Ralna: 11

28 4 0
                                    

MADILIM ang bahay nang dumating ako. Hindi na ako nag-abalang buksan ang ilaw. Dumiretso na ako sa kwarto at nagpalit ng damit.

Paglapat ng likod ko sa kama ay nakahinga ako ng maluwag. Sa wakas! Nasabi ko din kay sir Asher ang gusto kong sabihin. Mukhang tinanggap nya din naman iyon nang walang sama ng loob.

Nag-alok pa nga sya na ihatid ako pero tinanggihan ko. Syempre, hindi ko nga tinanggap 'yong feelings nya tapos magpapahatid ako? Medyo makapal naman yata ang mukha ko no'n. At isa pa, mas mabilis pa ako kaysa sa kotse nya kung gagamitin ko lang ang kakayahan ko.

Tumagilid ako ng higa at tumingin sa labas ng bintana. Mula sa hinihigaan ko ay kita ko ang ilang bituin sa langit. Habang pinagmamasdan ang mga 'yon ay lumipad ang isip ko papunta kay Wayan.

Kailangan kong gumawa ng paraan para makapag-usap kami, sa isip ko. Kung nagbago nga ang isip nya sa akin, dapat malaman ko. Isipin ko pa lang ay kumakabog na ang dibdib ko.

Pero... kung nagbago ang isip nya, bakit pa sya nandito? Hindi ba dapat ay bumalik na sya sa Vadronia?

Ralna, 'wag mong paasahin ang sarili mo.

Hindi ako aasa. Pero sana tama ako. Sunud-sunod na ang paghikab ko at maya-maya pa nga ay nakatulog na ako.

"Mahal na reyna Felicia." Bati ng matandang babae sa isa pang babae na nakaupo sa mataas na bato.

Ina?

Itinaas ng reyna ang kamay nya at kasunod no'n ay pumasok ang apat na kawal na may dalang malaking banig. Inilapag nila ang banig sa harap ng reyna.

Nilapitan ko iyon at nakahiga doon ang babae na bagama't nakadilat ay parang hindi kami nakikita. Nakatingin sya sa kawalan.

"Anong nangyari sa kanya?" Tanong ko sa kawal na malapit sa akin. Pero hindi sya sumagot.

Hindi nya ba ako naririnig?

Yumuko sila sa aking inang reyna pagkatapos ay sabay-sabay na umalis.

"Ina." Tawag ko sa kanya pero hindi nya rin ako naririnig o nakikita. Tumahimik na lang ako at nanood.

Tumayo si ina mula sa batong upuan at kinuha ang isang mangkok ng tubig na may nakakababad na dahon.

Anong dahon iyon? Pamilyar ang itsura nya pero hindi ko maalala ang tawag.

"Lirka." Tawag ni ina sa babae. Hindi ko alam kung 'yon nga ang pangalan nya pero tumingin sya kay ina pagkatapos no'n.

Marahan na ibinuhos ni ina ang laman ng mangkok sa katawan ng babae. Sa ulo, mga braso at hita, sa paa-- buong katawan, hanggang sa maiwan na lang ang dahon sa mangkok. Inabot ng matandang babae ang mangkok mula kay ina at ipinatong sa batong lamesa.

Maya-maya pa ay nanigas ang katawan ng babaeng nakahiga sa banig. Napaatras ako.

Ikinumpas ni ina ang kamay nya papunta sa kanan. Tapos ay sa kaliwa. Para bang may hinahawi syang hindi namin nakikita. Pagkatapos ay kinuha nya ang maliit na kutsilyo na nakatago sa damit nya. Hiniwa nya ang palad nya at pinatulo ang dugo sa lupa.

"Ego, Felicia, Vadronia regina, quae hanc mulierem alligimus, magnorum meorum animos invoco."

"Anong ginagawa mo, ina?" Tanong ko. Inikutan nya ang kinalalagyan ng babae habang pinapatulo ang dugo nya sa lupa.

Nang makabalik sya sa dating pwesto ay lumingon sya sa akin.

"Ralna..." Tawag nya sa akin. Malambot ang mga tingin nya.

Napatingin ako sa babaeng nakahiga at nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ang naroon.

"Ranaya!"

Bigla akong napabalikwas sa higaan. Butil-butil ang malamig na pawis sa ulo ko. Mabilis ko iyong pinahid.

Anong ibig sabihin ng panaginip na 'yon?

Bumangon ako at uminom ng tubig na naroon sa gilid ng kama ko. Halos makalahati ko na ang baso nang mapagtanto ko ang nangyari.

Hindi 'yon basta panaginip. Nakita ko ang ritwal, narinig ko ang dasal. Tinuro sa akin ni ina kung paano bawiin ang sumpa!

Napaiyak ako nang maisip ang lahat. Sigurado ako. Nararamdaman ko na tama ako.

"Salamat, ina." Bulong ko sa hangin habang umiiyak at tumatawa. Para na akong nasiraan ng bait dito.

Sa sobrang saya ko ay nalimutan ko na ang lahat. Nagtatakbo ako pababa ng hagdan para sabihin kay Wayan ang magandang balita pero nadismaya ako dahil wala pa sya doon.

Oo nga pala, nakaduty pa sya sa Dazzle. Tiningnan ko ang oras, alas-dose na. Malamang ay pauwi na 'yon. Naupo ako sa sofa at hinintay sya doon.

Pero lumipas na ang dalawang oras ay wala pa sya. Lumabas ako ng pinto para silipin kung nandoon sya pero kahit bakas ng amoy nya ay wala. Bumalik ako sa sofa at naghintay pa.

Nakatulog na ako at nagising nang may sikat ng araw sa mukha pero walang Wayan na dumating. Nagsimula na akong kabahan.

Mabilis akong naligo at nagbihis para pumunta sa Dazzle café. Sobrang bagal ng oras habang hinihintay ko ang shift ni Jea. Nang dumating sya ay hinintay ko lang syang pumasok sa crew room tapos ay sinundan ko agad.

"Jea." Tawag ko sa kanya.

"Oh, Ralna. May kailangan ka ba?" Takang tanong ni Jea habang nilalagay ang gamit nya sa locker.

"Alam mo ba kung anong oras umuwi si Wayan kagabi?" Tanong ko.

Bahala na kung anong isipin nya. Kailangan kong malaman kung bakit hindi dumating si Wayan.

Sandali pang nag-isip si Jea bago sumagot.

"Pagkatapos namin maglinis kagabi ay sabay kaming lumabas ng café pero nauna akong sumakay ng jeep eh. Paglingon ko naman noon ay wala na din sya." Sabi ni Jea.

"May iniwan ba sya o kahit ano?" Tanong ko ulit. Nanlalamig na naman ang pawis ko.

"Ah!", Biglang nagliwanag ang mukha ni Jea. May kinuha syang maliit na papel sa loob ng locker nya. "Iabot ko daw pala sa'yo ito." Sabi nya.

Mabilis kong hinablot ang kapirasong papel at binasa ang nakasulat. Pero walang nakasulat doon.

Sa halip, may nakaguhit doon na bilog at sa gitna ng bilog ay may nakaguhit na mga linya na parang alon. Napapikit ako ng madiin. Selyo ito ng Vadronia.

Bumalik na si Wayan sa Vadronia.

Ralna: Engkanto Series 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon