Chapter Thirteen

7.2K 271 39
                                    


MATAGAL na sandaling pinakatitigan ni Kayla si Kate. Hindi niya mapaniwalaan ang narinig niya rito. "Nino?"

"Ni Sir Barde. Ni-rape siya sa mismong harap namin..."

Napatakip siya ng bibig. Naramdaman niyang nangilid ang luha sa mga mata niya. "Bakit... bakit hindi kayo nagsumbong?"

Sunud-sunod ang pag-iling ni Kate. "Natakot kami. Wala kaming nagawa."

"Pero marami kayo," mariing sabi niya. Hindi na niya napigilan ang mapaiyak. Hindi niya matanggap ang nangyari kay Melissa at noon lamang niya iyon nalaman. "Hindi n'yo sana hinayaan..." Marahil ay buhay pa si Melissa kung sakaling may nagsumbong sa mga ito sa kahayupang ginawa rito.

"Kami ang naglagay sa sarili namin sa ganoong sitwasyon, Kayla." Napatakip ng mukha si Kate nang muling mapahagulgol ito. "Natakot kami..."

"Paanong nangyari, Kate? Paano?"

Matagal na sandali bago nagsalita si Kate. Humihikbi ito nang magsimulang maglahad. "Bago ang final exam natin sa Physics kay sir Barde last sem, noong mismong araw na iyon na nag-group shot tayo, tinangka naming nakawin sa hard drive ni sir ang exam na ilalabas. Nahuli kami ni Sir Barde. Sinabi niyang maaari kaming mapatalsik sa eskuwela dahil sa ginawa namin...

"Ikinulong niya kami sa faculty... at doon sa mismong harap namin... ginahasa niya si Melissa. Hindi namin alam ang gagawin namin. Kapalit daw nang pagtahimik namin ay ipapasa niya kaming sa klase niya at hindi makalalabas ang ginawa namin. "

"O, dios ko..." nanginig ang tinig ni Kayla. Mas lalong bumigat ang tila nakadagan sa dibdib niya sa natuklasan. Hindi niya alam kung galit o awa ang mararamdaman para mga kaibigan na nanatiling tahimik lamang sa ginawa kay Melissa.

"Natakot ako, Kayla. Natakot ako..."

"Kaibigan natin siya..." pag-uulit niya sa patid na tinig. Mahirap sa kanya na paniwalaan ang lahat. "At ikaw? Bestfriend mo si Melissa... at si Rico..."

"I'm sorry, I'm sorry..." Humagulgol muli ng iyak si Kate.

"Ngayon ay gusto ko nang paniwalaan ang mga sinasabi ni Brennen. Na naghihiganti nga si Melissa." Nag-angat ng tingin sa kanya si Kate. "Ngayon naiintindihan ko na... kung bakit nakatahi ng sinulid ang mga labi nina Gilbert at Irene. Dahil nanatiling tikom ang mga bibig ninyo sa nangyari sa kanya..."

Niyakap siya nang mahigpit ni Kate. "Natatakot ako, Kayla. Natatakot ako. Ayaw ko pang mamatay," nanginginig sa iyak na sabi nito.

"Iyan din ang sinabi ni Brennen kanina."


ANG ipagtapat ang lahat sa ina ni Melissa ay ang isang paraan na naisip nilang magbabarkada upang mapatahimik ang naliligalig na kaluluwa ng kaibigan. Kinabukasan din ay nagtuloy silang tatlo sa Nueva Ecija. Umiiyak ang ina ni Melissa habang buong tapang na inilahad ni Rico ang totoong nangyari. Nakabalatay sa mukha ng matanda ang labis na pagdadalamhati at sakit na nararamdaman. Tahimik lamang na umiiyak si Kate sa tabi ni Kayla. Panay ang bulong nito ng 'I'm sorry po.'

Ang hindi lang maunawaan ni Kayla ay simula nang tumuntong sila sa bahay na iyon ay nakaamoy na siya ng tila ba abo... o tila may nasunog. Nahihirapan siyang huminga kaya lumabas siya ng silid upang magpahangin sa labas.

Forget Me NotWhere stories live. Discover now