Chapter 15

101 13 1
                                    

ILANG ORAS na ang nakakalipas simula ng umalis si Angge kasama ang asawa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nalaman. Gusto niyang magtampo kay Michael dahil pakiramdaman niya ay iniwan siya nito sa ere. Gusto din niyang magalit ng husto dahil nangako itong hindi siya iiwan, iyon pala ay bandang huli ay aalis din ito. Ngunit bukod doon, mas lamang sa puso niya ang pangungulila. Mas gusto niyang makita at mayakap ulit ang binata.

"Pakiusap, magpakita ka sa akin. Gusto kong malaman kung nasa maayos kang kalagayan," umiiyak na wika niya.

"Michael, please..." bulong niya, saka napahiga sa sofa. Doon ay sinubsob niya ang mukha saka binuhos lahat ng bigat na nararamdaman.

Ilang sandali pa ang lumipas, natigilan sa pag-iyak si Lilianne ng may

maaninag na liwanag. Agad siyang bumangon, paglingon niya sa may veranda doon sa sala ay nakita niya ang silhouette ng isang anghel sa likod ng manipis na kulay puti na kurtina. Mabilis na kumabog ng malakas ang dibdib niya. Binulong ng puso niya na si Michael iyon at walang iba. Halos tulala siyang napatayo at humarap, napuno ng saya ang kanyang dibdib. Ang luha kanina na bunga ng pangungulila sa binata ay napalitan ng hindi maipaliwanag na saya.

"Michael..." bulong niya.

Mula sa labas ay bigla itong sumulpot sa loob ng bahay.

"Siya nga, siya ang anghel sa panaginip ko," sabi niya sa kanyang isipan.

"Ako ang anghel na nakita mo noong na-comatose ka. At hindi panaginip iyon, sandaling umalis ang kaluluwa sa katawan mo," wika ni Michael.

"Nababasa mo ang nasa isip ko?"

Marahan tumango ito. "Isa 'yan sa kakayanan namin mga anghel, kaya namin mabasa ang lahat ng tumatakbo sa isipan ng binabantayan namin o marinig ang bulong nila kahit gaano kami kalayo," sagot nito.

"Bakit bigla ka na lang nawala?" naiiyak na naman na tanong niya.

"Kailangan kong unahin ang misyon ko, Lilianne. Iyon ang tunay na dahilan ng pagbaba ko dito sa lupa," sagot nito saka umiwas ng tingin sa kanya.

"Ang misyon mo ba talaga? O para makaiwas ka sa katotohanan na mahal mo rin ako?"

Napapikit si Michael.

"Hindi dapat nangyari ito. Hindi ko dapat hinayaan na mahulog ang loob ko, dahil pareho tayong masasaktan sa bandang huli," sagot nito.

"Tumingin ka sa akin ng deretso, Michael. Saka mo sabihin na totoong pinagsisisihan mo na minahal mo ako. Narinig kita, Michael. Habang hinahalikan mo ako, sinabing mong mahal mo rin ako," umiiyak na wika niya.

Sa halip na sundin siya ay tumalikod ito. "Aalis na ako, may kailangan pa akong gawin," paalam nito.

Bago tuluyan na naman mawala si Michael sa paningin niya. Mabilis na tumakbo si Lilianne at humarang sa harap nito, pagkatapos ay yumakap ng mahigpit sa binata.

"Huwag ka munang umalis, Michael. Nakikiusap ako, kung talagang hindi mo ako puwedeng ipagpalit sa responsibilidad mo. Just at least, hayaan mong maging masaya tayo kahit sa sandaling panahon lang. Bago ka man lang umalis, iwanan mo ako ng magandang alaala para makaya kong mabuhay kahit na mawala ka na," umiiyak na pakiusap niya.

"Lilianne," garalgal ang tinig na usal nito.

Bahagya siyang lumayo mula sa binata saka tumingin dito. Mayamaya ay umagos ang luha mula sa mga mata nito. Pinahid niya ang mga iyon sa pamamagitan ng kanyang mga daliri.

The Messenger Trilogy Book 2: I Kissed An AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon