Capítulo Treinta Y Nueve

28 4 1
                                    

Capítulo Treinta Y Nueve

"Kamusta ka?" Tanong ko kay Juan.

"Maayos naman ako, Felisa. Hindi ko akalain na dadalawin mo ako sa aming tahanan."

"Nais ko lamang makita ang aking kaibigan, nasaan nga pala si Dimetria? Maayos ba ang kanyang lagay?"

"Mabuti ang aming lagay, Felisa. Maraming salamat sa iyong pag-aalala."

Hindi ko alam kung papaano sisimulan o kung papaano sasabihin sa kanya ang mga nais kong sabihin. Ngunit alam kong kailangan.

"Juan, kung hindi mo mamasamain, nais kong itanong kung papaano mo nasabing gusto mo si Candida?" Panimula ko.

"Si Candida? Si Candida ay isang babaeng hindi nanaisin ng mga kalalakihan, ngunit kung kikilalanin siyang mabuti ay mabait siya, pilya at napakaganda niya sa tuwing ngumingiti." Nakangiting sagot niya. "Naaalala ko siya sa isang kaibigan na matagal na umalis." Tumingin siya sa akin.

"Sa palagay mo ba ay magagawa mong lokohin siya para sa isang kaibigan na bigla na lang bumalik sa buhay mo?" Tanong ko.

Huminga siya ng malalim at matagal bago sumagot. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isipan niya.

"Ang pagmamahal ay isa sa pinakamasarap at pinakamasakit na mararanasan mo sa napaka-ikling buhay na ito." Panimula nito. "Sa panahon na puno ng pagdanak ng dugo, ang pagmamahal ang pinakahuli sa prayoridad ng tao. Sa palagay ko ay hindi ko ipagpapalit ang dangal ko para lang sa isang bawal na pag-ibig."

Ang sagot niya ay taliwas sa ginawa niya noon. Sana nga ay panghawakan niya ang mga salitang binitawan niya.

"Ikakasal na ako bago matapos ang buwang ito." Balita ko.

"Ang akala ko ay sa araw pa ng kaarawan mo iyon?" Nagtatakang tanong nito. "Marahil ay nagmamadali si Zosimo kay—"

"Hindi ako magpapakasal sa kanya." Putol ko sa iba niya pang sasabihin. "Hindi ako magpapakasal kay Zosimo." Ulit ko.

Nakita ko ang gulat sa kanyang mukha. Ngumiti ako sa kanya ng mapait.

"Gulat ka, noh?" Tanong ko. "Magpapakasal ako kay Carlito." Dagdag ko.

"Carlito dela Paz?" Gulat na tanong niya. Tumango ako.

"Ang ibig kong sabihin ay hindi pa siya pumapayag pero sisiguraduhin kong u-oo siya sa alok."

"Hindi ko akalain na maririnig ko yan mula sa'yo."

Nagtawanan kami at tila nawala ang bigat na nararamdaman ko.

Ilang araw ang lumipas, nasa harap ko ngayon si Carlito. Nasa sala kami at nag-uusap kasama ang kanyang mga magulang.

"Hija, hindi ko maintindihan kung bakit mo gustong makasal sa aming anak." Sabi ng matandang dela Paz.

"Oo nga naman, Felisa." Sang-ayon ng asawa nito. "Simple lamang ang aming buhay, samantalang ikaw ay nakakaangat sa buhay. Baka ang luho mo ay hindi maibigay ng aming anak."

Mahabang litanya ni Ginang dela Paz.

"Mawalang galang na ngunit ang aming anak ay simple lamang." Sabat ni mamà. "Kahit na anak siya ng Gobyernador-Heneral ay hindi naman siya magastos tulad ng iba."

Nakikinig lamang ako sa pag-uusap nila. Hindi ako makahanap ng tamang salita na maaari kong sabihin ng hindi nauungkat ang lihim ko.

"Tumahimik kayo." Pagpapatigil sa kanila ni papà. "Kaya tayo narito ay para pag-usapan ang bagay na iyan. Hindi para magtalo."

"Patawad sa inasal ng aking magulang." Hingi ng tawad ni Carlito.

Tumikhim si papà bago nagsalitang muli. " Felisa, sabihin mo sa akin, bakit mo nais na maikasal kay Carlito?"

Nagulat ako dahil sa biglaang tanong niya ngunit napaghandaan ko na ito bago pa dumating ang araw na ito. Lumunok ako ng laway dahil tila natuyo ang lalamunan ko.

"S-si Carlito ay isang huwaran at makisig na ginoo." Sagot ko. "Sa murang edad ay nagawa niyang maging katiwa-tiwalang tao na maging ang Gobyernador-Heneral ay pinagkatiwalaan siya."

Pilit ko na iniisip ang mga na research ko tungkol kay Carlito.

"Pero anak, di hamak naman na mas karapat dapat si Zosimo." Sabat ni mamà.

"Tumahimik ka, Amelia. Kinausap na ako ni Zosimo noong nakaraang araw, ayaw na yang masangkot sa anumang gagawin ng ating anak."

Sa narinig ko mula kay papà ay nasaktan ako. Pero bakit nga ba ako masasaktan? Hindi naman ako si Felisa, hindi ako ang babaeng gusto niya.

"Kung pinipilit ng binibini na makasal sa akin ay hindi na ako makakatanggi pa. Ang katapatan ko ay sa pamilya Segovia lamang, hindi ko magagawang tumaggi at hiyain ang binibini."

Halos masuka ako sa mga sinasabi ni Carlito. Kahit sabihing siya ng dahilan kung bakit ako nabubuhay ngayon. Kung nasa amin ang katapatan niya ay dapat na hindi niya ginawa ang kalunos-lunos na sinapit ni Felisa.

"Kita niyo na? Si Carlito ay isang lalaki na may paninindigan. Kahanga-hanga siya." Pagpuri ko sa kanya.

"Kung ganoon ay kailangan na nating paghandaan ang kasal." Sabi ni Ginoong dela Paz.

"Hindi ko nais ng isang bonggang kasal, ang nais ko lamang ay simple. Ang kasal ko ay gusto ko na maisagawa sa susunod na linngo."

"Susunod na linggo? Ngunit napakabilis lamang noon. Gusto ko na maisagawa ng maayos ay iyong kasal." Reklamo ni mamà.

"Ako ang ikakasal kaya't ako ang masusunod."

Pagkasabi nun ay tumayo na ako. "Magpapahinga muna ako." Dumiretso ako sa taas.

Pagkasara ng pintuan ay tumulo ang luha ko. Hindi ko akalain na hindi man lang ako nagawang ipaglaban ni Zosimo. Pero mas maganda na rin ito, hindi ako mahihirapan sa mga desisyon ko.

Habang nagmumuni-muni ay hindi ko akalain na nagawa kong iguhit ang mukha ni Zosimo sa isang pirasong papel. Sa maikling panahon ay nagawa kong makabisa ang bawat sulok ng mukha niya.

"Ibalik niyo na po ako sa panahon ko, sobrang sakit na po." Bulong ko sa sarili habang nakayakap sa pirasong papel kung saan nakaguhit ang mukha ni Zosimo.

Su CartaWhere stories live. Discover now