STEP 7

11 3 0
                                    


Hindi ko alam kung anong oras na, pero ang alam ko lang ay kanina pa ako nakaupo dito sa ilalim ng puno, sa abandunadong park na 'to. Tumila na ang ulan pero heto pa din ako at hinahayaan ang sariling matuyuan ng pawis at tubig ulan.

Pagkatapos kong tumakbo palabas ng school kanina dito na ko dumiretso agad. Gusto ko lang magpahinga saglit. Gusto ko lang makahinga para maging okay ako kahit kunti. Pagkatapos nito, pagkauwi ko babalik na ulit ako sa dati. Haharapin ko na naman ang masakit na reyalidad ng buhay ko.

Niyakap ko ang tuhod ko dahil sa giniginaw na ko. Ayaw ko pang umuwi. Gusto kong manatili na lang dito habang buhay, malayo sa mga mata ng tao at malayo sa problemang posibleng ibato ng mundo. Ayaw pang mag-sink in sakin lahat ng nangyari kanina pero isa lang ang alam ko. Yun ay ang kailangan ko ng kalimutan lahat ng bagay na konektado kay Hap. Masakit man at mahirap mang tanggapin pero kailangan dahil yun ang nararapat at makabubuti para sa'ming pareho.

Ang daya ng mundo. Ang daya daya ni tadhana. Gusto ko lang naman ng simple at masayang buhay pero bakit ganito? Bakit sabay sabay na nagsisidatingan ang lahat ng problema sa buhay ko? Iniwan kami ni papa, parang walang kabuhay-buhay si mama, tapos ngayon si Hap naman ang kukunin nila. Ano bang nagawa kong kasalanan sa past life ko at ganito na lang kalupit ang mundo sakin? Bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit ako ng ako lagi yung nabibiktima ng mapaglarong tadhana na yan?

Wala ba akong karapatang sumaya? Wala ba akong karapatang mahalin ng mga tao sa paligid ko kaya lagi silang kinukuha sakin ng mundo? Ilan pa ba? Sino pa ang kukunin ng tadhana? Sana kunin na nila ngayon para isang bagsakan na lang. Sana kunin na nila lahat ng bagay na maaaring magpasaya sakin para in the end hindi na ko masaktan ng ganito. Nakakapagod na. Lagi na lang ako yung naiiwan sa huli. Laging ako ng ako ang pumapasan ng lahat ng kamalasan sa mundo.

Tumingala ako sa langit para pahirin ang luha ko na tuloy tuloy lang sa pagbagsak galing sa mga mata ko. Sinubukan kong maghanap ng bituin. Sinubukan kong hagilapin ang buwan sa langit, pero maging sila ay ayaw din saking magpakita ngayon. Napangiti ako ng mapait saka napagpasyahan tumayo na para umuwi.

Gustuhin ko mang manatili dito ng matagal ay hindi pwede dahil meron pa kong responsibilidad na dapat gampanan. Meron pa akong kailangang harapin at panindigan kahit paulit ulit na lang.

Naglakad ako palabas ng abandunadong park na yun, hawak ang strap ng bag ko, nakayuko kong binagtas ang daan pauwi sa bahay namin.

~*~

"Ma, nandito na po ako!" sigaw ko ng makapasok sa bahay. Iginala ko ang paningin ko pero tanging ang blankong sala ang bumungad sakin.

Walang ilaw sa buong bahay gaya ng lagi kong nadadatnan sa tuwing uuwi ako. Napakatahimik rin na animong wala ng nakatira dito. Napabuntong hininga na lang ako saka pinilit na kapain ang switch ng ilaw para magkaroon ng liwanag sa buong paligid.

Nakalaylay ang mga balikat na dumiretso ako sa kusina at nagluto muna ng makakain ni mama. Sinigang lang ang naisip kong lutuin, tutal yun yung madalas na ihain ni mama kapag maulan.

Pagkaluto inihain ko muna yun sa mesa saka ko ulit kinuha yung gamit ko para umakyat sa taas at tawagin siya. Pagkarating ko sa tapat ng pinto ng kwarto niya hindi na ako kumatok pa at pumasok na agad para tawagin siya.

Napahinto ako ng makita ko ang kalagayan niya. Nasa gilid ng kama, nakayuko sa sariling mga tuhod habang napapaligiran ng mga nakatumbang basyo ng alak. Mabilis na naginit ang ulo ko dahil sa nakita kaya dali dali akong lumapit sa kanya at kinuha ang bote sa may paanan niya saka ibinalibag sa malapit na pader.

"Ma naman, tama na sa ganito please!" hindi na mapigilan ang galit na sabi ko. Nag-angat siya ng ulo at tinignan ako.

"Threa, anak iniwan na tayo ng p--papa mo..." humahagulgol na sabi niya.

"Ma, kalimutan mo na si papa, k--kalimutan na natin siya. Kasi kahit anong gawin natin, kahit anong gawin ko...h--hindi ko na siya kayang ibalik satin ma."

"Ano bang sinasabi mo dyan Threa? Babalik siya, babalik ang papa mo. Babalikan niya ko!"

"May i--iba na siyang pamilya ma! Bakit ba ang hirap para sayong tanggapin yun?!"

Unti unti akong napaupo sa harap niya. Hindi ko na kinaya ang bigat ng nararamdaman ko kaya hindi ko na mapigilan ang sariling mga luha ko sa pagtulo.

"Ma...pwede bang ako naman muna ang isipin mo? Pwede bang ako naman muna ang alalahanin mo? Pagod na ko ma. Pagod na pagod na ko, pero kinakaya ko para sayo. Please ma bitawan mo na si papa..." tanging mga hikbi ang nangibabaw sa kwartong yun pero ang sagot na gusto kong marinig ay hindi ko nakuha.

"Kahit ngayon lang ma. Kahit sa pagkakataong 'to lang ma, sana ako muna yung piliin mo. O kahit wag na ako, kahit yung sarili mo na lang ang alalahanin mo, okay na sakin yun."

Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa harap niya saka hindi na nagatubili pang dumiretso sa pinto at tumakbo na lang palayo.

Nakasuot pa din ng uniform na natuyuan na ng tubig ulan mas pinili kong muling takasan ang masalimuot na reyalidad ng buhay ko.


HULING SAYAWUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum