Chapter Fifteen

7.4K 279 18
                                    


KAAGAD na nakilala ni Kayla ang motorsiklo ni Rico na nakaparada sa gilid ng pader sa likurang gate ng St. Michael's Academy nang bumaba siya nang taxi. Tumakas lamang siya sa bahay dahil tiyak na hindi siya papayagan ng kanyang mga magulang na umalis nang ganoong oras.

Hinanap niya sa paligid si Kate ngunit wala ito roon. Ang sabi nito'y sa gate sila magkikita. Kaagad niyang nasapo ang dibdib niya nang at lumakas lalo ang kaba niya nang makita niya mula sa kinatatayuan niya na buhay ang ilaw sa faculty room sa third floor.

Maingat na tinunton niya paakyat ang may mahigit na pitong talampakan sa taas na pader. Hindi lang niya minsan ginawa iyon at naging madali sa kanya ang pag-akyat dahil sa naka-jeans lamang siya.

Nangapa siya sa dilim hanggang sa third floor. Ang buhay na ilaw sa faculty room ang nagbigay ng bahagyang liwanag sa corridor. Ang buong akala niya'y naihanda na niya ang sarili sa kung anoman ang mabubungaran niya roon.

Labis na nilukob siya ng sindak at takot sa bumungad sa kanya ang nagaganap sa loob ng faculty room.

Napatda siya sa mismong pintuan habang nasasaksihan niyang palapit si Kate kay Rico. May hawak itong gunting sa isang kamay at sa isa'y karayom na may sinulid. Hindi niya maunawaan ang nangyayari. Sabug-sabog ang buhok ni Kate at suot nito ang natatandaang niyang bestida ni Melissa na tinatahi noon ni Aling Telma.

"Parang awa mo na. Hindi ko sinasadya, Melissa... hindi ko gustong mangyari iyon... Patawarin mo na ako..."

Dalawang kamay na napatakip ng bibig si Kayla upang pigilan ang mapasigaw. Sa isang iglap ay biglang pumaibabaw si Kate kay Rico na nakasdlak sa sahig.

Bakit niya tinawag na Melissa si Kate?

"Nandito siya... Sinundan niya kayo."

Bigla niyang naalala ang pangyayari noong mismong araw na magpakamatay sa campus si Mr. Barde. Nakaturo ang estudyanteng babae noon kay Kate.

Doon din ay naunawaan na ni Kayla ang nangyayari. Ginagamit ni Melissa si Kate.

Doon din ay naunawaan niya kung bakit gayon na lamang ang tinging ipinukol ni Brennen nang lingunin nito si Kate bago ito mahagip ng bus. Takot at pagkasindak ang nakabalatay noon sa mga mata ni Brennen dahil hindi si Kate ang nakita ni Brennen noon... kundi si Melissa!

Mariing napapikit siya nang makita niyang inabot ni Kate ang mukha ni Rico at ibinaon sa magkalapat nitong mga labi ang karayom na may sinulid at sinimulang tahiin iyon. Tila pinanawan ng lakas si Rico upang labanan ito.

Tinipon niya ang kanyang lakas. Sinikap niyang humakbang kay Kate bagaman nangingibabaw ang matinding takot sa kanya. Mahigpit na niyakap niya ito mula sa likuran at saka buong puso at sensiridad niyang ipinahayag, "I'm sorry."

Naramadaman niya sa buong katawan niya ang lamig na humalik sa kanyang pagkatao nang yakapin niya ito.

"I'm sorry. Hindi kita natulungan. I'm sorry dahil wala ako noong kailangan mo ng kaibigan," nakapikit at umiiyak na pagsamo niya sa kaibigan. "Hindi lang ikaw ang naging biktima, Melissa. Naging biktima sila ng pagkakataon at takot. Kaibigan kita, Melissa at mahal kita. Kung nilapitan mo ako noon at napag-alaman ko ang lahat ay natulungan sana kita. Pero kinalimutan mo na kaibigan mo ako na pwede mong takbuhan..."

Matagal na sandaling tila na-estatwa sila sa posisyon nila. Pumapaibabaw ang impit na sigaw ni Rico sa katahimikang sandaling namayani sa silid. Sumambulat sa mukha nito ang maraming dugo nang mapunit ang mga labi nito.

"Patahimikin mo na kami, Melissa. Nakikiusap ako. Sana'y matahimik ka na rin. Magagawa mo lang iyon kapag nagawa mo na silang patawarin. Palayain mo na sila sa galit mo... patawarin mo na sila... kami."

"Kayla..." tahimik at malumanay na bigkas ni Kate sa tinig ni Melissa. "Wala silang kapatawaran sa ginawa nila sa akin..." Napaatras siya palayo nang kumawala ito sa mahigpit na pagkakayakap niya.

Kitang-kita niya sa mukha ni Rico ang labis na paghihirap at matinding takot.

Pagkuwan ay nilingon siya ni Kate. Sa pagkakataong iyon ay ang malungkot na mukha ni Melissa ang humarap sa kanya. Matagal na sandaling nakatingin ito sa kanya. Napatakip ng bibig si Kayla nang mapahagulgol siya ng iyak. Dahil ang nasa harap niya nang sandaling iyon ay ang Melissa na natatandaan niya. Gusto niyang haplusin ang mukha nito. Miss na miss na niya ito.

"Kamatayan at pagdurusa lamang nila ang makapagpapatahimik sa akin, Kayla. Isinumpa ko iyon sa aking kamatayan na hindi ako mananahimik hangga't hindi ako nakapaghihiganti..." wika nito sa napakalungkot na tinig. Inangat nito sa ere ang kamay na may hawak ng gunting at muling binalingan si Rico.

"Itigil mo iyan!" sigaw ng tinig mula sa pintuan.

Iglap na napalingon doon si Kayla at bumungad sa paningin niya ang security guard ng paaralan habang hindi malaman kung paano itututok kay Kate ang baril.

Ngunit hindi natinag si Kate o nagbigay pansin man lang dito. Ibinuka nito ang gunting at mabilis na ibinaon ang mga talim niyon sa parehong mga mata ni Rico. Sumambulat ang maraming dugo sa mukha ni Kate. Nagsisisigaw si Kayla sa nasaksihan niya.

Maging ang security guard ay tila ipinako sa puwesto nito at nanlalaki ang mga matang nakamasid lamang sa nangyayari. Nanginginig ang mga kamay na nakahawak nang mariin sa baril na nakatutok lamang kay Kate.

Mayamaya'y pumalahaw ang isang sigaw kay Kate. Napatayo ito mula sa pagkakapatong sa bangkay ni Rico. Mabilis na napaatras ito sa dulo ng silid. Nanlilisik ang mga matang pinagsasalit-salit ang tingin sa dalawang kamay na balot ng dugo. Pagkatapos ay hysterical na nagsisisigaw ito at napaupo sa sahig.

Hindi na nagawang makagalaw pa ni Kayla habang nakatitig siya sa bangkay ni Rico na kumikisay pa sa sahig. Hindi na niya magawang daluhan si Kate. Ang gusto na lamang niya'y maglaho siya roon at magising na lamang sa kama niya. Gusto niyang isipin na isang napakasamang panaginip lamang ang lahat.

Doon lamang natinag ang security guard. Mabilis na dinukot nito sa holster ang radyo at nagtawag ng tulong.

Patuloy pa rin sa pagsigaw si Kate na tila hindi nito alam ang nagawa.




Forget Me NotWo Geschichten leben. Entdecke jetzt