Capitulo Cuatro

149 13 5
                                    



Capitulo Cuatro




HINDI na isang magandang bagay na tumagal dito si Florenzo Encarnacion. Hindi ko na alam kung anong magagawa ko sa kanya sa oras na sabihin niya kay Papa na nais niya akong pakasalan. Noong sinabi ni Florenzo sa akin na pakakasalan niya ako'y basta na lamang niya ako iniwan. Parang napuno ng ulap ang aking isipin ng mga oras na iyon, at sa sumunod na mga oras at araw ay hindi na ako naging kampante.

Sobra ang kabang nararamdaman sa tuwing nagkakasama ako, si Florenzo at Papa sa iisang lugar. Palagi kasi niya akong binibigyan ng tingin na sasabihin niya kay Papa ang kanyang nais mangyari. Na natitiyak kong papayag ang aking ama. Sa sobrang tiwala ni Papa, hindi na ako magtataka pa roon.

Naglalakad ako pabalik ng bahay. Dala-dala ang mga bulaklak na ako mismo ang pumitas. Ilalagay ko ang mga ito sa florera sa sala at komedor. Maglalagay rin ako sa aking silid. Abala ang mga tao ngayon sa bahay dahil sa nalalapit na anibersaryo ng kasal ng aking mga magulang. Nakangiti ako habang naglalagay ng mga bulaklak sa mga florera.

Nawala ang ngiti sa aking mga labi nang makita ko sa loob ng aking silid si Florenzo at hawak-hawak niya libro isinulat ni señor Rizal. Kaagad kong inagaw ang libro at itinago iyon sa loob ng baul. "Bakit ka pumapasok sa aking silid?"

"Bakit ka mayroong kopya ng librong El Filibusterismo?"

"Sino ka ba para pakialaman ang gamit ko?"

"Alam mo bang ipinagbabawal sa bayan na ito ang librong tinatago-tago mo?"

"Huwag mo ako bigyan ng sagot na isang tanong. Bakit ka pumasok sa aking silid?"

"Hindi mo talaga iniisip ang kaligtasan mo't nagtago ka pa ng bagay na ikakapahamak mo!" Tila wala lang sa lalaking ito ang aking tanong.

"Ayan ka na naman tungkol sa kaligtasan ko! Ang punto rito ay pumasok ka sa aking silid at pinakialaman mo ang aking gamit!"

"Hindi ko pinakialaman ang iyong gamit. Nakita ko lang naman iyon sa mesa kaya tiningnan ko!"

"Pinakialaman mo pa rin dahil hawak-hawak mo iyon noong pumasok ako sa aking silid. Hindi porke't ikaw ang inatasan ni Papa para ako'y bantayan, hindi ibig sabihin no'n ay basta-basta ka na lamang Papasok sa aking silid at mangingialam ng gamit!"

"Hindi ko nga pinakialaman ang iyong gamit!" Tumaas ang tono ng boses ni Florenzo.

"Hindi mo ako kailangang sigawan!"

"Hindi kita sinisigawan. Ikaw itong naninigaw sa akin, señorita Realonzo."

"Hindi ka naninigaw pero ang mataas ang tono ng iyong boses. Ano 'yon? Pabulong?" nang-aasar kong tanong sa kanya.

"Bakit ba kayo nag-aaway, mga anak?"

Sabay kaming napatingin sa pintuan at nakita ko si Mama roon. Huminga ako ng malalim. "Pumasok po sa aking silid si señor Florenzo na hindi man lang nagPapaalam sa akin."

"Inutusan lang ako ni Don Gregorio para sunduin ka. Akala ko'y hindi mo narinig ang aking katok kaya pumasok ako rito dahil sa pag-aakalang nandito ka."

"Kahit inutusan ka ni Papa, wala ka pa ring karapatan na pumasok sa silid ko. Hindi mo ba alam ang salitang intimidad?"

"Nag-alala lamang ako kaya ako pumasok dito."

Una Eternidad en el CorazonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon