Epilogue

11.5K 451 232
                                    



ISANG BUWAN na ang lumipas nang mailibing si Rico. Pero para kay Kayla ay parang kahapon lamang iyon. Limang burol ang naganap. Apat na libing ng mga kaibigan niya ang nagdaan.

Napakalinaw pa sa isip ni Kayla ang mga nangyari. Halos isang buwan na rin sa mental institution si Kate. Nabaliw ito. Ito ang tinukoy ng mga pulis na pumatay kina Gilbert, Irene at Rico.

Ngunit tanging si Kayla lamang ang nakaaalam ng lahat, ng tunay na pangyayari. Ngunit isang palaisipan pa rin sa kanya kung bakit naghihiganti si Melissa sa mga kaibigan. Ngunit gano'n pa man, sana'y nakamit na nito ang katahimikan.

Sandaling naputol ang iniisip niya nang may dumapong maya sa gilid ng bintana kung saan siya nakaupo. May kabang napatitig siya roon. Pagkuwan ay inabot niya ang spiral notes niya sa ibabaw ng armrest at itinaboy ito. Lumipad palayo ang maya.

Ibinalik niya ang spiral notes sa armrest at kaagad na dumako ang tingin niya sa isang picture na lumitaw mula pagkakaipit doon.

Wala si Melissa sa larawan dahil ito ang kumuha ng larawan na iyon. Bigla'y nakadama siya ng kalungkutan. Labis na nami-miss niya ang mga ito. Napakarami nilang plano noon at pangarap kapag nakapagtapos sila ng high school. Halos apat na taon na rin silang naging magkakaibigan at nagkasama. Ibinaliktad niya ang larawan na iyon nang maalala niya na may isinulat si Melissa roon bago sila mahiwa-hiwalay noong nakaraan sembreak.

Forget me not.

Ang kaninang kalungkutan niya'y bahagyang nahalinhan ng takot. Lahat sila'y binigyan ng tig-iisang kopya ng larawang iyon na may mensahe ni Melissa sa likuran. Natatandaan niya noon na naikuwento sa kanya ni Melissa ang laging pagkabahala nito na mawala rito ang scholarship nito. May pagkakataong inasahan na rin ni Melissa iyon. At na kapag nangyari iyon ay tiyak na mapapalayo ito sa kanilang magkaibigan. At hindi nito nais na makalimitan nila ito.

Napaigtad siya nang biglang umalingaw-ngaw sa buong building ang pag-ring ng bell bilang hudyat ng pagtatapos ng klase. Nagmamadali at nag-uunahan sa paglabas ang lahat. Ang iba'y may mga planong lakad kasama ang kani-kanilang mga barkada.

Inayos niya ang gamit niya at pagkuwa'y nagtuloy sa labas ng classroom. Ngunit kaagad siyang nagtaka nang mapansin niyang bakante ang buong corridor. Nang lingunin niya ang loob ng classroom ay bakante rin iyon. Tila ba ang lahat ng tao ay biglang naglaho.

Napalunok siya nang mariin habang unti-unting nanahaan ang pamilyar na takot at kaba sa dibdib niya.

Nagsimula na siyang umusal ng panalangin sa isip habang nagmamadaling tinawid ang corridor pababa ng building.

Ngunit ang mga pamilyar na tinig sa corridor ang kagyat na nagpahinto sa kanyang mga hakbang. Napansin niyang nakahinto siya sa tapat ng janitor's room.

"Hello? May tao ba diyan?" nanginginig sa takot na wika niya habang papalapit siya sa pintuan ng janitor's room. Marahang inikot niya ang doork knob.

Sinipat niya ang loob ng janitor's room.

Gayon na lamang ang gulat at takot niya sa kanyang nakita sa loob. Kung hindi niya napigilan ang kanyang sarili ay tiyak na napasigaw siya.

Sa loob ng janitor's room ay nagtitipon sina Rico, Gilbert, Brennen, Irene at Kate. Mga nakasuot pa ito ng high school uniform. Kaagad na isinigaw ng isip niya sa kanya na tumakbo palayo ngunit ang sumunod na narinig niya ang nagpangyaring manatili siya.

"Makinig kayo," mariing sabi ni Rico sa magbabarkada. Pakiramdam ni Kayla ay sinisilip niya sa maliit na awang na iyon ng pinto ang isang pag-uusap mula sa nakaraan. "Alam nating lahat na nanganganib ang grado natin kay Sir Barde."

"Tama ba iyang sinasabi mo, Rico?" tanong ni Gilbert. "Girlfriend mo si Melissa, hindi ba?"

"Walang girlfriend-girlfriend kapag nagigipit, pare," kaswal na tugon ni Rico. 

"So, ano ang plano? Dali na at nagugutom na ako," ani Brennen na tila naiinip na. "Amoy floorwax pa rito."

"Iyon na nga. Mamayang gabi... palalabasin nating iha-hack natin ang exams sa computer ni Sir Barde sa faculty. Mahuhuli tayo ni Sir Barde. At siya na ang bahala kay Melissa," paliwanag ni Rico. "Kursunada ni sir si Melissa. At iyon ang bargain na ibinigay niya sa akin. Kapalit ng grado nating lahat hanggang matapos ang buong school year."

"Game ako," mabilis na pahayag ni Kate, ang bestfriend ni Melissa. "At pagkatapos ng araw na ito... kalilimutan natin ang usapan na ito."

"At kalilimutan natin na nangyari ang araw na ito," dugtong ni Gilbert.

"Ito ang tandaan ninyo. Kung ano man ang usapang nabuo rito sa silid na ito, maiiwan sa silid na ito," dugtong ni Rico.

"Sandali," baling ni Irene kay Rico. "Sigurado ka na bang papayag si Melissa na makasama sa atin mamayang gabi?"

"Ako ang bahala sa kanya. Alam ko kung gaano kahalaga sa kanya ang makapasa. Pero ang alam lang niya'y iha-hack natin ang exams. Iyon lang. Ang mga susunod na mangyayari ay tayong lima lamang ang nakaaalam."

Nagtanguan ang lahat.

"Paano si Kayla?" tanong ni Brennen.

"Hindi dapat malaman ni Kayla ang plano. Alam naman natin na siya lang ang walang problema sa grado."

Napalunok nang mariin si Kayla. Hindi siya makapaniwala sa nasasaksihan at naririnig niya nang mga sandaling iyon. Ibinenta ng mga kaibigan niya si Melissa kay sir Barde. Isang setup ang naganap noong gabing iyon. Doon niya naunawaan nang labis kung bakit ganoon na lamang ang poot ni Melissa na dinala nito hanggang kamatayan.

Bigla'y tila napatid ang hininga niya sa lalamunan nang mapansin niya ang anino sa pinto na nagpapahiwatig na may tao sa likod niya.

Kamuntik na siyang mapasigaw nang bumungad sa kanya si Mrs. Isabel Montano. Napansin niyang may ilang estudyanteng pinagtitinginan siya sa corridor habang nakasandal siya sa dingding at yakap-yakap sa dibdib ang bag niya.

"Ayos ka lang ba?" anang principal.

Marahan siyang napatango nang makahuma sa mga pangyayari. "I'm okay, Ma'm."

Hinawakan siya nito sa balikat. "Well, I understand what you're going through, Miss Alacantara," anito na puno ng sensiredad ang tinig. "Ngunit ayos lamang ba sa iyo kung hilingan kita na gumawa ng speech para sa graduation. Gusto ko rin na gumawa ka ng pamamaalam sa mga kaibigan mo."

Malungkot ang ngitin g bumalatay sa mga labi niya. "It's okay with me, Ma'am." Dahil alam na niya kung ano ang sasabihin niya.


WAKAS


Watch out for the Extended Version of Forget Me Not soon to hit the bookstores under Lifebooks!





Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon