Chapter Ten

1.7K 49 16
                                    


GUSTUHIN man niyang bumalik na uli sa Quezon City ay pagod na siya. Pagdating sa bahay sa subdivision ay agad na pinatay ni Mackenzie ang buong ilaw at ikinandado ang buong bahay. At ni hindi pa man siya nakahahakbang patungo sa silid ay tumunog na ang telepono.

Tinitigan niya iyon. Natitiyak niyang si Perry.

Hinayaan niyang tumunog nang tumunog ang telepono at pumasok sa silid. Ang ilaw sa banyo ang binuksan niya. Hindi iyon makikita sa labas dahil nasa likod ang maliit na bintana ng banyo.

Naglinis ng katawan at pagkatapos ay nagbihis ng pantulog at pinatay na ang ilaw sa banyo at nahiga sa kama.

Sa dilim ay bukas ang mga mata ng dalaga. Hindi niya matiyak sa sarili kung aling damdamin ang gusto niyang unang i-entertain sa sarili. Ang relief dahil hindi na matutuloy ang kasal nila sa kadahilanang hindi nanggaling sa kanya, o ang manlumo sa natuklasan sa kasintahan.

Napakatanga niya upang hindi makita ang uri ng pagkatao ng nobyo niya. O nakita niya subalit hindi niya pinag-ukulan ng pansin dahil nakatuon ang isip niya sa pagpapakasal nila.

Na sa sandaling makasal sila'y hindi na siya mag-iisa.

Na may isang asawang magmamahal sa kanya.

Kung gaano siya katagal sa pag-iisip ay hindi niya alam. Hinahatak na siya ng antok nang marinig ang paghinto ng sasakyan sa tapat ng bahay. At pamilyar sa kanya ang tunog ng sasakyang iyon ni Perry.

Bumusina ito nang tatlong beses. Pagkatapos ay narinig niyang umingit ang gate na bakal. Narinig niyang kumatok at tinatawag nito ang pangalan niya.

"Mack, honey, are you there? Hon..."

Ipinikit ni Mackenzie ang mga mata. Magsasawa rin si Perry. Hindi nito iisiping may tao sa loob dahil patay lahat ang ilaw. Iisipin nitong lumuwas siya sa Maynila. At hindi nito magagawang pasukin siya.


NAGULAT pa ang dalaga nang magising na nasa katanghalian na ang araw. Lumipas ang magdamag na mahimbing ang tulog niya.

Pumasok siya sa banyo at naligo. Kay gaan ng kanyang pakiramdam.

Nagbihis ng jeans at T-shirt. Gusto niyang puntahan si James. Gusto niyang ito ang unang makaalam na hindi na matutuloy ang kasal nila ni Perry.

Mahal ninyo ang isa't isa...

She smiled. She was so happy that she couldn't doubt what Karen had said. Ang panakaw na tingin nila sa isa't isa... ang mga pag-aalala... at ang halik na iyon!

Lumabas siya ng bahay. Dalawang blocks lang mula sa bahay niya ang bahay nina James. Magaan ang katawang naglakad ang dalaga.

"Paanong ngayon ko lang naririnig ang awit ninyo?" tingala niya sa mga ibon sa puno.

Nginingitian niya ang mga bulaklak na nararaanan sa bakod ng mga kapitbahay. Bakit yata ngayon lang namumulaklak ang mga iyon? Ang santan ay iba't ibang kulay. Pink, puti, at salmon. Ganoon din ang carnations, ang cosmos, at ang mga rosas.

"Good morning," bati ng isang maybahay na nagdidilig dahil inakala nitong nginingitian niya.

"Good morning," bati niya at binilisan ang lakad.

Hanggang sa matanaw niya ang bahay ng mga Moraga. Walang bakod na konkreto at bakal. Ang pinakabakod ay ang pantay-taong tinabas na mga bougainvilla. Ang uring dalawang kulay ang bulaklak—puti at rosas. And right now, puno ng bulaklak na kulay rosas at puti ang halaman.

All-Time Favorite: Mackenzie & JamesWo Geschichten leben. Entdecke jetzt