Chapter 21

248 23 5
                                    

PARANG MAY malakas na sumipa sa dibdib ko ng makita ko siya. Ilang sandali akong tila napako sa kinatatayuan ko. Pilit kong hinalungkat sa aking isipan kung sino ang taong ito, bakit parang pamilyar siya sa puso ko?

Nakangiti siya sa akin habang patuloy ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata. Maging ang nararamdaman ko ay hindi ko maintindihan, bakit ang lakas ng tibok ng puso ko? Bakit parang nag-uumapaw ang emosyon ko?

"Sabihin mo sa akin na isa lang ulit itong panaginip," wika niya.

Pumikit ako, pilit ko siyang inaalala. Ngunit hindi rumehistro ang mukha niya sa alaala ko.

"Sino ka?" tanong ko naman sa kanya.

Humakbang siya palapit sa akin. Nang makita ko siya ng malapitan, lalong lumakas ang tibok ng puso ko, kay amo ng mukha niya, para siyang isang anghel. Ang magandang pares ng mga mata nito na hilam sa luha, parang minsan ko nang nakita ang mga iyon. Sa kabila ng pagluha ay nakangiti pa rin siya sa akin. Ang mapulang labi na iyon, parang nararamdaman ko na minsan ng dumampi iyon sa labi ko. Pakiramdam ko ay gustong tumalon ng puso ko sa saya ngayon na kaharap ko siya. Pero bakit? Sino ba siya sa buhay ko?

Dahan-dahan umangat ang dalawang kamay nito at hinawakan ako sa magkabilang pisngi. Tila hindi ito makapaniwala sa nakikita nito.

"Bumalik ka," garalgal ang tinig na wika nito, pagkatapos ay niyakap niya ako ng mahigpit. Hanggang sa narinig ko na lang ang pag-iyak niya, parang may sariling buhay ang aking mga kamay at gumanti iyon ng yakap.

"Salamat sa Diyos at binalik ka niya sa akin! Akala ko hindi na kita makikita ulit. Akala ko hindi ka na babalik sa akin. Akala ko hanggang sa panaginip na lang tayo magkikita. Sinubukan kong mabuhay ng wala ka, pero pakiramdam ko, mamamatay ako sa sobrang pangungulila ko sa'yo. Huwag ka nang umalis ulit, dito ka na lang. Gusto kong mabuhay at gumising araw-araw na ikaw ang una kong nakikita," umiiyak na wika niya.

Nakaramdam ako ng kalungkutan ngayon nakikita ko siyang nasasaktan. Nagsimulang mangilid ang luha ko.

"Hi-hindi kita matandaan..." sagot ko.

Kinuha niya ang kamay ko at nilapat iyon sa tapat ng puso niya.

"Impossibleng hindi mo ako makilala, nararamdaman mo ba ang bilis ng tibok ng puso ko? Ikaw lang at wala ng iba ang sinisigaw niyan," naluluhang wika nito.

Pumikit ako at pilit na hinalungkat ang aking isipan ngunit nabigo ako. Nagsisimula ng lukubin ng takot ang puso ko, kinuha ko ang kamay niya at muling pinagmasdan mabuti ang kanyang maamong mukha. Nagsimulang mangilid ang luha sa mga mata ko.

"Hindi kita makita sa alaala ko, pero iba ang sinasabi ng puso ko. Tulungan mo ako, gusto kitang maalala. Gusto kong malaman kung sino ka sa buhay ko," naiiyak ng wika niya.

Muli niyang hinawakan ang pisngi ko. Ilang sandali pa, umagos ang luha ko.

"Kung ganoon, tutulungan kitang matandaan kung sino ako. Ipapaalala ko sa'yo ang magagandang alaalang binuo natin. Ipapaalala ko sa'yo kung gaano kita kamahal. Ipapaalala ko sa'yo kung paano nagsimula ang pagmamahalan na iyon, Michael," lumuluhang sabi nito.

"Michael..." ulit ko. Iyon ba ang pangalan ko?

Parang sasabog ang puso ko ng lumapat ang labi niya sa akin. Hanggang sa kusang pumikit ang mga mata ko. Kasabay niyon ay tila ipu-ipong bumalik ang nakaraan sa aking isipan...

The Messenger Trilogy Book 2: I Kissed An AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon