Prologo

649 30 6
                                    


Prologo:




"Sa tingin mo ba'y habangbuhay na nasa iyong tabi si señorita Santiago?" Hindi ko napigilang itanong kay señor Manuel Saenz sa labis na pagkainis sa kanya. Pagkakita ko kay señorita Santiago pagkapasok ko sa bahay na ito, hindi ako bulag upang hindi makita ang labis na sakit sa mga mata ng binibini. Babae ako at alam kong isa ako sa dahilan kung bakit ito nasasaktan. "Hindi mo man lang naisip ang sakit na nararamdaman niya araw-araw dahil sa iyo!" Hindi ko alam na tonto pala itong kaibigan ko upang hindi maramdaman ang labis na nararamdaman ngayon ni señorita Santiago.


"Alam ko iyon, señorita Realonzo. Sa labis na sakit na pinaranas ko sa kanya, hindi ko na alam kung paano ako haharap at ipapakita sa kanya na siya'y tunay kong sinisinta."


Tunay nga'ng tonto. Tonto sa usaping pag-ibig. Napailing na lamang ako. "Unang kita ko pa lamang na kayo'y magkasama, alam ko nang siya na ang sinisigaw ng iyong puso. Hindi ko malaman kung bakit ka naging tonto at mas pinili mong saktan ang damdamin ng binibining tanging natitira sa tabi mo."


"Ako'y labis na natakot, Anastasia!"


"Labis kang natakot dahil baka siya'y mawala rin sa iyo katulad ng isa-isang pagkawala ng pamilya mo?" Hindi sumagot si Manuel sa aking katanungan. "Isa ka ngang tunay na tonto. Talagang mawawala siya sa iyo dahil hinahayaan mo iyon mangyari!" Pinipigilan ko ang aking sarili na tumaas ang aking boses. Labis akong naiinis kay Manuel at naaawa naman kay señorita Santiago. "Hindi na ako magtataka kung ano mang oras ay iwanan ka na lamang niya dahil sa labis na sakit na pinaramdam mo sa kanya."


"Hindi iyon mangyayari!"


"At paano mo naman nasabi na hindi iyon mangyayari kung base sa nakikita ko kay señorita Santiago na kapag nagkaroon siya ng tamang pagkakataon upang makaalis siya rito ay gagawin niya kaagad?"


"Ako'y magtatapat ng pag-ibig sa kanya." Tumingin sa labas ng bintana si Manuel. "Nitong nakaraang gabi'y naramdaman ko ang isang takot na ayokong muling maramdaman."


"Ano?"


"Ang hilingin niyang makabalik sa panahon niya." Halos pabulong lang niya iyon sinabi ngunit narinig ko pa rin kahit papaano.


Kumunot ang noo ko. Makabalik sa panahon? "Makabalik sa kanilang bayan?"


Tango ang isinagot sa akin Manuel. "Magkakaroon ng piging dito mamaya. Sabay ng pagsapit ng alas doce ng gabi'y sasabihin ko na kay Seraphim ang aking nararamdaman."


Dahan-dahan akong napangiti. Akala ko'y tuluyan nang naging tonto si Manuel. Hindi naman pala. May natitira pang katinuan ang kanyang pag-iisip. "Mabuti! ¡Buena suerte, Manuel!" Nagpaalam na ako sa kanya bago puntahan si señorita Santiago. Maayos naman niya akong pinapasok sa loob ng kanyang silid kahit pa dama kong may inis sa akin ang binibini. Hindi ako tonta para hindi maramdaman na labis siyang naninibugho sa tuwing nakikita niyang magkasama kami ni Manuel.


Natutuwa akong makita na may kakaibang kagamitan si señorita Santiago. Parang katulad ng gamit ni Ate Keira. Sa tingin ko'y hindi na ako makakakuha ng selpon. Limitado lang din siguro ang paggawa nito.


"Sa tingin ko'y matatagalan ang aking paglipat sa España." Hindi ko napigilang sabihin kay señorita Santiago. Sa tingin ko'y gagaan ang aking damdamin kung sa kapwa ko babae ilalabas ang lungkot na nararamdaman ko.


Napalingon sa akin si señorita Santiago. "B-Bakit naman?"


"May hinihintay akong isang ginoo." Tumingin sa kawalan. Napapaisip ako. Babalik pa kaya siya? Magpapakita pa ba siya sa akin katulad ng palagi niyang pinapangako sa akin. Bumuntong hininga ako. "Hihintayin ko siya." Palagi ko siyang hihintayin.


"Siguradong dadating din ang tamang oras na—"


"Sana nga'y magdilang anghel ka, Seraphim." Sana nga'y magpakita siya sa akin.



----


Spanish Terms/Word/Sentence Used in the Chapter:


*¡Buena suerte, Manuel! - Good luck, Manuel!

Una Eternidad en el CorazonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon