Ralna: 15

50 4 2
                                    

WAYAN'S POV
"GISING na ang prinsesa Ralna!" Narinig kong bulalas ng isang engkantada mula sa bulwagan.

Hindi ko alam kung gaano ako kabilis na nakarating doon pero pagpasok ko ay naroon na si haring Ragaz, Ranaya at Zeev. Umiiyak sila pero alam kong masaya sila. Lalo na si Ralna.

Para akong baliw na napangiti na lang habang pinagmamasdan sila.

Lahat ng sinabi ko kay Ralna noong nasa lupa kami ng mga mortal na tao ay totoo.

Bata pa lang kami ay matindi na ang pagka-gusto ko sa kanya. Tipong kahit anong gusto nyang laruin, papayag ako. Kahit nauuna ko syang mahanap sa taguan ay ako pa din ang taya sa susunod. Kahit ako ang unang tumikim ng mga nakikita namin na bagong prutas para malaman kung lason ba ito o hindi, papayag pa din ako. Kahit galit sya sa akin at ayaw nya na akong kalaro ay buntot pa din ako nang buntot sa kanya.

At kahit na sya ang dahilan ng ilang paghihirap ko dahil sa ginawa nyang sumpa ay gusto ko pa din sya.

Hinayaan lang ako nila ama at ina. Bata pa daw kasi kami at baka humahanga lang ako sa napakaganda namin na prinsesa.

Pero nagkakamali sila. Hanggang sa mag-binata ako, maraming nakilalang babae at maging miyembro ng hukbo ng Vadronia ay hindi nagbago ang nararamdaman ko para kay Ralna.

May ilang mga engkantada ang nagpaparamdam ng kanilang pagka-gusto sa akin, pero walang ibang babaeng nakikita ang mga mata ko kung hindi sya lang.

Sumanib ako sa hukbo ng Vadronia para kahit papaano mapapalapit pa din ako sa kanya. Kahit alam kong iniiwasan nya ako dahil sa nangyari noon. Kaya naman sobrang sakit noong nalaman kong nobyo nya na si Zeev pagbalik ko galing sa isang misyon.

Pakiramdam ko ay tinraydor nya ko pero kalaunan ay naintindihan ko. Tulad ko, nagmamahal din si Ralna. Hindi nga lang ako ang lalaking 'yon.

Sumama ulit ako palabas ng Vadronia, hindi para kalimutan ang pagmamahal ko sa kanya kung hindi para subukin ang sarili ko. Kung gaano katagal ko kayang hindi makita si Ralna. Mahaba-habang panahon kasi ang tatakbuhin ng sumunod na misyon.

Pagbalik ko ay magulo na sa Vadronia at wala na si Ralna. Ilang gabi akong nakipagtalo sa sarili ko kung susundan ko sya o kung itutuloy ko itong kahibangan kong subukin ang sarili ko.

Pero hindi ko kinaya. Isang gabi ay tumakbo ako kay haring Ragaz at humingi ng permisong lisanin ang Vadronia.

"Pinapayagan kita." Naalala kong sagot ni haring Ragaz. "Kung makita mo sya, 'wag mo syang pilitin na ibalik sa halip gusto kong siguraduhin mong hindi nya sinisisi ang kanyang sarili dahil sa mga nangyari." Bilin nya.

Hindi na kailangan sabihin ni haring Ragaz. Hahanapin ko sya hindi para ibalik, ngunit para malaman kung masaya ba sya kung nasaan man sya. Mismong gabing iyon ay nilisan ko ang Vadronia.

Matagal bago ko matunton si Ralna at nang makita ko sya, pakiramdam ko ay unang beses ko ulit sya nakita sa buong buhay ko. Iba man ang pamumuhay o kasuotan nya ay walang dudang napaka-ganda nya pa din.

Plano kong manatili kasama nya ng dalawa o tatlong araw lang ngunit nang makita ko ang lalaking tinatawag nyang 'sir' at malaman ko ang kasal ni Abran, na posibleng mahulog din sya sa mortal na tao, parang nadudurog ang puso ko.

Hindi ko na yata kayang magparaya pa. Kaya naman nag-desisyon akong sabihin na sa kanya. Iparamdam na sa kanya ang pag-ibig na matagal ko nang kinikimkim.

Ang kaso nga lang hanggang panaginip nya naroon pa din pala si Zeev. Ang akala ko ako na. Noong gabing 'yon hindi ko na alam kung paano pa ang gagawin hanggang sa pabalikin na ako sa Vadronia dahil sa banta ng panganib sa kaharian.

"Wayan!" Rinig kong tawag sa pangalan ko habang naglalakad ako pabalik sa pwesto kung saan ako nagbabantay.

Paglingon ko ay humahangos si Ralna na tumatakbo palapit sa akin. Habang pinapanood sya ay iba ang bilis ng tibok ng puso ko.

Tama, ganito ang naramdaman ko kanina nang makita ko syang naglalakad palapit sa akin. At lalong nagwala ang puso ko nang halikan nya ako bago ang ritwal.

Napangiti ako nang ihagis nya ang sarili sa akin at yakapin ako.

"Ralna..." Bulong ko sa tenga nya. Gagantihan ko sana ang yakap nya ngunit mabilis din syang kumalas.

"Bumalik na ang boses mo!" Masayang sabi nya habang nakahawak sa magkabilang balikat ko.

"Salamat sa'yo. Masaya akong nakabalik ka na." Yakapin mo na lang ako ulit, bulong ko sa isip ko.

"Dalawang bagay kaya ako bumalik. Una ay dahil kay Ranaya." Seryosong sabi nya nang bahagya syang lumayo sa akin.

"A-at ang pangalawa?" Kinakabahan na tanong ko. Sabihin mong ako, Ralna.

"Pangalawa, gusto kong malaman..." Napakunot ang noo ko habang hinihintay ang kasunod. "Gusto kong malaman kung seryoso ka ba sa mga sinabi mo... kung totoo bang... mahal mo ko?"

Siguro ay nagdurugo na ang loob ng bibig ko dahil sa pagkagat ko doon para lang pigilan ang pag-ngiti ko.

"Paano kung totoo?" Panghahamon ko sa kanya. Nag-angat sya ng tingin para salubungin ang mga mata ko.

"K-kung totoo..."

Sabihin mo at hahalikan na talaga kita.

"Kung totoo, Wayan, gusto kong malaman mo na mahal din kita."

Pakiramdam ko ay namatay ako at nabuhay muli dahil sa mga narinig ko. Tinawid ko ang pagitan namin at hinawakan ang makinis nyang mukha.

"Noon at hanggang ngayon, mahal na mahal kita, Ralna." Napangiti na lang si Ralna sa sinabi ko.

Dahan-dahan kong ibinaba ang mga labi ko papunta sa kanya at nang maglapat ang mga iyon ay libu-libong emosyon ang naramdaman ko. Lahat ng sakit noon ay mabilis na nabura.

Hindi ako nagsisising hindi ako bumitaw sa pag-ibig ko kay Ralna.

- THE END

Ralna: Engkanto Series 2Where stories live. Discover now