IKAANIM

30 1 0
                                    


IKAANIM



"Salamat po!" sabi ni Sunshine sabay abot ng isang papel sa driver ng moving truck. Sa ibabaw ng papel ay may nakaipit na isang one hundred peso bill na tip niya rito.

"Salamat din po, ma'am." nakangiti nitong sagot bago sumakay sa truck at minaneho iyon paalis.

Huminga nang malalim si Sunshine at nakapamewang na tiningnan ang apartment building na kanyang nilipatan. Mas maliit ang building na iyon kumpara sa nakaraan niyang tinirihan. Pero 'yong mismong unit, halos walang pinagkaiba dahil studio-type lang din ang kinuha niya.

Sa wakas, nakalipat din. Nakangiti siyang naglakad papasok ng building at dumiretsong 3rd floor. Pagkapasok sa kanyang unit, naabutan niya si Jay na nakaupo sa sahig, tulala at nagpapaypay gamit ang isang lumang folder. May ilang butil ng pawis na bumabagsak mula sa ulunan nito dahil sa halong init ng kuwarto at ng pagod mula sa pagbubuhat ng mga gamit niya.

Napakurap si Jay sa pagtunog ng pinto sabay tingin sa kanya.

"Nakaalis na sila?" tanong nito.

Tumango si Sunshine. "Ano, buksan na natin 'yong AC."

Naglakad siya para lapitan ang inverted airconditioner na kinabit ng mga taga-moving services kanina. Pero bago pa niya malagpasan ang puwesto ni Jay ay pinigilan siya nito sa kamay.

"Huwag muna." kontra nito.

"P-pero mainit—naiinitan ka. At naiinitan din ako." dahilan niya na bigla niyang ikinahiya. Totoo namang mainit ngayon doon, pero parang iba ang dating ng mga sinabi niya.

Natawa si Jay. "Thirty minutes. Buksan mo AC after thirty minutes. Sa ngayon, umupo ka muna rito. Papaypayan kita."

"Oy, 'di na!" tanggi niya. Inagaw niya ang folder na pinangpapaypay ni Jay bago umupo sa tabi nito. Siya na ang nagpapay sa kanilang dalawa.

"Ang hina." reklamo nito.

Na-pressure siya at pinilit magpaypay nang malakas. Natawa ulit ang binata.

"Ako na nga kasi." Binawi nito 'yong folder at inakong muli ang pagpapaypay.

Hindi na kumontra si Sunshine. Sumandal na lang siya sa kama niyang nasa likuran nila at tiningnan ang mga box na magkakapatong sa paligid.

Sa totoo lang, hindi alam ni Sunshine kung paano talaga siya dapat mag-react sa pagkakataon na iyon. Nagkusa si Jay na tulungan siya sa paglilipat at sinabihan siya na wala siyang dapat ikahiya. Pero siyempre, hindi pa rin niya maiwasang mahiya—at makonsensya.

Kung alam lang nito si Khaizer talaga ang dahilan kung bakit siya nagdesisyon na lumipat ng tirahan...

Pero kaya ka nga lumipat 'di ba? Para makalayo kay Khaizer at para makapag-focus ka sa trabaho mo at siyempre, kay Jay. Pagkontra ng isang bahagi ng kanyang utak. Na totoo rin naman. At para sa kanya, isang malaking hakbang iyon patungo sa kung anong nais niyang mangyari.

Nilingunan niya si Jay at tinitigan ito. Ginantihan nito ang tingin niya.

"Bakit?" pagtataka nito habang patuloy sa pagpaypay sa kanilang dalawa.

"Thank you."

Saglit itong natameme bago sumagot. "Ayaw ko sanang magpasalamat ka sa akin dahil sa ginawa ko ngayon, pero sige. You're welcome." Sabay iwas nito ng tingin. Hindi sigurado si Sunshine pero parang may pagtatampo sa boses nito.

"Ayaw mong mag-thank you ako sa 'yo?" Naguguluhan siya kasi, bakit? Hindi ba normal lang na magpasalamat sa taong tumulong sa 'yo?

"Oo, ayaw ko." diretso nitong sagot nang hindi tumitingin sa kanya. Nagkaroon din ng bahid ng hiya sa hitsura nito.

"Huh?" litong-lito si Sunshine. "Bakit naman?"

Hindi sumagot si Jay.

"Uy, bakit ayaw mo?" ulit niyang tanong.

Tiningnan siya nito, ang mga labi halos nakanguso. "Wala na. Okay na 'yon."

"Gusto kong ma-gets 'yong sinasabi mo." pilit ni Sunshine.

"Okay na nga 'yon."

"Isa..." pananakot na niya rito.

Muntik nang matawa si Jay. "Basta. Ayokong i-explain. Ang weird at ang corny lang ng dahilan ko."

"Weird at corny?" Halos matawa si Sunshine. "Gusto ko pa ring malaman kung anumang dahilan 'yon."

"Hindi mo pa nga alam matawa-tawa ka na oh?" Natatawa at halos mamula si Jay sa usapan nila. "Kaya huwag na. Huwag mo nang alamin."

Umupo nang maayos si Sunshine at pinilit magseryoso. "Oh ito, seryoso na ako. Hindi ako tatawa gaano man ka-weird at ka-corny 'yong explanation mo."

Huminto sa pagpaypay si Jay at nagseryoso rin. Saglit itong tumitig sa kanya bago sumagot.

"Ayokong nagpapasalamat ka sa ganitong bagay kasi..." may pag-aalangan na simula nito. "Ano... Gusto ko lang na maging normal 'to sa ating dalawa. Ayun bang kapag may ginagawa ako para sa 'yo, hindi mo iisipin na utang na loob mo iyon sa akin. Hindi ko naman kasi 'to ginagawa dahil sa gusto kong tulungan ka. Ginagawa ko 'to kasi gusto kita."

May parang kumurot sa puso ni Sunshine.

"Sabi sa 'yo ang corny e." Napatingin ito sa ibang direksyon at nahihiyang natawa.

Pinahinga ni Sunshine ang ulo sa gilid ng kama habang nakatitig sa binata. Ang mga labi niya, hindi maiwasang ngumiti nang malapad.

Wala nang nagsalita muli sa kanila hanggang sa balikan siya ng tingin ni Jay at mahuli siyang nakangiti habang nakatitig pa rin dito.

"Bakit?" Hindi nawala ang nahihiyang ekspresyon sa mukha ni Jay.

Nanatili lang na nakangiti si Sunshine.

"Pinagtatawanan mo ka-corny-han ko, 'no?"

"Hindi ah." kontra niya. "Naisip ko lang, paano kung..."

Pinutol ni Sunshine ang nais sabihin. Hindi naman inalis ni Jay ang tingin sa kanya para hintayin ang kung anumang sasabihin niya.

"Paano kung sabihin ko sa 'yo..." pagtuloy niya sa nais sabihin. "Na halikan mo ako?"

Onti-onti namilog ang mga mata ni Jay. "Huh? Halikan... kita?"

Tumango lang si Sunshine, ang mga labi niya ay may tipid na ngiti. Hindi naman kasi talaga siya sigurado sa gusto niyang mangyari sa mga oras na iyon.

Gusto nga ba niya talagang halikan siya ni Jay? Bakit?

Wala lang. Hindi ko rin alam.

Inasahan niya na magtatanong din si Jay kung bakit siya biglang nagtanong ng ganon. Pero iba ang tinanong nito pabalik sa kanya.

"Kung sisige ba ako, hahayaan mo nga ba akong halikan kita?"

Saglit na hindi nakaimik si Sunshine, hanggang sa muli siyang tumango.

Nagtitigan sila saglit, at saka niya ito muling hinamon.

"Paano kung sabihin ko na halikan mo ako?" tanong niya ulit. "Ngayon na."

Mahinang natawa si Jay. Hindi na ito nagtanong muli o nagbitiw ng iba pang salita. Ikinilos na lang nito ang isang braso para abutin ang kanyang mukha. Hinawakan siya nito sa isa niyang pisngi at dahan-dahang nilapit ang mukha upang mahalikan siya sa mga labi.

Ito ba talaga ang gusto ko?

Sa paglapit ng mukha ni Jay ay onti-onting napapikit si Sunshine. Pero biglang huminto ang binata at tinitigan siya saglit, bago binaba nang bahagya ang ulo niya at binaling ang halik sa kanyang noo. Madiin at matagal ang halik na binigay nito sa kanya roon.

Namilog na lang ang mga mata ni Sunshine habang pinapakiramdaman ang halik na iyon ni Jay.

"Save ko 'yong kiss sa lips kapag sinagot mo na ako." halos matawa at pabulong na sabi ni Jay bago siya muling hinalikan sa kanyang ulunan.

Mahina na lang din na natawa si Sunshine at niyakap ang binata sa katawan. 'Yong totoo, hindi niya maipaliwanag ang damdamin niya sa pagkakataon na iyon. Ang alam lang niya, mabilis ang tibok ng puso niya. At naiinitan siya. At nanlalambot. Hindi iyon ang inasahan niya, pero para bang mas nagustuhan ng puso niya ang halik nitong iyon. Para bang... isa na lang ang nakikita niyang kahahantungan niya: kay Jay. At ayaw niyang kontrahin iyon.

Sa loob-loob ay napatango si Sunshine kasabay ng pagganti ni Jay sa yakap niya.

Siya na lang, please. Siya na lang.

Sa Ilalim ng Ulan (ULAN Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now