Emosyon

0 0 0
                                    

        Ang emosyon ay minsan nakakagulo sa ating pag-iisip, na minsan ay atin ding ikinapapahamak, o malubha pa nito'y ikinasisira ng ating katinuan, at minsan nagiging dahilan ng mga bagay na sa huli ay ating pinagsisisihan dahil ang emosyon ay naiimpluwensyahan ang ating pagdedesisyon lalo na sa isang sitwasyon kung saan ay kasalukuyan tayong nakakaramdam ng matinding uri ng emosyon. Sa sitwastong ito ang wais at matalinong pagdedesisyon ay naisasawalang bahala sapagkat naiimpluwensyahan tayong magdesisyon at gumawa ng isang bagay ng walang wastong pag-aanalisa.

        Halimbawa nalang ay ang sitwasyon ni Magie. Siya ay maagang naulila at nakikitira sa kahit sino sa kanyang mga kamag-anak, pinagsasabay ni Magie ang kanyang pag-aaral at pagtatrabaho dahil kinakailangan niyang gawin ito sapagkat siya lamang ay nakikitira. Magmula pagkabata hindi niya naranasan ang pagmamahal ng isang magulang at pakiramdam niya ay pinagkakaitan siya ng pagkakataon na sumaya. Sa kabila pa nito'y batid niya na siya ay naiiba sa mga kaedad niya hindi lang dahil wala siyang pamilya ngunit dahil wala siya ng mga materyal na bagay na mayroon sa ibang mga bata. Sa ganitong sitwasyon siya lumaki palaging nakokontrol ang bawat galaw pinupuna sa tuwing may pagkakamali, at walang kalayaan na magdesisyon para sa kanyang sariling kagustuhan. Malungkot ang kapalaran niya lalo pa't wala siyang Nanay at Tatay na susuporta, magbibigay ng payo, at makikiramay sa kanya sa panahon kung saan ay marami siyang nais na sabihin na mga hinanakit at gustung-gusto nang umiyak at sa panahon na siya ay nag-iisa at mahina. Malupit ang mga tao, iyon ang namayani sa kanyang isipan dahil sa kanyang mga karanasan. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti ring umusbong ang mga pakiramdam na labis na nagpapahirap sa kanya iyon ay ang inggit at insekyuridad, ito ang bumabago sa kanyang pagkatao at emosyon sa kadahilan rin na siya ay kinukutya dahil sa kanyang pisikal na anyo na sa paningin ng mga tao ay walang itsura, tumindi ang mga damdaming iyon na nagtulak sa kanya na kamuhian ang sarili. Kahit pa palipat-lipat siya ng tinutuluyang bahay para sana maghanap ng bagong simula at bagong pamilya na tatanggap sa kanya hindi para pagmalupitan at pagtrabahuhin kundi para mahalin at ituring na isang kapamilya. Ngunit kailanman hindi iyon nangyari dahil itinuturing siyang iba at walang lugar kahit saan. Hanggang sa dumating ang yugto ng kanyang buhay sa pagdadalaga na itinuturing na komplikadong parte ng buhay ng isang tao dahil dito nagsimulang ikumpara ni Magie ang kanyang sarili sa kanyang mga kaibigan, nagsimulang pansinin ang kanyang pisikal na anyo, kasuotan, at katayuan, at dito umuusbong ang damdamin na paghanga o pagmamahal para sa ibang kasarian ngunit satingin niya sadya ngang kaawa-awa siya, sino nga naman ang magkakagusto sa isang katulad niya.

       Ang lahat-lahat ng ito'y napakabigat sa kanyang kalooban, lalo na sa tuwing inaalala niya ang kanyang karanasan magmula sa kanyang kamusmusan. Marami man siyang katanungan tulad ng "Bakit, bakit ako pa ang pinahihirapan ninyo ng ganito?. Bakit pa ninyo ako binuhay sa mundong ito kung ito naman pala ang magiging kapalaran ko?. Vakit ninyo ako hinahayaang maghirap?. Ano ang aking kasalanan?" ay hindi niya kayang magtanong dahil sino nga naman ang pagtatanungan niya, sino ang makikinig at sasagot sa kanyang mga katanungan, at sino ang uunawa sa kanya, kaya't mas mabuti na lamang na kimkimin niya ang hinanakit at umiyak sa isang madilim at maliit na sulok kung saan walang nakakarinig at huhusga sa kanya, at paulit-ulit na naririnig niya ang sarili niyang boses.

     "Kaawa-awa ka. Walang nagmamahal sa iyo. Hindi ka maganda. Nag-iisa ka at walang nandiyan para sa iyo."  Tumindi ng tumindi ang sakit ngunit tahimik lang siyang umiiyak. Hinihiling niya ng paulit-ulit na sana ay kunin na lamang siya ng lumikha wala rin namang magluluksa sa tuwing siya'y wala na. Pagod na pagod na siya ngunit kahit  pa hindi maganda ang kanyang pakiramdam ay wala ni isa man na lumapit sa kanya upang tanungin kung siya ay maayos o kung kamusta siya. Pagkatapos lang ng ilang minuto ay tumahan na siya at pilit na inaalo ang sarili sapagkat wala siyang karapatan para magpahayag ng damdamin dahil kailangan niyang magtrabaho uli.

       Hanggang sa dumating ang araw na hindi na niya kontrolado ang kanyang pag-iisip, kadalasan ay tulala siya na para bang may malalim na iniisip, wala sa kamalayan, at sa tuwing inuutusan siya ay parang wala siyang naririnig sa tuwing may ginagawa naman siya'y para siyang lutang, sa kadahilanang ito'y palagi siyang pinapagalitan ngunit wala siyang reaksiyon tulala lang siya at minsan ay tumitigil siya sa kanyang ginagawa at nagiging tila parang estatwa o di kaya'y minsan ay  naglalakad siya ng walang direksiyon. Hanggang sa wala nang gustong tumanggap sa kanya sa kanilang tahanan dahil wala na siyang pakinabang dahil puro panenermon na ang ginagawa nila at pagaaksaya lang ng oras ang naidudulot niya sa kanila imbes na makatulong. Bawat kamag-anak niya ay tinatanggihan siya, hindi rin siya nagtatagal sa tuwing may naggdedesisyon na patuluyin siya.

        Isang araw may parang himala na nangyari sa kanya, sapagkat magana uli siya sa kanyang trabaho at hindi na siya nakasimangot. Namulat na siya sa kanyang bangungot.

        Sa madilim na lugar na iyon ay nakikita niya ang kanyang sarili, umiiyak siya pagkatapos ay tumatawa papalit-palit ang kanyang emosyon, napabayaan rin ang kanyang sarili magulo ang kanyang buhok at wala sa ayos ang kanyang kasuotan, hanggang sa napagtanto niya ang kanyang kamalian dahil sa nasasaksihan. Na ang katotohanan ay siya ang dahilan kung bakit napabayaan ang kanyang sarili at kung bakit nagmukha siyang kawawa dahil hindi niya minahal ang kanyang sarili at pinagkaitan niya ang kanyang sarili na sumaya. Sapagkat kung aanalisahing mabuti ay maaari siyang pumili at maaari siyang gumawa ng desisyon. Maaari niyang baguhin ang kanyang sitwasyon para hindi maging kawawa, maaari siyang magsumikap para magtamo ng pag-unlad, at maaari siyang gumawa ng paraan para hindi na maramdaman ang pakiramdam na iba siya.

       Kaya't sa tuwing nakikihalubilo siya sa kanyang mga kakilala ay hindi na niya pinapansin ang tinig na iyon na nagsasabing hindi siya nabibilang sa grupo, na naiiba siya, na nagsasabing siya ang pinagtatawanan sa tuwing may mga taong tumatawa at nagbubulungan, at nagpaparamdam sa kanya na hindi siya maganda at may mali sa kanya. Sa halip sinasabi niya sa kanyang sarili na "Maaaring maganda nga sila ngunit bawat tao ay may sariling natatanging kagandahan kaya't maganda ako", sa tuwing ipinaparamdam sa kanya na naiiba siya at may kulang sa kanya ay iniisip na lamang niya na "Ayos lang dahil hindi tumitigil ang panahon maaaring ganito ako pero palaging may pagbabago sa buhay ng isang tao at maaari akong gumawa ng pagbabago sa sarili ko", at sa tuwing pinapagalitan siya ay hindi na siya umiiyak bagkus  tinatanong niya ang kanyang sarili na "Bakit ako iiyak sa simpleng salita lamang?". At pinapaalalahanan niya ang kanyang sarili na "Huwag maging mahina sapagkat tao lamang sila at hindi sila ang magiging dahilan ng pagkasira ng aking pangarap at ng aking buhay. Magsusumikap ako para hindi na muling maapi, para magkaroon ng sariling buhay kung saan walang kumokontrol sa akin, at para magkaroon ng kalayaan".

        Sa kahalintulad ng sitwasyon na ito ay maaaring mabisang paraan ang ang mga nabanggit upang malabanan ang pagkawala sa wastong katinuan o ang pagkakaroon ng mababang tiwala sa sarili, maaari ring gawing paraan ang pagsusulat upang manatiling positibo ang pananaw sa buhay, maaaring isulat mo ang iyong mga karanasan, ang iyong mga hinanakit, at mga katanungan mo sa buhay, at pagkatapos ay tanungin mo ang iyong sarili ng mga tanong tulad ng kung ano ang mga gusto mong gawin o mga plano, o di kaya ay ang mga bagay na sa tingin mo ay nararapat at hindi. Alalahanin mo ang mga dahilan at ang magiging epekto ng mga bagay sa iyong buhay, at kung tama ba ang ginawa mo o hindi. Ngunit dapat ay magkaroon ka ng layunin na tulungan ang iyong sarili at lumikha ng nararapat at positibong solusyon, at sa huli pagkatapos ng iyong pagninilay, pagalala sa iyong karanasan, at pagaanalisa ay tiyak na mayroong kasiguraduhan na makakatagpo ka ng aral at mababawasan ang bigat o ang hinanakit ng iyong kalooban.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 27, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

PagtuklasWhere stories live. Discover now