Sa aking Paglisan

0 0 0
                                    

Ang kamatayan ay parte ng buhay na maaaring masabi natin na hangganan ng lahat ng mga nilalang at sa pang-unawa ng iba ito ay nakakatakot dahil wala itong kasiguraduhan, walang sinoman ang nakakalam kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan at walang matibay na pag-aaral o artikulo ang makapagbibigay ng depinisyon at eksplanasyon kung ang isang namatay ay mawawala sa mundo, kung may ibang lugar o dimensiyon na maaaring sila'y piliin at doon ay sila'y maninirahan, kung sila ba'y mabubuhay muli sa ibang panahon o kung mayroon bang reinkarnasyon.

Ang proseso ng buhay ay nagsisimula sa panahon ng ating pagkasilang o sa ating pagkabata, hanggang sa tayo na ay maging dalaga o binata, susunod ay ang tinatawag nating adult kung saan tayo ay responsable na sa ating pamumuhay at tayo ay bubuo narin ng ating sariling pamilya, hanggang sa dumating na tayo sa huling proseso ng ating buhay ito ay ang ating pagtanda. Sa ating pagtanda masasabi natin na maswerte ako dahil umabot ako sa aking panahon ngayon, dahil nasaksihan ko pa ang mga pangyayari at pagbabago sa mundo, at dahil nakasama ko pa ang aking pamilya o minamahal, dito rin ay mauunawaan natin ang mga kahalagahan at kabuluhan ng mga bagay at pangyayari na ating naranasan sa ating nakaraan, mauunawaan natin na ngayon ako ay mahina na at ngayon sila na ang mag-aalaga sa akin tulad noong panahon na inaaalagaan ko pa sila sana lang ay hindi sila magsawa hindi bale na't ako'y mawawala rin lang kalaunan, at mauunawaan natin na ako'y lilisan na at kahit kailan ay hindi ko na muli masisilayan ang mundo.

Natatakot ka ba sa kamatayan dahil sa kadahilanang maaaring mapunta ka sa tinatawag nilang impyerno at maaari rin namang hindi dahil inaasahan mong makakapunta ka sa langit, o di kaya ay natatakot ka dahil ayaw mong makita ang sarili mong katawan na walang buhay o ayaw mong mamulat sa madilim na lugar na walang tao at nag-iisa ka at kahit anong sigaw mo ay walang makakarinig sa iyo. Ang mga paniniwalang ito ay hindi parin malinaw hanggang ngayon sapagkat walang indibidwal ang sinumang nakapunta sa langit o impyerno na nakapagbigay ng testamento na ito ay totoo, subalit may mga relihiyon na naniniwala dito at mayroon rin namang hindi, may kasulatan ring nagdedeklara na ito ay totoo sapagkat may mga ninuno o mga pinaniniwalaang indibidwal mula sa nakaraan na pinili ng lumikha upang isiwalat na ito ay totoo.

Ang bawat indibidwal ay may ibat-ibang pang-unawa sa kamatayan at may sariling mga kadahilanan kung bakit ayaw nilang lumisan. Maaaring dahil may mga bagay o plano pa silang ninanais tuparin o makamtan o di kaya ay dahil sa ayaw nilang iwan ang mga mahal nila sa buhay. Samakatuwid ang mga lumisan na ay hindi na muli pang makakasama ng mga nabubuhay at ang maiiwan nalamang nila ay ang ala-ala na hindi kailan man maaalis sa kanilang memorya. Ang mga naiiwan ay minsa'y nagdurusa sapagkat hindi pa nila maunawaan kung bakit kinuha ang mahal nila sa buhay at kung bakit ibinigay sila ng lumikha upang bawiin rin lang sa kanila, datapwat ang emosyon ay nagbabago sa paglipas ng panahon ang kalungkutang nadarama nila ay mawawala rin at maaaring matanggap na nila na wala na ang kanilang minamahal sa buhay.

Para sa mga taong nagdurusa sa kahirapan, sa sakit, o sa pang-aabuso ng lipunan o sa kamay ng mga tao mismo, maaaring tanggap na nila ang kanilang kamatayan o mas masaklap pa nito ay hinihiling na nila na sila ay mawala na sa mundo dahil sa labis na kahirapan sapagkat para sa kanila ay bakit pa kinakailangang mabuhay sa mundo na puno ng kasamaan at puno ng mapanghusgang mga indibidwal, mas mabuti na lamang na mawala kaysa sa maranasan lahat ng paghihirap sa mundo kahit walang kasiguraduhan ang susunod na mangyayari ay ang mahalaga pansamantalang hindi gumana ang aking pag-iisip upang hindi ko maisip ang aking suliranin at pansamantalang nawalan ako ng emosyon upang hindi ko na maramdaman ang sakit, kahit ang nakikita ko nalamang ay ang malawak at walang hanggang silid na hindi ko batid kung ito ba'y may sahig sapagkat sa aking pakiramdam ay mahuhulog ako sa walang hanggang pagkahulog kapag tumapak ako.

Ang lahat ng mga nilalang ay may hangganan ngunit ang mundo ay magpapatuloy parin sa paglipas ng panahon maraming magbabago at maraming indibidwal ang mabubuhay at maaaring ang ating pangalan ay hindi na maaalala ng karamihan.

Tanggap man natin o hindi ang ating kamatayan hindi parin mapapalitan ang katotohanan na ang kamatayan ay parte ng buhay sapagkat walang permanente sa mundo, kaya't ang bawat oras ay importante at kinakailangan na ilaan natin ito sa mga taong mahalaga sa atin at kinakailangan natin na gumawa ng mabuti sa ating kapwa upang magkaroon ng kabuluhan ang ating buhay at maging masaya tayo sa ating paglisan.

PagtuklasWhere stories live. Discover now