Capitulo Sais

145 12 0
                                    



Capitulo Sais





"Mama, hindi na po ako makasasabay sa iyo. May pupuntahan po ako." Huminto ako sa paglalakad at humarap sa aking ina. Katatapos lang ng unang misa at kami'y palabas na ng simbahan. Hindi namin kasama si Papa dahil ito'y pumunta sa Maynila upang asikasuhin ang mga negosyo namin doon.

Kumunot ang noo ni Mama. "Bakit, hija? ¿Para dónde vas?"

Matipid akong ngumiti. "Dadalaw po ako sa puntod ni Florentino."

"Hija, maaari bang saka ka na lamang dumalaw sa puntod niya? Alam mong mainit ka pa rin sa mata ng mga Español. Binabantayan pa rin nila ang kilos mo."

"Pagbigyan mo na po ako, Mama." Hinawakan ko ang kamay ni Mama. "Ngayon ko lang ulit siya dadalawin. Naging abala po ako nitong mga nakaraang buwan kaya hindi ako nakadalaw kay Florentino." Ilang segundo akong tinitigan ni Mama bago huminga ng malalim at dahan-dahang tumango. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi dahil pinagbigyan ako ni Mama sa aking nais. "Maraming salamat, Mama!"

"Pagbibigyan kita ngunit sandali ka lamang doon. Hindi ikatutuwa ng iyong Papa sa oras na malaman niyang pinayagan kitang pumunta sa puntod ni señor De Guzman."

"Masusunod, Mama." Kaagad akong nagpaalam sa aking ina at nagmadaling sumakay sa calesa na kakahinto lamang sa tapat ng simbahan. Mainam nang umalis kaagad dahil baka magbago ng isip si Mama. Halos kalahating taon na ang nakalipas noong huling dalaw ko sa puntod ni Florentino. Sana'y hindi siya magtampo sa akin.

Tahimik kong pinanonood ang labas ng calesa. Habang binabaybay namin ang daanan papunta sa cementerio, napagtanto kong may mga nabago. May mga bahay na nawala at may mga bahay na lumaki. Nagkaroon din ng mga bagong tayong negosyo. Umuunlad na talaga ang San Carlos.

Mayamaya'y huminto sa bukana ng cementerio ang calesa. "Binibini, nais mo po bang ihatid kita papunta sa puntod ng namayapang nais mong dalawin dito?"

Umiling ako. "Hanggang dito na lamang, ginoo." Nagbayad na ako sa kutsero bago bumaba ng calesa. Katulad ng dati'y gusto kong nilalakad ko lamang simula sa bukana ng cementerio papunta sa puntod ni Florentino. Bumili muna ako ng isang bungkos ng bulaklak sa binibining naglalako ng mga bulaklak bago pumasok sa loob ng cementerio. Kakaunti lamang ang taong nakikita ko habang ako'y naglalakad. Mga taong dinadalaw rin ang kanilang mga mahal sa buhay na namayapa na.

Patuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa makita ko na ang palatandaan na malapit na ako sa puntod ni Florentino. Kumabog ang aking dibdib nang makita ko ang pigura ng isang lalaking nasa harapan ng puntod ng namayapa kong nobyo. Bakit nandito si Florenzo? Kung sino mang makakakita na hindi kilala ang ginoong ito, malamang ay natakot na ngayon. Marahil ay iisipin nilang nagmumulto ang kaluluwa ni Florentino.

Nagmadali akong lumapit sa puntod ni Florentino. "Anong ginagawa mo rito?"

Kaagad na humarap sa akin si Florenzo. "Dinadalaw ang binatang dahilan kung bakit hindi mo iniingatan ang iyong buhay."

Kumunot ang aking noo dahil sa kanyang sinambit. "Ano?"

"Florentino de Guzman y Torres. Taong isang libo't walong daan, walumpu't siyam pumanaw sa edad na labing walong taong gulang." Tumingin si Florenzo sa akin. "Ikaw ay nasa edad na labing anim na taong gulang nang siya'y pumanaw."

Una Eternidad en el CorazonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon