Capítulo Veinticinco

42 7 0
                                    

Capítulo Veinticinco

"Binibini, natatandaan niyo pa po ba? 30 araw na ang nakararaan ng kayo'y magsimulang hindi magkibuan ng inyong kaibigan na si Señorita Candida." Panimula niya sa kuwento. "Ang akala ko'y simpleng tampuhan lamang ito ngunit simula noon ay palagi na lamang kayong nag-aaway sa tuwing magkasama. Sumama ang iyong loob kaya ipinaalam mo sa akin ang iyong problema." Sabi niya.

"Kung ganoon ay bakit kami nag-away?" Tanong ko.

"Dahil ipinabatid mo sa kanya na ika'y nakatakdang magpakasal kay Señorito Zosimo, na siyang iniibig ni Señorita Candida." Sagot niya sa akin.

"Ngunit siya ay nakatakdang ikasal kay Juan Miguel!" Nagtatakang turan ko sa kanya.

"Nangyari ang lahat ng iyon dahil sa iyo, binibini." Sagot niya sa akin.

"Bakit?" Tanong ko.

"Kung ganoon ay hayaan niyo akong tapusin ang aking kuwento." Sabi niya sa akin.

Tumango ako at hindi na nagtangka pang magsalita.

"Nang malaman ni Candida na ika'y ikakasal kay Señorito ay nagalit siya sa iyo at hindi ka niya kinikibo. Hindi ka niya nilalabas sa tuwing binibisita mo siya sa kanilang bahay." Sabi nito. "Noong hindi pa kayo nagkakagalit ay madalas kayong magkasama na namimili sa Escolta ngunit noong magkagalit na kayo ay ikaw na lamang ang madalas na nagpupunta roon." Kuwento niya sa akin. "Mga 14 na araw na ang nakararaan ng mayroon kang nakitang isang ginoo. Siya ay si Ginoong Juan Miguel. Sa aking palagay ay nahulog ang iyong loob sa kanya noong unang beses mo pa lamang siyang nakikita. Ilang beses kang nagbakasali na makita siyang muli sa Escolta ngunit palagi kang bigo." Tuloy lamang siya sa pagkuwento.

"Isang araw ay mayroong mga bisita na nagpunta rito upang bisitahin ang iyong ama. Sila ang Pamilya Legaspi. Ang pamilya ni Ginoong Juan Miguel. Doon mo siya nakitang muli. Nakaramdam ka ng galak ng makita mo siyang muli ngunit lungkot kalaunan sapagkat naikuwento ng Papà ni Ginoong Juan ang nakatakdang pagpapakasal nito kay Candida. Ang sabi ay ang mismong mamà ni Candida ang lumapit upang ipagkasundo ang dalawa na siya namang ikinatuwa ni Ginoong Juan Miguel. "

"Kung ganoon ay papaanong nagawa kong magkagusto sa ibang lalaki kung ako ay nakatakda na palang ikasal kay Zosimo?" Tanong ko sa kanya.

"Bakit niyo po sa akin tinatanong ang bagay na iyan? Kayo po ang magsabi, papaano niyong nagawa na saktan ang damdamin ng isang Ginoo na lubos kayong iniibig." Sabi niya sa akin. "Sa palagay ko ay dahil una pa lamang ay tinututulan niyo na ang inyong pagpapakasal dahil inuunawa niyo ang nararamdaman ni Señorita Candida. Sinisisi niyo si Señorito Zosimo sa inyong pagkakagalit ni Señorita Candida."

Napakagulo at napaka komplikado ng mga pangyayari. Hindi ko alam kung papaano ko ia absorb ang mga nangyayari.

Kasalanan tong lahat ni Felisa. Kung hinayaan na lamang sana niya ang mga pangyayari at nagpatinaod na lamang sa agos ng buhay ay hindi naman sana ako makakapunta rito.

"Makakaalis ka na." Sabi ko kay Esmeralda.

Lumipas ang gabi na hindi mawala sa aking isipan ang mga tinuran ni Esmeralda.

Hindi ko maintindihan si Felisa kung bakit napaka gulo ng kanyang buhay. Nagsimula lang naman ang lahat sapagkat umibig si Felisa ng ibang lalaki.

Kung ganoon ay hindi na lamang ako lalapit o titingin sa ibang lalaki ng sa ganoon ay wala na ang problema.

Ngunit kinaumagahan ay siya namang pagsubok na ibinigay sa akin.

Nasa bakuran ako ng aming bahay ng matagpuan kong papalapit sa aking puwesto si Juan Miguel. Nanlaki ang aking mata at agad na tumalikod. Naglakad ako ng mabilis habang nakasunod sa akin si Esmeralda na pinapayungan ako.

Dahil sa pagmamadali ay akala ko madapa ako dahil natapakan ko na naman ang laylayan ng aking suot. Ngunit hindi natuloy iyon dahil mayroong kamay ang humawak sa aking braso. Nakatayo ako ng maayos at nilingon ang nagmamay-ari ng kamay na pumigil sa aking pagkakadapa.

"Juan Miguel." Mahinang usal ko.

"Patawad sa aking paghawak sa iyo ng walang pahintulot." Sabi niya sa akin. "Magiingat ka na sana sa susunod."

Tumikhim ako bago nagsalita.

"Maraming salamat." Sabi ko sa kanya.

Maglalakad na sana akong muli ngunit nagsalita na naman siya.

"Bakit tila iniiwasan mo ako, binibini?" Tanong niya sa akin. "Hindi ko nais na makaramdam ka ng ilang sa tuwing nasa pakigid ko." Sabi niya sa akin.

Hindi ko nais na iwasan siya ngunit ito ang makakabuti. Hindi ako si Felisa kaya't hindi ko nararamdaman kung ano man ang nararamdamang pag-ibig niya sa lalaki na ito.

"Patawad ngunit mayroon akong kailangan na gawin. Hindi kita iniiwasan o kung ano pa man." Sagot ko sa kanya. "Halika ka na." Sabi ko kay Esmeralda.

"Kung ganoon ay maari ba kitang makausap kahit na saglit?" Tanong niya sa akin.

Kahit na gusto kong humindi sa kanya ay magmumukha lamang akong umiiwas kaya't pumayag na lamang ako.

Inutusan ko na lamang su Esmeralda na lumayo muna sa aming puwesto.

"Ano ang iyong kailangan?" Tanong ko sa kanya.

"Patawad sa aking paggambala sa iyo ngunit maari bang makausap kita patungkol kay Candida?" Tanong niya.

Jusko! Wala naman akong alam na kung ano kay Candida maliban na lamang sa katotohanan na may gusto siya kay Zosimo.

"Ano ang tungkol sa kanya?"

"Mamaya na ang pagdiriwang sa kanyang kaarawan, hindi ito natuloy kahapon dahil hindi sa kakulangan sa oras na aking ipinagpapasalamat." Sabi niya sa akin. "Ngunit maaari mo bang sabihin sa akin kung anong regalo ang maari kong ihandog sa kanya. Magkaibigan kayong dalawa kaya nasisiguro ko na alam mo ang kanyang mga hilig."

Nagjojoke ba to? Magkaaway na nga daw kami, ee. Huminga ako ng malalim.

"Hindi ko alam kung ano ang magandang iregalo sa kanya ngunit maaari kitang samahan sa pamilihan upang makapamili." Sabi ko sa kanya.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ko at inalok ko siyang samahan sa pamilihan. Nakita kong lumiwanag ang kanyang mukha sa aking tinuran.

"Maraming salamat, tunay ngang napakabait mo."

Su CartaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon