SANA nga prank na lang ang lahat. As in lahat. Prank lang 'yong nangyari ng buong summer-no'ng piyesta, no'ng meetings, sa Batangas, sa bus, sa Facebook-as in lahat. Sana prank na lang si Ron. Sana hindi na siya nag-e-exist talaga sa mundo. Ang dami na ngang manloloko ngayon, dumagdag pa siya. Akala ko pa naman iba siya.
Hindi ko alam kung ano'ng una kong gagalawin sa katawan ko. Mga trenta minutos na yata akong nakahiga sa kama ko pero parang walang silbi, ngalay pa rin ang mga kamay at paa ko. Basang-basa na rin ang pisngi.
Hindi rin yata magawang magreklamo ng sikmura ko dahil mas masakit ang dibdib ko. Parang may tumutusok. Parang constipated dahil pakiramdam ko, hindi makadaloy nang maiigi ang dugo sa puso ko. Parang paralisado ang mga ugat. Ang hirap ding huminga kung parang feeling mo, para kang nakakulob nang matagal sa kuwarto. Ang sarap sumigaw pero hindi naman puwede. Ang sarap ngumalngal pero parang hindi naman naaayon. Ang sarap umiyak pero naisip ko, parang hindi naman dapat. Hindi naman karapat-dapat.
Hanggang sa nagkusa ang mga mata kong magmulat. Napagod yata dahil kanina pa babad sa luha. Madilim pa rin ang buong kuwarto at wala pa ring nagtatawag sa akin mula sa ibaba para kumain. Nasa'n na ba si Mommy?
Nawalan ako bigla ng gana sa lahat ng bagay ngayon. 'Yong gutom ko, kaya ko pang tiisin hanggang bukas. 'Yong pagod ko, kaya ko pang kimkimin hanggang bukas din. 'Yong antok ko, kaya ko pang pigilan kahit hanggang isang linggo yata. At 'yong dapat na kuwento ko kay Mommy mamaya, kaya kong ireserba bukas kung may lakas na ulit ako.
Sa ngayon, may isang bagay lang akong naiisip para kahit papaano'y maibsan 'yong sakit na nararamdaman ko.
Agad kong muling binuhay ang cell phone ko at binuksan ang chat messages. Hinanap ko agad ang pangalan ni Lyka, at mabuti ay online siya.
Sandra Alysa: Busy ka?
Agad niyang na-seen ang message ko at nag-type ng reply.
Lyka: Problemado?
Kung hindi lang talaga namin kilala ang mga magulang ng isa't isa, iisipin kong kakambal ko talaga siya.
Sandra Alysa: OO ***insert crying emojis***
At wala pa ngang sampung segundo nang tumawag si Lyka sa numero ko, dahilan para mapaupo ako sa kama at pagkatapos ay sagutin ang tawag niya.
"Girl, ano'ng ganap?" Halata kaagad ang pag-aalala sa boses niya.
"Bakit ang daming manloloko?" Iyon agad ang bungad ko sa kanya. Pero napaisip agad ako. "Bakit ang daming paasa?"
"Mmmhhh... Mukhang malala ang pinagdadaanan ng best friend ko ha?" She was trying to lighten up the mood.
"Girl, minsan lang ako magka-crush p-pero..." Hikbi ko na ang naging kasunod.
Totoo naman kasi. Eighteen years old na ako pero dalawa pa lang ang nagiging crush ko sa buong buhay ko. Una, si Paulo na kaklase ko no'ng high school. Kung hindi lang kami nagkahiwalay ng university noon para sa college, hanggang ngayon siguro, gusto pa rin namin ang isa't isa, at hindi ako maghahanap ng pangalawang crush...na naramdaman ko kay Ron.
Buwisit na lalaking 'yon! Hindi ko naman kasi talaga siya kino-consider na crush no'ng seven years old pa lang ako at nakasayaw ko siya cotillon ko, kahit na nilalagyan ko ng malisya 'yong mga pinaggagagawa ko sa kanya simula no'n. Bata pa 'ko no'n. Wala pang alam tungkol sa love at heartache. Pero punyemas, bumalik ang walanghiya. Bumalik ang pakiramdam ko sa kanya sa sulok ng puso ko na teritoryo niya na noon.
ВЫ ЧИТАЕТЕ
Euphoria /you•for•eia/
Любовные романы/you•for•eia/ n. anything or anyone who makes you smile or happy or excited or confident or fall in love-deeply, slowly, and then all of a sudden. DISCLAIMER: This book is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incident...
