Ralna: 8

35 7 9
                                    

"PAANO naman ako? Hindi mo ba ginulo ang buhay ko?" Seryosong tanong nya sa akin.

Napaatras ako.

"A-ano?" Wala sa sariling tanong ko sa kanya. "Ang akala ko..." Ang akala ko ay hindi nya ako sinisisi sa nangyari noon?

Nang umatras pa ako ulit ay mabilis nyang hinablot ang magkabilang braso ko.

"Simula nang magkakilala tayo, ginulo mo din ang buhay ko. Hindi na ako lumayo sa'yo. Gusto ko lagi kitang nakikita. Kahit saan na nandoon ka, kahit pwede akong mapahamak kakalapit sa palasyo at sa'yo, kahit ako ang gamitan mo ng mga orasyon mong walang kasiguraduhan, kahit maging miyembro ako ng hukbo ng Vadronia mapalapit lang sa'yo at... kahit..." He trailed off.

Napalunok ako nang makitang tumulo ang luha nya. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko syang umiyak.

"Kahit si Zeev ang napansin mo at hindi ako." Napanganga ako sa sinabi nya.

"A-anong... anong sinasabi mo?" Naguguluhan na tanong ko kay Wayan. Unti-unting lumuwag ang pagkaka-hawak nya sa mga braso hanggang sa tuluyan nya iyong mabitawan.

"Mahal kita, Ralna. Iyon ang sinasabi ko."

Tila sasabog ang puso ko dahil sa sinabi ni Wayan. Narinig ko ba talaga ang mga salitang 'yon? O baka naman nananaginip ako? Tumingin ako sa mga mata ni Wayan na ngayon ay natuyo na ang mga luha. Wala na ang galit sa mata nya.

"Pagbalik ko sa Vadronia, nalaman kong masaya ka na kay Zeev. Hinayaan ko kayo at sumama ulit sa misyon palabas ng Vadronia. Ngayon nandito ka at nandito na din ako." Paliwanag nya pa. "At posibleng mahulog ang loob mo sa mortal na tao."

"Hah!" Sarkastikong ngisi ko. "Alam mong imposibleng maging magka-relasyon ang tao at--"

"Sa kaharian ng Kavan." Putol nya sa sinasabi ko. "Kinasal si Abran sa mortal na taong iniibig nya."

Natutop ko ang bibig ko sa sinabi nya. Kilala ko si Abran dahil noong mga bata pa kami ay nakakasama namin sya sa gubat kung saan inililigaw namin minsan ang mga taong nanghuhuli ng mga insekto. Noong lumaki na kami ay madalas naman syang usap-usapan sa kaharian nila dahil laging wala sa mga pagpupulong ng mga maharlika.

Posible pala talaga, sa isip ko.

"Kaya naman posible talagang mahulog ang loob mo sa taong 'yon." Bago ko pa masabi na imposible ang iniisip nya ay mabilis nyang inabot ang dalawang kamay ko.

Nag-doble ang tibok ng puso ko dahil sa ginawa nya. Mapungay ang mga mata nya na nakatingin sa akin.

"Hindi ko na kayang panoorin maulit ang dati, Ralna. Sana ako naman ang mapansin mo ngayon." Patuloy nya.

HATINGGABI na. Isinara ko ang pintuan ng kwarto pero iniwan kong nakabukas ang malaking bintana. Malamig ang hangin na dumadaan mula doon. Bumangon ako.

Sana ako naman ang mapansin mo ngayon.

Paulit-ulit ang mga salitang iyon ni Wayan sa utak ko. Dinama ko ang tibok ng puso ko na kanina pa hindi maawat ang pakikipag-karera. Nahiga ulit ako at binalot ng kumot ang sarili ko.

Mahal nya ko, bulong ko sa sarili ko.

Hindi ko namalayan na nakangiti na pala ako sa ilalim ng kumot na hawak ko. Paano ko sya haharapin bukas? Paano nya ko haharapin bukas pagkatapos ng mga inamin nya?

Ah, bahala na! Pumikit na ako at pinilit ang sarili na makatulog. Naramdaman ko ang sarili kong hinihila ng antok at ilang sandali pa nga ay nananaginip na ako.

"Ralna..."

Lumingon ako sa tumatawag sa akin pero wala akong nakita. Boses ng lalaki. Madilim pero malinaw kong nakikita ang paligid at tanging mga puno lang ang naroon.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Saan ba ako papunta?

"Ralna..."

Boses naman ng babae ang narinig kong tumawag sa pangalan ko. Lumingon ako ulit, pero wala. Mabilis akong lumakad. Natatakot na ako.

Sa bawat bilis ng hakbang ko ay gano'n din kabilis ang bawat pagtawag nila sa akin. Nagsasalitan silang dalawa sa pagtawag sa pangalan ko. Hindi ko na kaya, tumakbo na ako.

Takbo! Takbo! Takbo!

Hanggang sa mapatid ako sa malaking ugat ng puno na nakalabas sa lupa. Natahimik ang paligid. Nawala ang mga boses.

Marahan akong tumayo pero natigilan ako dahil may dalawang pares ng paa na nasa harapan ko. Unti-unti akong nag-angat ng tingin at nagimbal ako sa nakita ko.

Si Ranaya... at Zeev. Parehong naka-pilipit ang mga leeg nila at nakaka-kilabot ang ngiti nila na halos ikapunit ng mga labi nila.

"Ralna..." Tawag nila sa akin pero hindi gumagalaw ang mga labi nila.

"Tama na... tama na!" Sigaw ko pero walang lumalabas na boses sa akin. Paghawak ko sa lalamunan ko ay basa. Dugo.

"Tama na! Tama na! Tama na!" Sigaw ko nang makabangon ako at hinampas-hampas ang kung sino man na nakahawak sa akin.

Tapos ay naramdaman kong niyakap ako nito kahit nagpupumiglas ako. Napadilat ako. Si Wayan ang nasa harapan ko.

"Ralna." Animo'y isang babasagin na bagay ang pangalan ko nang bigkasin nya ng napaka-ingat. Pinahid nya ang mga luha kong hindi ko namalayan na tumulo na pala.

Napanaginipan ko na naman. Napanaginipan ko na naman sila.

Tulad ng luhang bumubuhos mula sa mga mata ko ay bumuhos din bigla sa akin ang alaala na higit isang daang taon na ang nakalipas.

Ralna: Engkanto Series 2Donde viven las historias. Descúbrelo ahora