27

4 0 0
                                    

"Sorry. Hindi ko alam . . ." umiiyak kong sabi sa lalaki. "Hindi ko alam." Umiling-iling ako.

"Wala kang kasalanan, Lala. Kasi hindi rin namin alam," tugon niya. "Kung sino man ang totoong may kasalanan nito ay . . . ako lang. Hindi ako naging maingat. Hindi ko naisip na mangyayari 'to. Patawad."

Dumating si Pierre, at kaagad na inalalayan ang lalaki sa mga upuan. Tumabi ako sa kaniya ngunit nag-iwan ako ng espasyo sa pagitan namin. Natatakot kasi ako. Sobrang tahimik niya. Hindi siya nagsasalita. Batid kong galit din siya ngayon. Marahil ay dismayado siya sa mga nagawa at nasabi ko.

Narinig ko siyang suminghap bago ako inilapit sa kaniya. Hinawakan niya rin ang ulo ko upang isandal sa balikat niya. "Hush . . . Magiging okay rin ang lahat," bulong niya.

Napangiti ako nang mapait habang nakatitig sa babaeng nakaupo sa sala at parang walang buhay. Ilang araw na ang nakalipas magmula nang gabing iyon. Nagkausap kami at napagpasyahang sa akin muna siya titira.

Napag-alaman kong naghiwalay ang mga magulang niya kaya kinuha ko muna siya. Ayaw ko siyang nakikitang nahihirapan. Kahit gaano pa ako kagalit ngayon, hindi ko siya kayang talikuran. Ako lang ang matatakbuhan at masasandalan niya. Anuman kasing mangyari, mahal ko talaga 'to, e. Napakahalaga niya sa akin.

Suminghap ako at naglakad patungo sa kaniya dala-dala ang stuff toy na binili ko para sa kaniya. Walang emosyon niya iyong tinanggap at yinakap bago sumandal sa akin. Tinaas ko ang kamay ko upang haplusin ang buhok niya.

Mabilis ang pagdaan ng mga araw. Naging abala ako sa mga gawaing pampaaralan habang inaalagaan din si Ashanti dahil kailangan niya ng gabay ngayon. Halos wala na rin akong oras kay Pierre. Tatawag man siya, kaagad ko ring ibinababa dahil sobrang na-s-stress na ako.

Hanggang sa magsimula na rin kaming mag-away dahil napagbubuntungan ko na siya ng galit at init ng ulo sa dami ng mga nangyayari.

"Punyeta! Gig na naman ang inaalala mo! Puro na lang 'yang banda na 'yan. Ang dami ko nang problema, dumagdag pa 'yan. Wala naman tayong mapapala riyan! Hindi naman tayo makakaahon sa hirap sa pa-gig-gig na 'yan!" nanggagalaiting sambit ko sabay baba ng tawag.

Sumigaw ako at muling pinunit ang pahina ng sketchpad ko. Malapit na ang deadline pero wala pa rin akong nagagawa! Nakailang ulit na ako pero wala talagang pumapasok sa isip ko na mga ideya.

"Lala," banggit ng isang babaeng. Lumingon ako sa kaniya at hindi na naiwasang maiyak nang yakapin ako nito. "Sorry kung wala akong maitulong sa 'yo."

"Hindi. Ayos lang. Kaya ko pa naman," wika ko kahit hindi na talaga. Hindi ko na kaya ang bigat nitong nararamdaman ko.

"Baby . . ."

Napalingon ako sa may pintuan nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Lumayo na rin si Ash at tumingin sa tinitingnan ko.

"Pasensiya na. Hindi ko kasi alam ang gagawin ko," pahayag ni Che Che bago umalis. Kasunod niyon ay ang pagpasok nina Mommy at Daddy, at ang paglabas ni Ashanti.

Sa pagkakataong maramdaman ko ang kanilang mga yakap ay kusa na akong napahagulgol. Puro iyak lang ako, at hindi makasalita. Tahimik lang din sila habang hinahagod ang likod ko.

"Mommy, Daddy . . . hindi ko na po kaya. Sobrang bigat na. Ang h-hirap, hirap na. Pagod na po ako. A-ang dami na pong nasasaktan d-dahil sa akin. G-gusto ko na pong bumalik sa atin," pahayag ko habang humihikbi. "Pero hindi ko po sila kayang iwan," dagdag ko pa.

"Hindi masamang magpahinga, anak," mahinang sabi ni Daddy. "At hindi rin naman masamang piliin muna ang sarili. Hindi mo sila obligasyon o responsibilidad," paalala pa niya. Palagi niya iyong sinasabi sa akin noon, e. "Alam kong sasabihin mong hindi mo naman mapipigilan dahil batid naming mahalaga sila sa iyo at napakabuti mong tao. Pero, mahal ko, ang pagpapahinga ay hindi nangangahulugang hindi mo na magagawa ang mga bagay na ginagawa mo. Panandaliang pagpapahinga lamang. Pagkatapos niyon ay puwede ka nang magpatuloy. Isipin mo ang sarili mo dahil hindi mo maaalagaan ang ibang tao kung hindi mo inaalagaan ang sarili mo," banayad at mahinahon niyang pahayag habang pinapalis ang luha kong walang tigil sa pagpatak.

SB19 Series 2: Chasing Rainbows In The SkyWhere stories live. Discover now