Capitulo Tres

294 19 8
                                    



Capitulo Tres




"SA TINGIN mo ba'y hahayaan kong gawin mo iyon sa iyong sarili nang dahil lang sa isang taong kahit kailan ay hindi ka na babalikan?"

Ang mga katagang ito ang paulit-ulit na pumapasok sa aking isipan. Bawat oras ay naririnig ko ito at parang ayaw nang umalis sa isip ko. Matapos sabihin ito sa akin ni Florenzo, kaagad ko siyang iniwan. Hindi ako umuwi sa aming tahanan bagkus ay tumuloy ako sa bahay ni Tiya Lucita.

Simula nang araw na iyon, hindi na napalagay ang aking isipan. Iniiwasan ko rin si Florenzo kahit pa alam kong imposibleng maiwasan ko siya. Lalo na't ilang araw na siyang tumutuloy sa amin.

"Nothing is so indecent that it cannot be said to another person if the proper words are used to convey it... Maganda itong The Decameron. Hindi na ako nagtataka pa kung bakit sa dinami-daming nobela sa silid-aklatan namin, ito ang nagustuhan ni Seraphim."

Napalingon ako kay Manuel na abalang binabasa ang librong paborito raw ni señorita Santiago. Kagagaling lang namin sa alajero para kunin ang alajas na pinagawa ni Manuel para sa kanyang novia. "Naiintindihan mo ang nakasulat sa libro?" Sa pagkakatanda ko'y si señor Matias Saenz lamang ang marunong magsalita at bumasa ng wikang Ingles dahil ito'y tumira ng ilang taon sa Inglatera.

"Pinag-aaralan ko ang wikang Ingles para sa oras na bumalik na rito si Seraphim, naiintindihan ko na ang kanyang mga sinasabi. Hindi niya mapigilang magsalita sa wikang Ingles sa tuwing kami'y nag-uusap dahil iyon ang kanyang nakasanayan. Ika nga niya ay TagLish ang pamamaraan ng pag-uusap doon sa kanila."

Napangiti ako sa sinabi ni Manuel. Labis-labis niyang iniibig ang kanyang novia. Hindi ko lang alam kung bakit biglaang umalis si señorita Seraphim. Maayos naman na sila ni Manuel noong noche buena ngunit mas pinili nitong iwanan ang kaibigan ko. "Sa Inglatera ba pumunta si señorita Santiago?"

"Sana nga'y doon na lamang siya pumunta para madali ko siyang mapuntahan ngunit hindi." Marahan niyang sinara ang libro at malungkot na ngumiti.

"Saan ba pumunta si señorita Santiago?"

"Sa lugar na imposible nating mapuntahan."

Gusto kong hampasin kay Manuel ang abanikong hawak dahil sa kanyang sinabi. Iyan palagi ang sagot niya sa akin sa tuwing tinatanong kung saan pumunta si señorita Santiago. Hindi na lamang ako nagsalita pa. Hindi ko na pipilitin pang alamin kung ayaw sabihin ni Manuel.

Nagtagal pa ako ng kalahating oras kina Manuel bago umuwi. Nais kong sa bahay ni Tiya Lucita matulog ngayon gabi ngunit hindi maaari. Ngayong araw ang kaarawan ni Kuya Gabriel at nais nila Mama na idiwang ang kaarawan nito kahit pa hindi namin ito kasama. Sabi ni Mama'y isang simpleng salu-salo lamang ito. Kaming miyembro lamang ng pamilya.

Napapatingin ako sa labas ng calesa. "Kumusta na kaya si Kuya Gabriel ngayon? Siguro'y masaya siya ngayong idiwang ang kanyang kaarawan kasama ang pamilya niya." Matipid na lamang akong napangiti. Ang tanging hiling ko para sa aking nakakatandang kapatid ay magkaroon siya at ang pamilya niya ng malusog na pangangatawan.

Huminga ako ng malalim nang huminto na sa harapan ng bahay namin ang calesa'ng sinasakyan ko. Mapipilitan na naman akong harapin ang aming bisita. Bukas ay pupunta ako kina Don Rafael para bisitahin ang inaanak kong si Maximiliano. Sa ganitong paraan, maiiwasan ko si Florenzo. Hindi ko na hinintay na alalayin ako ng kutsero na bumaba ng calesa.

Una Eternidad en el CorazonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon