Chapter 43 (Under the Rain)

68.5K 2.2K 313
                                    

CHAPTER 43

KANINA pa nakasunod ang tingin ni Zeke sa kaniya, ramdam niya iyon, pero nagpanggap siyang hindi niya iyon napapansin.

Hanggang sa matapos ang seremonya ng kasal ni Kuya Zach at Ate Thea, hindi niya kinakausap si Zeke. Hindi niya ito pinapansin.

Nilapitan niya ang bagong kasal, masayang binati ang mga ito. Kinagabihan ay nagkaroon ng simpleng selebrasyon kasama ang mga kaibigan siyempre ni Kuya Zach at Zeke. Si Lola Helen ay asikasong-asikaso silang lahat, masayang-masaya dahil kinasal si Kuya Zach at Ate Thea.

Natutuwang pinagmamasdan niya si lola. Halos anak na ang turing nito kay Kuya Zach at Zeke kaya masayang-masaya talaga ito.

Kinabukasan ay maaga siyang nagising para maglakad-lakad sa dalampasigan. Nakaka-miss talaga dito sa isla.

Inaliw niya ang sarili sa paglalakad. Naaaliw niyang pinagmasdan ang maliliit na alon na tumatama sa paa niya.

"Mukhang hindi ka inaasar ni Zeke ngayon," napapitlag siya nang marinig si Ate Kathy.

Nilingon niya ito.

"B-Baka wala lang gana, ate," dahilan niya.

Mataman itong tumitig sa kaniya.

"Mukhang hiyang mo sa Maynila, medyo tumaba ka, Aly. Lumaki ang balakang mo at parang nagkakaroon ka na ng kaunting bilbil," puna ng ate niya, diretsong nakatingin sa tiyan niya.

Awtomatiko siyang napahawak sa sariling tiyan, biglang kinabahan. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung paanong sasabihin kay lola at sa mga kapatid na buntis siya.

Ngayon niya napagtanto na kailangan niya si Zeke para ipagtapat sa pamilya ang pinagbubuntis niya. Pero...ano nga ba ang plano ni Zeke para sa kanilang dalawa? Anong plano nito sa anak nila? Hindi nila napag-usapan ang bagay na ito dahil na rin sa mga nangyari.

"Sobrang takaw ko kasi, ate," natatawang tugon niya, hindi pinahalatang kabado siya.

Muli ay mataman siyang tiningnan ng ate niya at kapagkuwan ay seryosong tumingin sa gawi ni Zeke.

"Sigurado ka bang katakawan 'yan, Alyssa?" seryosong tanong nito.

"A-Ate, anong—"

"Napapansin ko kayong dalawa simula ng dumating kayo dito sa isla. Iba ang trato niyo sa isa't-isa kumpara sa dati. Inis ka kay Zeke noon, Alyssa. Pero iba ang nakikita ko sa mga mata mo habang nakatingin ka sa kaniya, at ganoon rin si Zeke sa tuwing nakatingin siya sa'yo. May tinatago ka ba? May dapat ba kaming malaman?" kunot ang noong muli itong tumingin sa kaniya.

"Ate, ano ba? Kung anuman ang—"

"Nakita ko ring umalis ka kagabi, may dalang pagkain. Nang bumalik ka, umiiyak ka na," putol nito sa sasabihin niya.

Akmang magsasalita siya nang makitang humahangos na lumapit si Ate Seiranel sa kinaroroonan nila.

"Aly, tawag ka ni lola. Mukhang galit," kaagad na bungad ni Ate Seiranel.

Nagkatinginan silang dalawa ni Ate Kathy. Dali-dali siyang pumasok sa loob ng bahay. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya si lola, namumula ang buong mukha habang si Zeke ay nasa harapan nito, nakaluhod.

"Lola, anong—"

"Totoo ba?" tanong ng lola niya.

"A-Ang alin po?" kabadong tanong niya.

"Buntis ka, Alyssa. Totoo ba?"

Narinig niyang napasinghap ang ate Kathy niya. Awtomatiko siyang tumingin kay Zeke. Sinabi nito kay lola?

Isla Fontana Series #2: Owning Her (COMPLETED)Where stories live. Discover now