Chapter 19

16.2K 451 101
                                    

CLARA'S POV

"Clara, bakit hindi nalang kayo tumira sa bahay namin? May mga bakanteng kwarto naman doon na pwede niyong matuluyan ng mga anak mo. Manganganib lang ang buhay niyo sa Ravi na 'yon kung nandito pa rin kayo at hindi niyo kami kasama." sabi ni Kai nang ikwinento ko sa kanya ang mga nangyari kahapon sa pagitan namin ni Ravi at ng mga anak ko.

Natatakot ako sa mga maaaring gawin ni Ravi kay Clarisse. Muntik na niya kaming patayin dahil nagalit ito sa balak sanang pakikipaghiwalay sa kanya ni Clarisse.

Mapanganib na tao si Ravi kahit na bata pa ito pero hindi ko inaasahan na magagawa niya iyon sa amin, na kaya niya kaming patayin nang dahil sa obsesyon niya kay Clarisse.

"Kai, hindi maaari 'yon. Mas lalo lang magagalit si Ravi kung aalis kami dito sa bahay at isa pa, 'wag mo na rin siyang ipa-blotter dahil kahit gawin mo 'yan ay makakalusot pa rin siya sa mga pulis dahil makapangyarihan ang pamilya niya dito sa lugar natin," sabi ko kasabay nang ilang beses kong pagbuntong-hininga.

Umiling si Kai. "Clara, pulis ako at makakaya kong ipakulong ang lalakeng 'yon kahit magsuhol pa sila ng pamilya niya ng maraming pera sa kapwa ko mga pulis para lang maabsuwelto siya. Inaalala ko lang ang kaligtasan niyo ng mga anak mo. Kung nagawa niya kayong tutukan ng baril ay pwede rin niyang gawin 'yon sa mga susunod kung magalit ulit siya," hinawakan niya ang isang kamay ko at tinignan ako nang may pagsusumamo.

"Huwag na, Kai. Natatakot rin ako na baka mapahamak ka nang dahil sa amin." pinal kong sabi.

Wala nang nagawa si Kai kundi ang respetuhin nalang ang desisyon ko.

"Kung 'yan ang gusto mo ay wala na akong magagawa pa dyan, Clara pero nandito lang ako para sa'yo at sa pamilya mo. Handa ko kayong tulungan sa lahat. Mahal na mahal kita..." sabi niya kasabay nang paghalik niya sa kamay ko.

Ngumiti nalang ako at kahit nailang ako sa ginawa niya ay hinayaan ko nalang siya doon.

Mabait na lalake si Kai at palagi siyang nakasuporta sa pamilya namin simula nang hindi pa namamatay ang asawa kong si Armando. Mas matanda man kami ng tatlong taon sa kanya ay matured itong mag-isip at ang kapakanan lang ng dalawang anak niya ang inaalala niya.

Single Dad si Kai at mag-isang itinaguyod sina Morris at Michelle. Katrabaho niya si Armando na katulad niya ay isa ring pulis. Hindi na siya nag-asawa simula nang namatay sa panganganak ang asawa niya.

At ngayon nga ay inamin niya sa akin na mahal niya ako at gusto niyang manligaw sa akin. Nakumbinse niya akong pumayag dahil sa utang na loob na tinatanaw ko sa kanya.

Sa tuwing wala kaming pambayad sa ospital o pambili ng gamot sa stroke ni Armando at pambili ng gamot sa sakit sa puso ni Janjan ay pinapahiram ako ni Kai ng pera ng walang pag-aalinlangan. Pati ang maintenance ko sa sakit kong diabetes ay siya na rin ang nagbibigay. Naka-alalay siya sa pamilya ko simula nang magkautang na din kami kay Ravi dahil sa pagkakautang ni Armando sa isang casino na isinangla pa ang sarili naming bahay. Hindi kami pinabayaan ni Kai hanggang sa huli.

Maagang nagkasakit si Armando sa edad niyang 32 dahil sa bisyo nitong paninigarilyo at may sakit pa ito sa puso na namana ni Janjan kaya nastroke ito at na-admit sa ospital. Noong walang-wala kami ay nandiyan si Kai para sa amin.

Inamin sa akin ni Kai na matagal na niya akong mahal ngunit pinipigilan niya lang ang kaniyang nararamdaman tanda ng pagrespeto sa nabubuhay pang si Armando.

At ngayong wala na ang asawa ko ay nagpakita na ng interes si Kai sa akin at humingi siya ng permiso para ligawan ako.

Pumayag ako dahil sa pagtanaw ng utang na loob ko sa kanya. Magiging nobyo ko man si Kai ay hanggang doon lang iyon dahil wala talaga akong nararamdamang pagmamahal sa kanya, dahil kahit namatay na si Armando at may hindi man ito nagawang mabuti sa amin ng mga anak niya ay si Armando pa rin ang tanging lalakeng minamahal ko.

You're Mine, PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon