Ralna: 3

49 9 25
                                    

"MAHAL na prinsesa."

Nagbuhul-buhol na ang mga tanong sa utak ko. Pero hindi ko alam kung paano mag-uumpisa. Paano sya nakakapagsalita?

"Paanong..."

"Ang tanda, prinsesa." Noon ko napansin na hindi gumagalaw ang panga nya. Kahit ang lalamunan nya. Ibig sabihin ay hindi sya nagsasalita gamit ang bibig nya.

Kinakausap nya ako sa isip ko. Muntik ko na sampalin ang sarili ko. Of course! Paano sya makakapagsalita? Hindi ba't isinumpa ko sya noong mga bata pa kami?

Pero teka lang ha, hindi ko naman 'yon sinasadya.

Bata pa lang kami ay malapit na kaming magkaibigan ni Wayan. Kung saan-saan kami napapadpad noon dahil sa kakalaro namin. Hanggang isang araw, ewan ko kung ano bang naisipan ko, pero sya ang pinag-praktisan ko ng ritwal ng sumpa na nabasa ko lang sa lumang talaan ng namayapa kong inang reyna.

Kumpyansa akong magagawa ko iyon ng tama gamit ang sarili kong salita, at boom! Nagawa ko nga. Nawalan ng boses si Wayan.

It was all fun and games until I realized na hindi ko pala alam kung paano bawiin ang sumpa. Ilang araw at gabi ang ginugol ko para hanapin sa lahat ng talaan ni ina maging sa lahat ng mga aklat ni ama, pero wala. Wala doon ang solusyon.

Hindi ko alam kung nagalit sa akin si Wayan pero hindi na ako nagpakita sa kanya. Sa tuwing makikita ko sya sa malayo pa lang ay nagtatago na ako. Hindi ko sya kayang harapin, hiyang-hiya ako! At natakot din ako na baka galit sya sa akin.

Hanggang sa pumasok na sya sa hukbo ng Vadronia at naging abala na kami pareho.

Pero ngayon, nandito sya sa harap ko. Kinakausap ako sa isip ko. Isang kakayahan ng mga engkanto sa Vadronia at ilang piling kaharian.

"Ralna..." Hindi ko alam kung bakit ako kinilabutan sa pagtawag nya sa pangalan ko. Dahil ba naririnig ko ang boses nya kahit hindi naman bibig ang gamit nya sa pakikipag-usap? O dahil ba sa mga mata nya na nangungusap sa akin.

"Hindi na ako prinsesa ng Vadronia. Hindi ko na ginagawa ang tanda." Sabi ko.

Ang "tanda" ay muwestra ng kamay para bigyan ng pahintulot ang sino mang miyembro ng hukbo na magsalita sa harap ng sino mang kabilang sa maharlikang pamilya.

Nanatiling nakatingin lang sa akin si Wayan, hindi sya gumalaw kahit sigurado akong narinig nya ako. Napabuntong-hininga na lang ako.

Marahan kong tinapik ang kaliwang balikat ko papunta sa kanan-- ang hinihinging tanda ni Wayan.

Mabilis syang tumayo pagkatapos no'n at lumapit sa akin. Napapikit ako dahil akala ko ay ibubuhos nya na ang galit nyang kinikimkim sa akin, pero matapos ang ilang segundo ay walang dumating kahit isang pitik man lang.

Pagdilat ko ay halos kalahating metro na lang ang pagitan namin. Tama nga ako, lalo syang tumangkad ngayon. Nakatingin sya ng diretso sa mga mata ko at bahagyang nakakunot ang noo. Para bang binabasa kung ano ang nasa isip ko.

"B-bakit ka nandito? Paano mo ko nahanap?" Basag ko sa katahimikan na bumabalot sa amin.

"Ako dapat ang magtanong sa'yo kung bakit ka nandito sa lupa ng mga tao." Sagot nya. Kahit sa isip ko ay naririnig ko ang boses nya na para bang laging kalmado.

Naalala ko tuloy noong unang araw na wala syang boses, sinabi ko sa kanyang hindi ko alam kung paano bawiin ang sumpa o kung anong ritwal ang dapat gawin para mabawi iyon.

Saglit lang syang nagulat tapos ay nagkibit-balikat. Noong nagpaalam akong hahanapin sa talaan ni ina ang solusyon ay hinayaan nya lang akong umalis.

Palaging kalmado si Wayan at kahit noong may boses sya ay hindi rin sya gaanong pala-imik maliban na lang kapag naghahanap kami ng makikinis na bato sa bundok. 'Yon kasi ang paborito nyang gawin, bukod sa makipaghabulan sa mga hayop sa gubat.

"Malamang ay alam mo na ang nangyari. Kung ano ang ginawa ko." Napalunok ako sa sinabi ko.

Noong nangyari 'yon ay wala si Wayan sa Vadronia. Kasama sya sa mga napili na lumabas para tumulong sa kaguluhan sa kaharian ng Havar.

"Kaya ka ba umalis?" Tanong nya ulit.

"Dito na ako namumuhay ng tahimik." Sagot ko sa kanya. "Kaya kung nandito ka para ibalik ako sa Vadronia, hindi ako sasama." Dagdag ko.

Nanatili lang na nakatingin sa akin si Wayan, pero mga ilang sandali lang ay tumalikod na sya at naupo sa sofa. Tinaasan ko sya ng kilay. 'Yon na? Tapos na? Hindi nya man lang ba ako pipilitin bumalik?

Hindi naman sa gusto kong pilitin nya ko pero hindi ba 'yon ang dahilan kaya sya nandito?

"Ikaw ang bahala kung iyan ang desisyon mo." Naloka ako sa sinabi nya. Hah! Fine! Hindi rin ako magpapa-pilit.

"Okay." Sabi ko. "Hindi ka pa ba aalis?" Tanong ko nang hindi sya gumalaw sa kinauupuan nya.

Hindi sya sumagot. Hay, may mga moments talaga syang ganyan. Bigla na lang hindi kikibo. Hinayaan ko sya at bumalik na lang sa kwarto ko para matulog.

INAASAHAN kong wala na si Wayan paggising ko pero muntik na akong atakihin sa puso nang makita ko syang nakatayo sa may pintuan. Walang emosyon ang mukha nyang nakatingin sa akin.

"Anong ginagawa mo dyan?" Mataray na tanong ko sa kanya. Nagkibit-balikat sya.

"Nagbabantay." Simpleng sagot nya. Natawa naman ako.

"As if kailangan ko ng taga-bantay. Alam mo kung anong kaya kong gawin." Sarkastikong sagot ko.

Hindi sya nagsalita. He just stood there, looking amused. He always have that kind of stare. Kahit dati pa, para bang lagi syang nalilibang sa mga sinasabi at ginagawa ko. Weirdo.

Naglakad ako palapit sa pinto.

"Maliligo ako at magpapalit ng damit." Sabi ko at tuluyang isinara ang pinto sa mukha nya.

Habang naliligo ay hindi ko mapigilan isipin ang dahilan kung bakit nandito pa si Wayan. Inutusan ba sya ni ama? Anong plano nya?

Ralna: Engkanto Series 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon