IKAAPAT

442 15 17
                                    

IKAAPAT


GUMISING si Sunshine nang masakit ang kanyang ulo. Hindi niya magawang bumangon sa higaan. Pagkadilat na pagkadilat niya ay tinakpan niya rin agad ang kanyang mga mata gamit ang parehong braso.

Ang bigat ng pakiramdam niya. Pero hindi iyon dahil sa may sakit siya. Kulang na kulang lang siya sa tulog. Paano, hindi niya magawang makatulog nang maayos matapos ng nangyari kahapon.

Kahapon...

Ang plano lang ni Sunshine ay ibigay kay Hershey ang Graham balls na pinabibigay ng kanyang ina. Ang inasahan niya, si Hershey mismo ang makikita niya. Pero hindi e. Isang lalaki na naka-jeans at walang suot na pang-itaas ang nagbukas ng pinto sa kanya—at si Khaizer iyon.

Nagkatitigan sila nito. Ang mga mata nito, ang ilong, ang mga labi—nakakasigurado siyang si Khaizer ng iyon. Lumaki lang nang bahagya ang built ng katawan nito. At ang hitsura nito, nag-mature sa nagdaang ilang taon.

"Anong kailangan mo?"

At sa ilang taon na iyon na nagdaan na hindi sila nagkita—ilang taon mula nang iwan siya nito—ayun pa ang unang mga salita na binitiwan nito sa kanya. Malalim pa rin ang boses nito, kagaya pa rin ng pagkakatanda niya sa dami ng naging pag-uusap nila noon. Pero may inis at lamig sa tono nito sa mga oras na iyon na hindi niya inasahan.

K-Khaizer? Nais niya sana itong kausapin kaso walang boses na makawala sa kanya. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya. Ni hindi siya makahinga nang maayos. Para siyang naparalisa.

"Drew! Sabi nang ako magbubukas e. Hayst!" Boses iyon ni Hershey na biglang hinatak si Khaizer papasok ng unit para kaharapin siya. Naka-oversized long-sleeved shirt ito. Alam ni Sunshine na panglalaki ang damit na iyon hindi lang dahil sa kulay at disenyo, kundi lalo na dahil masyado itong maiksi para maging dress. "Shine! Sorry, nabigla ka niya."

Mukhang nahihiya si Hershey na harapin siya sa pagkakataon na iyon. Mukha ring bara-bara rin nitong inayos ang buhok na nakalugay hanggang balikat. Pero mali yata na pinansin niya ang bagsak ng buhok nito dahil napansin niya pati ang leeg nito na may kiss marks.

Bigla-bigla, kung ano-ano ang pumasok sa utak ni Sunshine at hindi na niya alam kung ano ba muna dapat ang kanyang isipin.

Drew? Bakit Drew ang tawag niya kay Khaizer? Bakit magkasama sila? Bakit may kiss marks siya? Bakit ganon ang suot niya? May nangyari ba sa kanila? Ano bang relasyon nila?

Nanlambot ang mga tuhod ni Sunshine. Muntik na siyang mapaluhod kung hindi lang siya agad nakahawak sa doorknob ng nakabukas na pinto.

"Shine! Uy, ayos ka lang?" Nag-alala si Hershey na lumapit sa kanya para alalayan. Pero mabilis siyang umiwas at tumayo nang maayos.

"O-okay lang ako. Ito, pinabibigay ng mama ko." Inabot niya rito 'yong tupperware ng Graham balls. Kinuha naman iyon ni Hershey. "S-sorry sa abala."

Pilit nginitian ni Sunshine ang dalaga at tinalikuran na niya ito. Narinig niya pa itong nagpasalamat pero hindi na niya ito nilingunan.

"Khaizer... Sigurado akong si Khaizer iyon..." bulong ni Sunshine habang takip-takip pa rin ng mga braso ang mukha matapos alalahanin ang mga nangyari. "Pero bakit ganon? Bakit parang balewala lang ako sa kanya? Bakit parang balewala lang sa kanya ang nakaraan namin?"

At kagaya kahapon nang makapasok na siya sa unit niya, naluha na naman siya. Naiinis siya kay Khaizer, at higit lalo sa sarili niya.

Ilang taon na nga ang nagdaan 'di ba?! Ano pa bang inaasahan mo, Sunshine? Ano pa bang inaasahan mo sa lalaking madali ka lang iniwan noon?

Sa Ilalim ng Ulan (ULAN Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now