Chapter 1

211 17 2
                                    

"LILIANNE, gumising ka na. Isang linggo ka na dito, akala ko ba matapang ka," wika ng isang pamilyar na tinig.

Napakunot-noo si Lilianne, parang kasi garalgal ang boses ng lalaking naririnig niya.

"Boses ni Kuya Larry 'yon ah! Bakit parang umiiyak siya? Wait lang... ano ulit sabi niya? ISANG LINGGO?! Isang linggo na akong tulog?!"

"Lilianne, nandito lang kami. Kailangan mong tatagan ang loob mo, lumaban ka. Nandito kami ni Kuya Larry at mga kaibigan mo, naghihintay sa'yo," sabi naman ng Kuya Lance niya.

"Ano bang nangyayari? Ang drama naman nitong mga 'to, natutulog lang ako eh, akala mo naman namatay ako," nagtatakang tanong niya, kaya dumilat na siya.

Napaigik si Lilianne ng kumilos siya at maramdaman na parang sumakit ang balakang niya. Gaano na ba siya katagal nakatulog at parang ngalay na ngalay siya? Kaya minabuti niyang bumangon mula sa kinahihigaan, ginalaw-galaw pa niya ang balakang at nag-stretching siya ng konti. Napakunot-noo si Lilianne ng mapansin na nasa magkabilang gilid ng kama ang dalawang Kuya niya. Pero ang mas lalong nakakapagtaka, nakabangon na siya pero sa kama pa rin nakatingin ang dalawa.

"Hoy Kuya Larry! Bakit ka ba iyak ng iyak?" tanong niya sa kapatid, pero hindi siya pinansin nito.

Lumingon naman siya sa Kuya Lance niya. "Lilianne, please wake up," sabi pa nito habang umiiyak.

"Gising na nga ako eh, ano bang iniiyak n'yo? Natutulog lang naman 'yong tao eh!" sabi pa niya, pero hindi pa rin siya pinapansin ng mga ito.

"Aba, ang lakas mang-deadma nitong mga tukmol na 'to! Siguro pinagti-tripan na naman ako ng dalawang 'to," sabi pa niya saka bumaba ng kama.

Biglang natigilan si Lilianne ng pagbaba sa kama at kanyang paglingon, nakita niya ang sarili na nakahiga sa kama. May kung anu-anong aparato ang nakakabit sa katawan niya at walang siyang malay habang may mga sugat ang braso at mukha niya. Paglingon ni Lilianne sa paligid, doon pa lang niya napansin na nasa loob siya ng ospital. Parang may tumambol sa dibdib niya, sa paglipas ng sandali na nakatingin lang siya sa sarili. Umahon ang takot sa kanyang dibdib.

"A-anong nangyayari?" naguguluhan tanong niya sa sarili. Pagtingin niya sa sarili, nakita niyang parang transparent siya. Sinubukan niyang hawakan ang Kuya Lance niya, pero tumagos lang ang kamay niya sa katawan nito.

"Pa-patay na ba ako?" naiiyak na tanong niya.

"Bakit ako nandito sa ospital? Bakit ganyan ang itsura ko?" tanong na naman ni Lilianne. Pilit niyang hinalukay ang isipan at inalala ang nangyari.

Ang huling natatandaan niya. Nagmamaneho siya ng kotse at pauwi na, hanggang sa biglang may sumulpot na malaking truck na nag-overtake at napunta sa opposite lane at sumalubong sa kanya. Dahil mabilis ang takbo nito, nawalan na siya ng pagkakataon na huminto o i-swerve man lang ang sasakyan niya para makaiwas. Ang sumunod na narinig niya ay ang malakas na bangga ng kotse sa truck, pagkatapos niyon ay nawalan na siya ng malay.

"Kung ganoon, patay na nga ako," sabi pa niya.

Napalingon si Lilianne ng makita ang isang liwanag na nanggagaling sa labas ng silid. Wala sa loob na lumabas siya doon, pagsilip ay nakita niyang nanggagaling ang liwanag sa pinaka-dulong bahagi ng hallway na iyon. Nagtataka si Lilianne dahil walang katao-tao doon ng lumingon siya sa likod.

"Baka papunta na iyon ng langit?" masayang tanong niya.

"Sana si Mommy ang sumalubong sa akin," sabi pa niya.

Malapit na siya sa liwanag na iyon, pero bigla siyang napahinto sa paglalakad ng may biglang lumabas na matangkad na lalaki mula doon. May malaki itong pakpak sa likod at nakasuot ng parang mga pang-Roman soldiers noong unang panahon, may hawak din itong mahabang espada.

"Anghel?"

Nang lumapit ito sa kanya ay literal na natulala si Lilianne. Bukod kasi na hindi siya makapaniwala na nasa harapan niya ang totoong anghel. Napansin din ni Lilianne na ang guwapo nito. Nakatulalang napangiti siya.

"Ang guwapong anghel... shocks! Dito na lang ako," wala sa sariling wika niya habang kinikilig pa.

Nang bahagyang gumalaw ang pakpak nito ay napatingin siya doon. Akma niyang hahawakan iyon pero agad umiwas ang Anghel.

"Anong ginagawa mo dito?" seryosong tanong ng Anghel.

Ngumiti na naman siya sa anghel. "Ang guwapo mo naman anghel, Kuya. Anong pangalan mo?"

"Tinatanong kita, anong ginagawa mo dito?" seryoso ulit na tanong nito.

"Hmp! Ang sungit naman na anghel nito, hindi ba dapat mababait kayo?"

Hindi ito sumagot. Sa halip ay nanatili lang itong nakatingin sa kanya.

"Di ba ito ang papuntang langit? Eh di tatawid na, patay na ako eh!"

"Hindi ka dapat nandito. Hindi pa ito ang oras mo, kaya bumalik ka na sa katawan mo," sabi pa ng anghel.

"Ha? Sigurado ka ba?" tanong pa niya.

"Oo, hindi pa ito ang oras mo. Hindi ka nga dapat bumangon eh. Matagal pa bago ka mamamatay, kaya kung ako sa'yo, babalik na ako. Naghihintay na ang pamilya mo sa'yo," sagot nito.

Napalingon sa likod si Lilianne ng bigla niyang marinig ang boses ng mga kapatid.

"Huwag mo muna kaming iiwan, Lilianne. Sinabi mo sa amin na aayusin mo pa ang problema n'yo ni Dad, kaya kailangan mong bumalik," anang Kuya Lance niya.

"We already miss you, bunso. Gumising ka na, please," pakiusap naman ni Larry.

"Kuya," bulong niya.

"Nakita mo na? Hahayaan mo ba na malungkot sila kapag umalis ka ng wala sa panahon?" tanong pa sa kanya ng anghel.

Bumuntong-hininga siya saka tumungo. "Pero natatakot akong bumalik, baka mamaya malaki ang damage na nangyari sa katawan ko ng dahil sa aksidente. Ayokong maging pabigat sa mga kapatid ko," sabi pa niya.

Napatingin siya sa balikat niya ng humawak doon ang anghel. Kakaibang saya ang naramdaman ni Lilianne ng pagtingin niya sa anghel ay nakangiti ito sa kanya.

"Magtiwala ka lang sa Diyos, Lilianne. Siya ang bahala sa'yo, magiging maayos ang lahat," sagot nito.

Marahan siyang tumango.

"Sige na, bumalik ka na," malamyos ang tinig na sabi nito.

Naglalakad na si Lilianne pabalik ng bigla siyang huminto at muling lumingon sa anghel. Pabalik na ito doon sa liwanag.

"Sandali lang!" aniya.

Huminto ang anghel at tumingin sa kanya.

"Makikita ba kita ulit? Anong pangalan mo?" tanong pa niya.

Hindi ito sumagot. Sa halip ay ngumiti lang ito at tuluyan ng umalis. Ngumuso siya saka bumuntong-hininga.

"Ang supladong anghel naman 'yon, hindi man lang sinabi ang pangalan n'ya," maktol niya.

"Lilianne..." narinig niya ulit na tawag ng mga kapatid niya.

"Eto na pabalik na nga!" sagot niya saka tumakbo na pabalik sa katawan niya. 

The Messenger Trilogy Book 2: I Kissed An AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon