Chapter Two

14.7K 374 133
                                    

"PARE, bakit?" tanong ni Brennen kay Rico.

Tiningnan sila ni Rico, bumuka ang bibig nito ngunit walang salitang lumabas. Ang mga mata nito'y naglilikot at hindi mabasa kung ano ang nangyari dito.

Si Gilbert ay mabilis na pinulot at inayos sa dati ang cellphone nito.

"Rico? Bakit?" tanong ni Kayla na inaalog ito sa balikat. Naramdaman niya ang panginginig nito nang hawakan niya ito.

"S-si... Melissa," sa wakas ay nagsalita ito. "P-patay na si Melissa. Patay na siya."

Mabilis na binawi ni Kayla ang kamay niya rito. Naramdaman niyang biglang nanlambot ang mga tuhod niya. Sana ay hindi totoo ang narinig niya.

"A-ano?" pagak na tanong ni Kate. "Paanong... sino ang nagsabi..." Hindi na nito natapos ang sinasabi nang bigla na lamang itong umiyak. Niyakap ito ni Irene at hinayaang umiyak sa balikat nito.

Sa loob ng ilang segundo ay walang nakapagsalita. Nagpapalitan lamang ng tingin ang lahat.

"Ano raw ang nangyari?" pagkuwan ay tanong ni Gilbert.

Ang lahat ng atensyon ay nakatuon kay Rico. Naghihintay ng sagot sa mga katanungan. "Si Angelo ang nakausap ko... tumawag siya sa akin. Ibinalita niyang patay na si Melissa. Nag... nagpakamatay si Melissa kahapon." Ang tinutukoy nitong Angelo ay ang malayong kamag-anak ni Melissa sa ama kung saan tumutuloy ang kaibigan sa Maynila.

Napatakip ng bibig si Kayla kasabay nang pagsinghap. "Pero bakit daw? Bakit gagawin ni Melissa 'yon?" Masaya pa silang magkakasama at nagpalaam sa isa't isa bago sumapit ang semestral break. Wala siyang napansin dito na kakaiba.

Sunud-sunod ang naging pag-iling ni Rico. Tuluyan nang naglandas sa mga mata nito ang luha. Napakuyom ang mga kamay nito at humarap sa pader at sinapak iyon. Ngunit nasaktan din ito sa ginawa nito.

Inabot ni Brennen ang braso nito upang awatin ito.

"Mayroong mamamatay..."

Napahawak si Kayla sa sikmura niya nang tila muling bumulong sa isip niya sinabi kanina ni Mark sa klase. Napalingon siya sa pintuan ng classroom nila na saktong paglabas ni Mark doon. Nagtama ang tingin nila. Ngunit mabilis din niyang binawi ang tingin niya rito nang maramdaman niya ang biglang pagtatayuan ng mga balahibo niya sa mga braso.


MAINIT at maalinsangan ang paligid nang makababa silang bagbabarkada sa provincial bus na nagdala sa kanila sa probinsya ni Melissa sa Nueva Ecija. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakapunta sila sa bayang iyon. Sa tagal na nilang magbabarkada ni minsan ay hindi pa sila naimbitahan ni Melissa sa bahay nito. Alam niyang nahihiya ito dahil mahirap lamang ang pamilya nito. Maagang namatay ang ama ni Melissa at tanging ang biyudang ina nito ang nagsusumikap para makapag-aral ito. Alam din niyang nakatira lamang ang mga ito sa isang maliit na bahay sa isang baryo.

Hinawi ni Kayla ang bangs niya na dumikit na sa mukha niyang basa ng pawis. Kasunod niyang bumaba si Kate at si Rico na nakasuot ng shades. Hindi niya alam kung napapansin din ng iba, ngunit simula nang magbalik sila sa eskuwela ay madalas nang magkasama ang dalawa. Maging sa bus ang dalawa ang magkatabi. Naisip niya na marahil ay inaalo lang ni Kate si Rico dahit bestfriend ito ni Melissa.

Sa haba ng biyahe nila'y ang masasayang alaala nilang magbabarkada ang usapan. Minsan ay natatahimik sila kapag bumabalik na muli sila sa realidad at sa kung ano ang dahilan ng kanilang pagdalaw sa Nueva Ecija. Isang malaking katanungan pa rin sa kanila kung bakit nagpakamatay ang kaibigan nila. Walang maisip na anumang dahilan si Kayla. Ang alam niya'y mag-iisang taon nang mag-nobyo ito at si Rico at masaya naman ang dalawa. Mahusay din si Melissa sa klase at ito ang may pinakamataas na grades na nakuha sa huling exams nila bago mag-sembreak.

Forget Me NotWhere stories live. Discover now