07

221 10 1
                                    


Pinagmamasdan ni Tala ang reaksiyon sa mukha ni Padre Burgos na mula kanina pa binabasa ang kaniyang isinulat. Salubong ang kilay nito at kitang-kita na paulit-ulit lamang nitong binabasa ang nakasulat.

Humingi kasi ito ng pabor mula sa kaniya na kung maaari ay isulat niya ang tangi niyang naalala na kwento nito hanggang sa kamatayan.

Kahit nag-aalangan ay pumayag si Tala nang pakatitigan niya ang mukha ng Padre na tila desperado at may hinahanap na kasagutan.

Kalaunan ay ibinaba din nito ang hawak at sumalampak sa kinauupuan.

Ayon sa nakikita niyang emosyon sa mukha ni Padre Burgos ay tila nahanap na nito ang kasagutan.

"Kasalanan ko rin pala ang lahat..." panimula nito.

Hindi sumagot si Tala.

"Sa akin mainit ang mata ng mga prayle, hinihintay lamang pala nila na magkaroon ng kaguluhan upang maibintang sa akin, at madawit ang malalapit kong kakilala." bumuntong hininga siya. "Pero sa kabilang dako, takot ang mga prayle. Dahil karapatan naman namin ang pinaglalaban, kapatasan. Kinailangan pa nilang humanap ng ibang dahilan para patahimikin kami."

Mahinang natawa si Padre Burgos at umiling-iling.

"Isa ako sa mga hindi sang-ayon sa paraang dahas at pagdanak ng dugo ngunit sa mga nalaman at nabasa ko rito ay tila gusto kong pumunta sa Cavite at tulungan silang magtagumpay sa binabalak nilang pag-aalsa." muli siyang tumawa at nilingon ang binibining kanina pa tahimik.

Nawala ang ngiti sa labi ni Padre Burgos nang makita ang seryosong tingin sa kaniya. Napaayos siya ng upo at tumikhim.

"Ako'y nagbibiro lamang binibini,"

Bumuka ang labi nito at inaasahan na ni Padre Burgos ang maririnig na katanungan dito.

"Padre, may balak ka bang baguhin ang hinaharap mo?"

Ilang segundong namayani ang katahimikan bago sumagot ang Padre.

Itinaas nito ang hawak na papel kung saan nakatala ang pinaikling kwento ng buhay niya.

"Sa abot ng aking makakaya, handa kong gawin."

Tila hindi naman makapaniwala sa narinig si Tala.

"Ngunit-"

"Ngunit hindi nararapat na madawit sina Padre Gomez at Zamora. Kahit na kasama ko sila sa aming kilusang para sa sekulárisasyón ay ako ang dahilan para mas lalong pagtuonan kami ng pansin at uminit ang mata ng mga prayleng iyon," dahilan nito.

Umawang ang bibig ni Tala sa narinig, hindi niya maitatangging totoo ang sinabi ni Padre Burgos ngunit sa kabilang pananaw naman ay malaki ang mababago sa kasaysayan sa gagawin nitong hakbang.

Ngumiti ito sa kaniya kasabay ng paglambot ng ekspresyon nito, mas lalong humulma ang perpektong hugis ng mukha nito ay hindi maitatanggi ni Tala ang angking kagwapuhan ng paring kaharap.

"Hindi ba pumasok sa iyong isipan na may dahilan kung bakit ka narito. Para iyon dito, ang hinaharap na pinanggalingan mo ay sa kaguluhan at digmaan pa rin nauwi, sana maunawaan mo na kung babaguhin natin ang mangyayari ngayon ay magbabago rin ang nasa kasalukuyan. May posibilidad na ito na ang kasagutan Tala."

Tala...

Hindi na muling sumagot si Tala at napaisip. Paano kung iyon nga ang dahilan?

Kung bakit siya nandirito sa panahong ito, kasi kung titingnan ay walang mas malalapit pa sa ganoong teorya.

Sa ganoong sitwasyon ay naagaw ang kanilang atensyon sa isang katok. Agad na tumayo si Padre Burgos sa kaniyang kinauupuan at tinungo ang pintuan.

Hindi rin nagtagal ay bumalik ito, at nasa likuran nito ang isang lalaki na katulad ng kasuotan ni Padre Burgos ang kasuotan.

tala :: jose burgos forgotten storyWhere stories live. Discover now