KABANATA 1

101 5 0
                                    

Binuksan ko ang pinto ng storage room at dilim ang sumalubong sa akin. Kung hindi dahil sa liwanag mula sa maliit na bintana ng kwarto, wala akong makikita. Bigla akong nakasinghot ng alikabok at napabahing. Binuksan ko ang ilaw, at kumurap-kurap ito halatang malapit nang mapundi. Ang mga lumang libro ay maayos na nakatabi sa isang gilid, maalikabok rin ito katulad ng buong kwarto. May mga karton na nakakalat sa sahig, naglalaman ng mga gamit pampaaralan. Ang iba dito ay bago pa lamang, habang ang iba naman ay sira na.

Mukhang hanggang ngayon hindi pa rin nila 'to nalilinisan ng maayos.

Inutusan ako ng aking guro sa kasaysayan kumuha ng chalk dito, dahil wala na rin ito sa faculty. Tanghaling tapat na naman, tuwing oras niya lagi ako inaantok kaya pumayag ako para na rin magising.

"Nasaan kaya nakalagay ang mga chalk?" Bulong ko sa aking sarili.

Sinuri ko ang buong paligid, naghahanap ng pwedeng paglalagyan nito. Napatingin ako sa aking kanan, isang cabinet ang humugot ng aking paningin. Binuksan ko ito at sa swerte, nakita ko ang isang karton ng chalk, nakalagay lang sa gilid. Napabuntong-hininga ako, naginhawahan. Kinuha ko ang mga chalk at pinagpag ang alikabok nito. Palabas na sana ako ngunit biglang namatay ang ilaw ng silid, napatingin ako sa taas, mukhang tuluyan na itong napundi. Napabuntong-hininga ako at napagdesisyunan na lumabas na agad dahil ayaw ko na rin tumagal sa loob.

Bubuksan ko na sana ang pinto ng mapansin ko na tila lumiwanag ang labas at umingay ang paligid, para bang madaming tao ang nasa labas. Sa pagbukas ko ng pinto ay hindi paaralan ang bumungad sa akin, hindi ang hallway na dinaanan ko kanina.

Mga babaeng naka baro't saya at mga lalaking naka mestizong damit, ang kanilang suot, nabitawan ko ang chalk na hawak ko kaya nakuha ko ang atensyon ng iba sakanila. Sa sobrang pagtataka, muli akong tumingin sa direksyon kung saan ako lumabas, subalit paglingon ko dito ay puro mga pagkain ang laman. Malinis ang silid, walang alikabok, at may ilaw.

Bumalik ang tingin ko sa labas at napansin ang kalesang dumadaan, batang nagtatakbuhan. Naramdaman ko rin ang preskong ihip ng hangin. Napansin kong tinititigan nila ako mula ulo hanggang paa, kaya ako ay mapatingin rin sa aking sarili. Napagtanto kong ako lamang ang may suot na gantong uri ng uniporme.

"Oye! Usted linisin mo ang iyong kalat!(Ikaw dyan! Linisin mo ang iyong kalat)" Sigaw sa akin ng isang binatilyo. Mukhang hindi siya Pilipino, nakasuot ito ng unipormeng pangsundalo. Nakaturo siya saakin halatang nanggigil, dahilan para ako'y tumakbo.

Napatigil ako sa pagtakbo nang mapagtantong malayo na ako mula sa pinto na aking nilabasan kanina. Habang hawak pa rin ang natitirang chalk sa aking palad, ay inilibot ko ang aking mata sa paligid. Pamilyar ang lugar kahit sobrang laki ng pinagbago nito, tsaka ko napagtanto na nasa intramuros ako. Ang mga lumang estraktura na dati kong nakikita ay mukha pang bagong gawa.

"Hala, nasaan ako? Shuta."
Tanging nasabi ko, hindi makapaniwala sa nangyayari.

Saan naman kaya ako pupunta? Paano ako napunta dito?

Hindi ko na matanaw ang pintong nilabasan ko kanina kaya ano na lang ang gagawin ko? Mga tanong na pumasok sa aking isip.

Lumipas ang oras at wala akong ginawa kung di ang maglakad ng maglakad sa paligid. Napansin ko na masyadong iba ang pamumuhay dito, nasa ibang lugar ba ako? Pero paano nangyari iyon?

Maya-maya ay nakaramdam na rin ako ng gutom, sabay kong naramdaman ang pagod. Kaya napagdesisyonan ko na maupo sa isang tabi. May lumapit sa akin na isang matandang babae at inalok ako ng tubig.

"Iho, mukha kang pagod na pagod, heto at kunin mo ang aking natitirang inumin" Nakangiting wika ng matandang babae.

Grabe naman ito magsalita ang lalim ng tagalog niya. Tumungo ako at kinuha ang tubig. Dali-dali ko itong ininom at inubos dahil sa uhaw. Pagbaba ng bote sa sahig ay kasabay ang pagkulo ng aking tiyan, nagugutom na ako.

"Nasaan na ba kasi ako?" Natataranta kong sambit.

Kanina ko pa naiisip na umuwi sa aming bahay ngunit paano ba ako sasakay. Ano ba ang sasakyan ko kung puro kabayo ang aking nakikita. Kung hindi kalesa ay bisikleta. Nilabas ko ang aking selpon ngunit nakita kong wala na itong baterya kaya lalong lumaki ang aking pagkataranta at inis.

Paano na yan, papagalitan na naman ako sa bahay kapag nakauwi na ako. Ayaw ko na ulit maranasan ang sinturon ni papa, nakakasawa na. Sinandal ko ang aking ulo sa pader para magpahinga at maya maya pa'y nakaidlip na ako.

Nagising ako nang may kumalabit sa akin at naramdaman kong basa ang buong katawan ko, pagmulat ng mata ay napansin kong madilim na ang paligid at sobrang lakas ng ulan. Nabaling ang tingin ko sa isang matanda, may balbas ito, pormal ang kasuotan at halatang may kaya sa buhay.

"Iho, ano ang iyong ginagawa dito?Sumama ka muna saakin, manatili sa aking tahanan, magkakasakit ka riyan kung mananatili ka pa sa iyong kinauupuan." Maamong sambit ng matandang lalaki.

Ramdam ko na rin na mabigat ang aking katawan at pakiramdam. Sa tingin ko ay mahihimatay na ako sa pagod at gutom. Tumango ako at hinayaan na siyang isakay ako sa kalesa. Gusto ko nalamang matulog, bahala na kung saan man niya ako dadalhin.

Sa Pangalawang PagkakataonWhere stories live. Discover now