IKALAWA

412 11 14
                                    

IKALAWA

ME: Melanie, ano ba?

Kunot-noong nag-type ng chat message si Sunshine para sa kaibigan.

ME: Kausapin mo ako.

ME: Mag-usap tayo.

ME: PLEASE.

Humugot siya nang malalim na hininga sa pag-send ng huling message niya kay Melanie. Paano, mula nung magtapat sa kanya si Jay, hindi na ito sumagot pa sa mga chat, text, o tawag niya. Kahit seen online, wala. Hindi na ito nagparamdam pa at hindi na iyon nagugustuhan ni Sunshine.

Tatlong araw na... Ano na ba ang dapat niyang maramdaman? Si Melanie ang nagtulak kay Jay para umamin ng nararamdaman sa kanya. Ito ang pilit na naging tulay para sa kanilang dalawa sa kabila ng nararamdaman nito sa binata. Tapos ngayon, ganito?

"Shine? May problema ba?"

Natauhan siya nang marinig ang boses ni Jay. Nakabalik na pala ito sa table nila at nakahain na ang order nilang almusal-pancakes at pineapple juice sa kanya, chicken rice meal naman sa binata na may kasamang Pokemón toy na freebie ng fast food chain kung saan sila naroon.

Pinatong ni Jay 'yong tray sa katabi nilang bakanteng table bago umupo sa kanyang tapat.

May problema nga ba siya? Problema na bang maituturing 'yong issue niya ngayon kay Melanie? Paano ba niya sasagutin ang tanong ni Jay?

"Gusto mo ba i-take out na lang natin 'to para makauwi ka na?"

"Hindi!" mabilis niyang sagot. Awtomatiko pang gumalaw ang isa niyang braso para abutin si Jay sa kanyang harapan tila ba para pigilan itong umalis kahit ba hindi naman ito kumilos para tumayo o ano.

Natulala saglit sa kanya si Jay bago pigil na natawa.

Napasimangot naman si Sunshine sabay ayos ng upo.

"Sorry," natatawa pa ring sabi ni Jay. "Cute lang kasi ng reaksyon mo."

Cute? Nagpaulit-ulit ang salitang iyon sa utak niya at nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa kanya.

"Pero 'di nga, okay lang naman sa akin kung i-take out natin 'tong pagkain natin para makatulog ka na agad pagkakain."

May sinseridad sa tingin at boses ni Jay, naramdaman iyon ni Sunshine. Hindi ito mukhang napipilitan. Mukha itong... nag-aalala, bagay na na-appreciate niya. Halata na rin kasi malamang ang pagod sa hitsura niya dahil sa pinagdaanan niyang 12-hour duty sa ospital.

Umiling siya. "Hindi na... Dito na tayo kumain. Okay lang ako, at hindi pa naman ako inaantok."

Tipid itong ngumiti bago nagpangalong-baba.

"Tara, kain na tayo." Binitawan na ni Sunshine ang phone niya sa mesa at sinimulan nang hiwain ang pancake niya.

"Kaya ka ba mukhang badtrip ngayon dahil kay Melanie?"

Naestatwa siya sa biglang tinanong ni Jay.

"Paano mo nalaman?" Binigyan niya ito ng nalilitong tingin.

Naisapo ni Jay ang isang kamay sa mukha. "Tsk, tigas din talaga ng ulo no'n ni Melanie."

Lalong naguluhan si Sunshine. Ano na bang dapat niyang isipin at gawin? Alam na ba ni Jay ang nararamdaman ni Melanie?

"Sorry-ako na ang magso-sorry sa ginagawa ni Melanie." ibinaba na ni Jay ang isang kamay at tiningnan siya nang diretso sa mga mata. Mukha itong nahihiya at nai-stress. "Sabi niya kasi... argh." At muli nitong sinapo ang isang kamay sa mukha. "Parang ang salbahe ko kung aamin ako... Pero kaysa naman mainis ka sa ginagawa ni Melanie..."

Sa Ilalim ng Ulan (ULAN Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now