Chapter 1 (Warning)

105K 2.6K 631
                                    

CHAPTER 1

"LOLA, alis na po ako!" Paalam ni Alyssa sa lola niya at patakbong lumabas ng munting bahay nila.

"Apo, nag-almusal ka ba?" Pasigaw na tanong ng lola niya.

"Doon na lang ako kakain, La!" Pasigaw na tugon niya, nagmamadaling isinukbit ang luma niyang bag. Ni hindi pa nga siya nakapagsuklay. Hindi siya maagang nagising kaya kailangan niyang magmadali.

Nang makarating sa bangka ay hingal na hingal siya.

"Manong, pakibilisan, ha?" Nakangiwing sambit niya kay Manong na maghahatid sa kanya sa maliit na palengke ng isla.

"Hindi ka yata nagising ng maaga ngayon?" Natatawang tanong ni Manong.

Napakamot siya sa ulo.

"Tara na, Manong!" Anyaya niya, akmang itatali ang mahaba ngunit magulo niyang buhok nang matigilan.

Umikot ang mga mata niya, nasira ang araw nang mamataan ang papalapit na lalaking sanay na sanay na yatang sirain ang araw niya.

"Magandang umaga." Narinig niyang bati nito kay Manong.

"Magandang umaga sa'yo binibini." Ngumisi ito, tumingin sa kanya.

Hindi niya ito pinansin. Bahagya pa siyang napaatras ng sumampa din ito sa bangka.

"Anong ginagawa mo?" Supladang tanong niya.

"Makikisabay," tugon nito, nagkibit-balikat.

"May sarili kang bangka, bakit nakikisabay ka dito?" Alam niyang salubong na ang mga kilay niya, hindi gusto ang ideyang makakasama niya ito sa iisang bangka.

"Nasira ang bangka ko. Bakit ba ang aga-aga, ang init ng ulo mo? May dalaw ka?" Natatawang tanong nito.

Inirapan niya ito.

"Manong, tara na!"

Hindi niya pinapansin ang binata nang umandar na ang bangka. Nasa karagatan na sila pero ni hindi niya ito nililingon.

Ewan kung bakit palaging mainit ang ulo niya sa kakambal ni Kuya Zach. Siguro dahil napepreskuhan siya sa lalaki? Naalala pa niya noong una niya itong nakita sa isla ilang taon na ang nakakalipas. Ni ayaw niya itong pansinin noon at ang mokong ay hindi yata kumpleto ang araw kapag hindi nasisira ang araw niya.

Hindi niya alam kung sinasadya lang ba talaga nitong inisin siya at minsan ay nilalait pa, parang babae ang bibig. Simula nang magtagpo ang landas nila, palagi na lang nitong pinapainit ang ulo niya.

Napabuntong-hininga si Alyssa at kinuha ang pantali ng buhok sa kamay niya. Dahil nililipad ng hangin ang buhok niya ay inipon niya iyon gamit ang dalawang kamay pero hindi niya magawang itali ang buhok dahil magalaw ang bangka.

Nabigla pa siya at napatingala nang nasa harapan na niya si Zeke. Awtomatiko nitong kinuha sa kanya ang pantali sa buhok.

"Anong—"

"'Wag kang malikot," saway nito, seryosong itinali ang buhok niya.

"Sinabi ko bang itali mo ang buhok ko?" Supladang angil niya.

Tumingin lang ito sa kanya. Dahil matangkad na lalaki ay tila nanliliit siya kapag ito ang kaharap niya.

"Buhok mo itatali ko o ikaw mismo?" Ngumisi ito.

Inis na tinabig niya ang kamay nito. Wala sa sariling napahawak siya sa buhok niya, maayos na iyong nakatali.

"Palagi mong itatali 'yang buhok mo, ang pangit mo kapag nakabuhaghag ang buhok. Para kang bruha." Ngumisi ito, nilalait na naman siya.

Isla Fontana Series #2: Owning Her (COMPLETED)Where stories live. Discover now