"PAANO tayo niyan makauuwi?" Naiinis na tanong ni Janeth kay Zaldy nang makabalik silang dalawa sa puwesto ng kanyang mesa.
"Ewan ko." Kibit-balikat na komento sa kanya ni Zaldy.
Walang nagawa si Janeth kundi ang mapabuntong-hininga at lulugo-lugong ipinatong niya ang hawak na generator sa ibabaw ng kanyang mesa. Inilapag din ni Zaldy sa ibabaw niyon ang kanyang shoulder bag.
"Kung ganoon, tutunganga lang tayo rito?" Basag ni Janeth sa katahimikan.
"I'm hungry." Narinig niyang sabi ni Zaldy nang umupo ang binata sa monobloc sa harap lang ng kanyang mesa.
"Akala mo ikaw lang? Ako rin kaya, 'no." Napairap na lang si Janeth sa labis niyang inis. Pero kaagad ding may sumagi na ideya sa kanyang isip at lumipad ang kanyang tanaw patungo sa mesa ng isa nilang co-teacher. "Sa table ni Mrs. Abenoja!"
"What do you mean?" Kunot-noong tanong nito sa kanya.
"May mga ibinebentang pagkain si Mrs. Abenoja sa loob ng drawer ng mesa niya." Pag-imporma niya kay Zaldy.
Si Mrs. Abenoja ang bagong version ni Doraemon sa kanilang faculty dahil halos lahat yata ng laman ng tindahan ng kanyang co-teacher ay hinakot na nito at ipinasok sa loob ng drawer ng mesa. Nakaugalian na kasi ng faculty na bumili ng pagkaing tinda ni Mrs. Abenoja lalo na sa co-teachers niyang ayaw gumasta nang malaki at nagtitipid. Kaya hulog talaga ng langit sa kanila ni Zaldy ang mga paninda ni Mrs. Abenoja!
"Ano? Kailan pa naging tindahan ang faculty na ito? Saka hindi pinahihintulutan ng school ang magbenta ng kung ano-ano sa mga bata dahil meron naman tayong canteen."
"Okay, fine. Eh, di 'wag kang kumain. Bahala ka riyan mamatay sa gutom." Pagkatapos ay dali-daling tumayo mula sa pagkakaupo sa silya si Janeth saka tinungo ang puwesto ng mesa ni Mrs. Abenoja sa gawing kanan sa unahang sulok ng silid malapit sa bintana.
Sa pamamagitan ng liwanag ng generator ay nagawang buksan ni Janeth ang drawer ng mesa ni Mrs. Abenoja. Bumungad kay Janeth ang mga tinapay, snacks, cupcakes, garapon ng Stick-O, lollipops, at candies. Lalo tuloy natakam at ginutom si Janeth nang dahil sa mga pagkaing nasa loob ng drawer.
"Masasarap ba ang mga 'yan?" Kung hindi nga lang niya kilala ang boses ni Zaldy baka kanina pa siya napahiyaw sa biglang pagsulpot ng binata sa kanyang tabi.
"Bakit? Hindi ka pa bang kumain ng mga ganito?" Tanong niya kay Zaldy habang abala ang kanyang pansin sa pagra-ransack ng mga pagkain sa drawer.
"I only eat healthy foods."
"Tss! Ang sabihin mo, hindi ka lang sanay kumain ng pagkain ng mga mahihirap. Kahit paano pala mas nakalalamang din kaming mahihirap kaysa sa inyong mga biniyayaan ng maraming pera."
"What's that suppose to mean? Na minamaliit ko kayong mahihirap?" Salubong na ang kilay ni Zaldy.
"Ikaw may sabi niyan." Kibit-balikat na sabi na lang ni Janeth habang binubuksan ang plastic ng buns.
Naghalungkat pa si Janeth ng gunting sa katabing drawer kaya nabuksan din niya ang sachet ng palaman. "Pero, 'di ba? Sabi mo inampon ka ng mga foster parents mo? 'Di ibig sabihin niyon, nakatitikim ka na rin ng pagkain ng mga mahihirap maliban na lang kung nag-iinarte ka."
"Sa mayamang orphanage ako inalagaan."
"Wow! Sosyal." Mayamaya ay inalok niya si Zaldy ng sandwich na kanyang ginawa mula sa buns at palaman. "O, baka sabihin mo na madamot ako."
Hindi naman tumanggi sa kanyang alok si Zaldy at dali-dali nitong dinalawang kagat ang sandwich na agad din nitong naubos. Halata ngang kanina pa nagugutom ang binata dahil nakailang kuha rin ito ng sandwich na halos dalawang piraso na lang ang natira kay Janeth.
BINABASA MO ANG
State of My Heart
Teen FictionKuwento ng isang makulit na Aristokrata at ng crush na crush niyang Mr. Principal. Latest Book Cover: Coverymyst Image Credits: Jeon Ji-hyun and Lee Joon-gi