06

174 10 2
                                    


Hindi na namalayan ng dalawa na isang oras na pala ang nakalilipas, marami ang nabanggit ni Tala at lahat ng iyon ay hindi alam ni Padre Burgos kung ano ang kaniyang dapat maramdaman.

Ngunit hindi niya maitatanggi na nakaramdam siya ng pagkamangha sa kaalaman na malaya ang bayang inaapakan nila sa kasalukuyan. Na kahit umabot man ng tatlong daan at higit pa bago tuluyang nakalaya ay masaya ang puso niya na nakamtan ng mga Pilipino ang pagiging malaya.

Kaya lang ay kaakibat naman nito ang maraming sakripisyo.

Nalaman niyang kasama silang tatlo nina Padre Gomez at Zamora ang magsasakripisyo. Hindi nga lang niya alam kung sa papaano sila nagsakripisyo.

Ang tanging nalalaman lang niya ay matapos nilang pumanaw ay nabuo at tinawag silang GomBurZa, ang tatlong pari.

Sa tuwing paulit-ulit na binibigkas ni iyon Padre Burgos sa kaniyang isipan ay napapakunot ang kaniyang noo dahil tila may kulang o sadyang hindi ipinaalam ni Tala sa kaniya ang tungkol sa GomBurza.

Nais pa niyang magtanong ngunit napansin niya ang namumungay na mga mata ng binibini na kanina pa natuyo ang mga luha. Kitang-kita niya ang pagod dito kaya napagpasyahan na niyang ipagpa-liban na muna ang kaniyang mga katanungan. 

“Masyadong malalim na ang gabi, maaari natin ipagpatuloy ito sa pag-kagat ng araw binibini.” marahang saad ni Padre Burgos. “Hinahanap na ng iyong katawan ang pahinga.”

Mabagal na tumango si Tala at tumayo.

“Paumanhin sa biglaan kong pagpunta Padre, hindi ko lang alam ang gagawin ko sa mga nalaman ko.” aniya. “At maraming salamat,”

Ipinatong ni Padre Burgos ang kaniyang kanang palad sa ulo ni Tala bago ngumiti.

“Ikinagagalak kong makilala ang isang tulad mo. Tunay ngang kakaiba ka, at sa paraan iyon na napaka ganda, dapat kang ingatan...”

Nag-angat ng tingin si Tala at sinalubong ang mga mata ni Padre Burgos na tanging sa kanya lamang nakatutok. Nakaramdam siya ng saya sa kaniyang puso nang marinig iyon mula sa isang kilala sa kasaysayan ng Pilipinas.

At bilang isang guro ng kasaysayan ay mas nakadagdag sa kaniya iyon ng saya. Marahil ay nahihiya siya dahil tila nawala siya sa kaniyang kumpostura dahil sa mga alaalang kababalik sa kaniya.

Marami siyang gustong ipabatid sa paring kaharap ngunit nangangamba siya na mabago niya ang magiging hinaharap ng Pilipinas.

Nang maibaba na ni Padre Burgos ang kaniyang kamay ay itinuro nito ang kaliwang pasilyo.

“Dito ka magpalipas ng gabi hindi ako panatag na uuwi ka sa ganitong oras. Maraming kalaban sa kapaligiran.”

Tumango si Tala at naglakad na patung sa itinuro nito.

Samantalang nanatiling nakatayo si Padre Burgos at pinagmamasdan ang pigura ng binibini.

Lumunok siya at hindi na napigilan ang sarili na magtanong ng isang katanungan na sigurado siyang hindi niya makatutulugan.

“Paumahin ngunit may isa lamang akong katanungan... tila mawawala ako sa aking sarili hangga’t hindi ko nalalaman ang sagot...”

Sa banda naman ni Tala ay napatigil siya sa paglalakad, hindi siya humarap at nanatiling nakatalikod sa direksyon ni Padre Burgos.

“Kilala kami bilang GomBurZa, namatay kami at kinilala. Ano’t bakit hindi kasama doon ang aking mentor? Kung tutuosin ay higit na mas karapat-dapat si Padre Pelaez kaysa sa akin.”

Nangibabaw ang katahimikan ng ilang segundo at sa ganoon ka-saglit na lumipas ay tila hindi na kaya pa ni Padre Burgos ang magsalita nang marinig ang sagot mula sa binibini.

“Dahil malaki pagkakaiba ang kamatayan niyong dalawa Padre Burgos. Namatay sa isang trahedya si Padre Pedro habang ikaw nama’y namatay sa isang hindi patas na paraan. Wala kang kasalanan, ipinaglalaban niyo lamang ang nararapat ngunit ipinagkait iyon sainyo at piniling patahimikin ang nag-aalab niyong pagnanais na makamit ang pagkakapantay-pantay...”

At sa mga sumunod na ibinigkas ni Tala ay tila nawalan siya ng kakayahang makarinig.

“Sa garrote nagtapos ang buhay ng GomBurZa.”

Matapos iyon sabihin ni Tala ay nagmamadali na nitong tinungo ang silid.

Habang ang paring si Padre Burgos ay tila naestatwa sa kaniyang kinatatayuan. Paulit-ulit niyang naririnig sa kaniyang utak ang mga salitang narinig niya.

Nabitiwan niya ang hawak na tela at napahawak sa sariling leeg. Ramdam niya ang panginginig ng kaniyang mga kamay habang dinadama ang kaniyang paghinga.

“Bakit?” namamaos niyang tanong sa sarili.

Ngayon ay alam na niya kung bakit ganoon na lang ang kaniyang naramdaman nung unang magtama ang mga mata nila ni Tala, ang pagsikip ng kaniyang kasuotan sa parte ng kaniyang leeg, may iba pala itong ipinapahiwatig.

Napahawak siya sa kaniyang buhok at hinabol ang kaniyang paghinga, bigla niyang naalala ang kaniyang mentor.

Napayuko siya kasabay ng kalmadong pag-agos ng kaniyang luha. Hindi siya dumaing o naglabas man lang ng kahit kaonting ingay. Hinayaan niya lamang ang kaniyang sarili na tahimik na inilabas ang nararamdaman.

Ano nga ba ang dapat niyang maramdaman? Sa kaalaman na hindi lang siya basta mamamatay?

“Diyos ko... Kung wala kaming kasalanan bakit humantong kami sa ganoong kalupit na hinaharap? Plano mo nga ba ito panginoon? Pagsubok?” pumikit siya. “No es justo.”
____

"Si Padre Zamora ay nasa lugar na naman ng sugalan, kaya ikaw lamang ang tanging agad kong makakausap ngayon Pepe," panimula ni Padre Gomez at nilingon si Padre Burgos na mula kanina ay hindi pa umiimik.

Kasalukuyan silang nakaupo sa bilog na mesa, at hindi mawawala sa ibabaw ang nakahain na suman.

Napansin ni Padre Gomez ang kakaibang kinikilos ni Padre Burgos, tahimik itong nakaupo at kataka-takang hindi pa nito nilalantakan ang suman na paborito nitong kainin.

"Ano't tila yata malalim ang iyong iniisip Padre Burgos?" tanong niya bago humigop sa kaniyang kape.

Tila natauhan naman ang Padre at agad na nag-angat ng tingin.

"Padre Gomez salamat sa suman," saad nito at agad na hinawakan ang kubyertos at sumundot ng suman.

Matiim na pinagmasdan ni Padre Gomez ang Padre at tila pinag-aaralan ang kakaibang kinikilos nito magmula nang dumating ito sa kaniyang tinitirahan bilang isang pari. Bagamat ay gusto niyang usisain pa ito ay may kailangan pa silang dapat pag-usapan.

"Narinig mo na ba ang usap-usapan?" muli niyang tanong.

Natigil sa pagkain si Padre Burgos at nagtatanong na tiningnan siya.

Bumuntong hininga naman si Padre Gomez.

"Hindi ko mawari kung bakit kailangan tayong imbitahan sa isang selebrasyon kung hindi naman tayo kinikilalang espanyol nang dahil lamang sa dito tayo ipinanganak sa bayang ito."

Ibinaba ni Padre Burgos ang kubyertos at pinagdikit ang palad.

"Hindi ko maunawaan Padre,"

"Inimbitahan tayo ng mga prayle sa isang selebrasyon, at gaganapin iyon sa tirahan ng mag-asawang negosyante na nagmula pa sa espanya.” sagot nito.

Kumunot ang noo ni Padre Burgos. “Para saan? Para alipustahin at ipa-mukha sa atin na kahit isa na tayong mga pari ay mababa pa rin ang ating uri? Mabuti pa’y huwag na tayong dumalo Padre,”

Napailing na lamang si Padre Gomez sa narinig, kahit pa’y inaasahan na niya ang maririnig na sagot mula sa kapwa niya seglar ay hindi pa rin niya maiwasang mapangiti.

Bumalik sa pagkain ng suman si Padre Burgos na tila iyon na ang huli niyang pasya.

“Hindi ako roon nagaalala Pepe, ang inaalala ko ang mga usap-usapan ng mga taga-paglingkod ng espanya. Narinig ko na ang may-ari ng pagdadausan ng selebrasyon ay hinahanap dito ang kanilang babaeng anak na tumakas mula sa kanilang bayan.”

____

tala :: jose burgos forgotten storyWhere stories live. Discover now