa nakakabaliw na hapding dulot ng nagdurugong sugat sa leeg, balikat, at kamay ko. Paluhod akong nagpatuloy sa paglalakad, hinahanap ng paningin ang bagay na pag-aari ni Mrs. Villarica.

My Teacher is a Serial KillerWhere stories live. Discover now