UNA

1K 32 25
                                    

UNA

“Shine! Nasaan ka na? Ang lakas-lakas na ng ulan!”

Gustong matawa ni Sunshine kay Melanie na kausap niya ngayon sa kanyang phone.

“Ito na, palabas na ako.” sagot niya habang nagmamadaling lumabas ng exit ng mall.

Totoo nga. Umuulan na, pero hindi naman kalakasan.

“Gusto mo pasundo kita kay Jay? Aray!”

“Okay ka lang, Mel?” tanong niya sa kaibigan. “Anong nangyari sa ‘yo?”

“Ah, wala, wala.”

“Pakisabi na lang kina Yumi male-late ako nang onti.”

“Hay, sige. Ingat ka ha?”

Napangiti siya bago tinapos ang tawag. Sa loob-loob niya, sobrang excitement ang kanyang nararamdaman. Sa hapon kasi na iyon gaganapin ang baby shower at baby gender reveal ng unang anak nina Yumi at Joe.

Posible pala iyon? Isip ni Sunshine habang kinukuha ang baong folding umbrella mula sa kanyang shoulder bag. Posible palang magkatuluyan ang mga high school sweethearts?

Nakaramdam siya ng kirot sa kanyang dibdib na dinaan na lang niya sa mahinang pagtawa. Naghanda na lang siya sa pagtawid na kanyang gagawin—nang mapako ang paningin niya sa isang lalaki na kasalukuyang tumatawid at naglalakad sa kanyang direksyon. Naka-gray itong sweater, ang hood ay suot-suot. At ang mga mata nito—ang ilong nito—ang mga labi nito—

“Khai… zer?” bulong niya sa sarili.

Nestatwa siya sa kanyang kinatatayuan. Ang puso niya ay tila gustong kumawala sa kanyang dibdib, dahilan para mahirapan siyang huminga.

Hin… di.

Hindi.

Nilagpasan lang siya ng binata. Napayuko naman siya at mahinang natawa.

Hindi, Sunshine. Imposible.

Naalala niya, dati, ilang beses na siyang may hinabol at hinatak na lalaki kasi akala niya si Khaizer ang kanyang nakita pero hindi pala. Isang taon din siyang nagkaganon hanggang sa nadala na siya at natauhan.

Tiningala niya ang kulimlim na langit na mukhang walang balak tumigil sa pagbagsak ng ulan.

Sa isipan niya, napabilang siya.

Walong taon na pala. Walong taon na ang nakalipas mula nung araw na iyon. ‘Yong araw na naghabol siya sa isang lalaki na binalewala’t iniwan din siya sa huli—iniwang umiiyak sa ilalim ng ulan.

Grabe. Hindi siya makapaniwala na napakababaw niya noon. Dahil lang sa isang lalaki, nagkaganon siya? At kaka-graduate lang niya noon sa high school! Sa murang edad, bakit napakadaling bumigay ng puso niya? Grabe talaga.

At least natuto na siya. Pag-ibig? Boyfriend? Hindi na, uy.

Binuksan na niya ang payong na hawak at sumugod sa ulan. Naalala niya, kailangan na nga pala niyang magmadali.

Halos isang oras din ang binyahe niya sa bus bago nakarating sa tinutuluyang apartment nina Yumi at Joe. Mula nang malaman ng nga ito na nagdadalang-tao na si Yumi, agad nagpakasal sa huwes ang dalawa at pinili nang bumukod mula sa sari-sariling pamilya.

“Shine!” Si Melanie ang sumalubong sa kanya sa labas ng gate. Mukhang hinihintay talaga siya nito roon kasama si Jay, ang kakambal na kapatid ni Joe, na nakangiti naman sa kanya.

“Dali, bago pa mai-reveal nina Yumi ang gender ng baby nila!” hinatak siya ni Melanie sa braso.

“Makahatak naman ‘to,” pabirong sita ni Jay.

Sa Ilalim ng Ulan (ULAN Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now