❝ Sabi ko na nga ba tama ako
Hindi normal ang takot na nararamdaman ko
Noong mga araw na 'yon.
Ramdam ko nang may mali sa 'yo
At nagsisisi ako na mas inuna ko
Ang sarili kong sama ng loob
Kaysa alamin ang kalagayan mo. ❞
Buong oras pagkatapos namin mag-usap ni Ramona sa cellphone, inabala ko ang sarili ko sa pag-aaral ng mga ie-exam namin kinabukasan. Gusto kong mapabilis ang oras at ma-receive ang text niyang nakauwi na siya kaya naman ginawa ko ang lahat para maging busy ako.
Pero halos alas-onse na, wala pa rin update sa akin si Ramona. Hindi siya nag-text kung nakauwi na ba siya galing sa family gathering na pinuntahan nila o kung nagpapahinga na ba siya.
Pinalipas ko pa ang isang oras. Nang mag-alas dose na, ibinaba ko na ang ballpen at ang reviewer ko, saka kinuha ang cellphone at hinanap ang number niya. Pinindot ko 'yon at saka tinawagan. Ilang segundo akong naghintay sa pagri-ring pero ang tanging narinig ko lang . . .
"The subscriber cannot be reached. Please try again later. The subscriber cannot be reached. Please try again later . . ."
Hindi ko alam kung bakit sobra-sobra 'yung kaba ko ngayong araw. Alam ko na p'wede ko namang isipin na baka nagre-review siya kanina kaya hindi siya nakapag-text sa akin para mag-update. P'wede rin naman na nakatulog na siya ngayon dahil pagod sa pinuntahan at sa pag-aaral, na hindi na niya nakuha pang i-charge ang lobat niyang cellphone.
Ang dami kong p'wedeng isipin para pagaanin ang loob ko, pero bakit mas nangingibabaw ang takot? 'Yung kaba . . . 'yung pangungulila sa kan'ya.
Normal pa ba ang matakot nang ganito?
Normal pa ba na kabahan sa bawat pagkakataong hindi ko siya nakikita o nakakausap?
Normal pa ba 'to o nagiging toxic na ako sa relasiyon naming dalawa? Ako naman itong unang umiwas sa kan'ya--unang lumayo--kaya bakit nagkakaganito ako ngayong ipinaparamdam na sa akin ni Ramona ang mga ipinaramdam ko sa kan'ya?
Napabuntonghininga ako bago nahiga sa kama. Kahit anong positivity ang isipin ko, hindi ko magawang alisin ang kaba ko. Hindi ko maintindihan.
Is this my guilt for hurting her the past days? Sarili ko ba 'tong multo dahil nararamdaman ko ngayon 'yung mga bagay na naiparamdam ko sa kan'ya nitong mga nagdaang araw?
Sinampal ko ang magkabilang pisngi ko nang sabay saka huminga nang malalim.
"Kumalma ka nga, 'tang ina," bulong ko sa sarili.
BINABASA MO ANG
Cigarettes and Regrets
Teen Fiction🌻 Editor's Pick January 2022 ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Shortlist ✨ 🌻 Watty Awards 2023 Winner ✨ || first installment of "habit series" || Ramona Castillo kept on bugging Caleb Eusebio for a letter to which he couldn't give because for him, letters ar...