Ralna: 2

51 10 34
                                    

NAPAHUGOT na lang ako ng malalim na hininga nang bumaba mula sa kotse ni sir Asher. Si Misha ang nasa harap ng sasakyan, ako at dalawa pang staff ng Dazzle café naman ang nasa likod.

"Let's go." Sabi ni sir. Naghiyawan pa ang mga kasama ko bago bumaba.

Now I have two choices. Pwede kong paglahuin ang sarili ko na parang bula ngayon mismo at ibulgar ang totoong identity ko. Pangalawa, bababa ako dito at pilitin ang sarili kong makihalubilo sa mga kasamahan ko sa trabaho.

"Ralna?" Tawag ni sir Asher na nagpabalik sa akin sa ulirat.

Hindi magandang ideya ang nauna kaya naman wala akong nagawa kundi ang bumaba na din.

Sa isang grill bar kami nagpunta. Napakaraming tao at maingay. May bandang tumutugtog sa harap habang may mga customer na sumasabay sa kanta, ang iba ay nagtatawanan at nagsasayawan.

"What do you want to eat and drink?" Tanong ni sir Asher sa akin sa gitna ng ingay.

"Kahit ano, sir!" Sigaw ko para marinig nya ako. Tumango sya at umalis na.

Naramdaman kong siniko ako ni Misha sa tagiliran at nakita ko ang nanunukso nyang tingin. Napailing na lang ako.

Nang makabalik si sir Asher ay may kasunod na syang mga waiter na bitbit ang mga pagkain namin. May mga bote din ng alak silang dala.

"Alright, kumpleto na ang orders. Tonight we will all have fun!" Masayang anunsyo ni sir Asher.

Nagpalakpakan ang mga kasama ko kaya naman nakigaya na lang din ako. Hindi gaanong kalakihan ang Dazzle café at anim lang kaming empleyado nito, pero kahit gano'n ay maingay pa din ang grupo namin. Nagsimula na silang magsalin ng alak at uminom.

Kumuha ako ng pasta na may white sauce na pinaka-paborito kong natikman dito sa lupa ng mga tao. Napanood ko na kung paano ito lutuin pero kahit kailan ay hindi ko makuha ang lasa kapag ako ang nagluluto. Uminom din ako ng mga alak na nandoon sa lamesa namin.

"Dahan-dahan, baka malasing ka agad." Natatawang sabi ni Angie, isa pang crew sa Dazzle, nang mapansin nyang marami na akong naiinom. Nginitian ko lang sya.

"Ano ka ba? Hindi basta-basta nalalasing 'yan si Ralna!" Pagmamalaki ni Misha na mukhang may tama na ng alak.

"Talaga ba?" Panunukso ni Jeck. Jeck nga ba pangalan ng lalaking 'to? Tanong ko sa isip ko. Hindi talaga ako magaling sa pangalan.

"Kahit pagsama-samahin nyo pa 'yang mga alak na 'yan!" Sabi ni Misha sabay tawa.

Hinayaan ko na sila sa pag-uusap at nagpatuloy na lang sa pagkain at pag-inom.

Totoo naman ang sinabi ni Misha. Walang epekto ang mga alak na 'to sa katawan ko. Hindi ko din alam kung bakit. Siguro sadyang iba lang ang alak sa Vadronia at dito.

Dahil doon ay naalala ko na naman ang kaharian namin. Kasabay no'n ay ang mga bagay na nagawa ko na naging dahilan ng pag-alis ko. Biglang nagbigat ang dibdib ko. Tumayo ako at naglakad papunta sa gilid ng counter kung saan mas konti ang tao. Doon ko pinakalma ang sarili ko.

"What do you think? It's so much fun, right?" Tanong ni sir Asher maya-maya. Hindi ko namalayang nasa likuran ko na pala sya. Kahit madilim ang ilaw ay kitang-kita ko ang mukha nyang namumula na. Dala siguro ng alak.

Ngumiti ako ng mapait habang nakatingin sa mga masasayang tao sa loob ng bar. Hindi ko alam, sa isip ko. Kahit anong dami ng tao ang nakapaligid sa akin, kahit gaano pa kasaya, pakiramdam ko kulang.

Siguro ito ang parusa ko. Living in loneliness. And maybe, this is what I deserve.

NAUNA na akong umuwi sa kanila. Madaling-araw na at mukhang wala pa silang balak magsi-uwian. Hindi na ako nagpaalam kay Misha o kay sir Asher. Ayoko silang istorbohin pa.

Pagpasok sa bahay ay pinitik ko ang mga daliri ko. Agad na nagliwanag sa buong bahay. Mabilis kong hinubad ang suot kong sapatos at naupo sa sofa.

Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Hindi ang katawan ko kundi ang utak ko. Ilang minuto pa akong nakatanga doon sa sala bago mapag-pasyahan na umakyat sa kwarto ko. Naligo ako nang mabilis at naghanda na sa pagtulog.

Mahihiga na sana ako sa kama nang narinig kong parang may kumakatok.

Saan 'yon?

Lumabas ako ng kwarto at napagtanto kong mula sa pintuan sa baba ang katok na 'yon. Sino naman ang kakatok ng ganitong oras?

Teka, walang taong makaka-kita ng bahay na ito nang walang permiso ko, sa isip ko. Dahan-dahan akong naglakad pababa.

Pagdating sa harap ng pinto ay nawala ang pagkatok. Could it be...

Hinawakan ko ang doorknob at biglaang pinihit ang pinto. Pero sinalubong lang ako ng malakas na hangin at kadiliman. Walang tao o ano man. Lumabas pa ako para siguraduhing wala nga.

"Guni-guni ko lang ba 'yon?" Bulong ko sa sarili ko habang umaatras pabalik.

Pagsara ko ng pinto ay doon ko naramdaman... may kasama na ako sa loob.

Mabilis akong lumingon at tumambad sa akin ang isang lalaking kahit nakaluhod sa isang paa nya ay halata ang taas. May kalakihan din ang katawan nyang halatang batak sa gawain. Pero bukod doon ay agad kong napansin ang pamilyar na selyo na nakakabit sa magkabilang balikat ng suot nyang asul na kapa.

Selyo ng Vadronia. Paano nya ko nahanap? Bakit pa nila ako hinanap?

"S-sino ka?" Sa dami ng tanong sa isip ko ay 'yon ang unang lumabas.

Unti-unting nag-angat ng tingin ang lalaki. Kakaiba ang kaba sa dibdib ko nang makilala kung sino ang kaharap ko. Nakasuot sya ng itim na maskara na mukhang gawa sa metal at naka-kadena iyon hanggang sa likod ng ulo at batok nya. Pero kahit hindi kita ang ilong, bibig at kalahati ng mukha nya ay kilalang-kilala ko kung sino sya.

Imposibleng makalimutan ko sya.

"Mahal na prinsesa." Bati ni Wayan, ang kababata ko sa Vadronia na isinumpa ko noon.

Ralna: Engkanto Series 2Where stories live. Discover now