Chapter Twelve

6.6K 280 31
                                    


SA police station sila itinuloy ni Detective Ruben Martinez na mabilis na rumisponde sa pangyayari. Tinawagan na ang mga magulang nila at patungo na rin ang mga ito sa presinto.

Nakaupo silang magkakaibigan sa isang mahabang hilera ng mga upuan sa isang bakanteng corridor sa tapat ng opisina ng detective. Tanaw niya sa glass window ang shocked pa ring si Rico habang kinakalma ng detective sa opisina nito. Wala na ang dugo sa kanilang mga mukha ngunit may mga naiwan pa ring mantsa sa kanilang mga kasuutan at buhok. At tila ba naiwan na sa ilong niya ang malansang amoy niyon.

Dama pa rin ni Kayla ang panginginig ng buong katawan niya habang hindi niya maitaboy sa isip ang pugot na ulo ni Brennen sa ibabaw ng mesa. Para bang nakikita pa niya iyon kahit na pumikit siya.

"Kung puwede lang ibalik ang lahat noong last sembreak, Kayla..." bulong ni Kate sa tabi niya. Nakayuko ito sa larawang nasa kamay nito—larawan nilang magbabarkada. Napasulyap siya roon upang balikan ang masayang alaala nila. Masayang magkaakbay ang mag-bestfriend na sina Gilbert at Brennen kasunod ay ang naka-wacky pose na sina Irene at Kate, siya na naka-peace sign kasunod niya ang tila bored na si Rico katabi ang girlfriend nitong si... Melissa.

Pakiramdam niya'y napatid ang hininga niya nang makita niya sa larawan si Melissa. Nahihintakutang nag-angat siya ng tingin kay Kate. "P-Paanong... paanong kasama natin sa shot na iyan si Melissa?"

Hinarap siya ni Kate na sandaling naguluhan sa tanong niya. Pagkatapos ay muling tinapunan ng tingin ang larawan. "Ito iyong group shot natin na magkakasama last semester, remember?"

Nanginginig ang mga kamay na inabot niya ang larawan kay Kate at sandaling pinag-aralan iyon. Napapailing siya habang unti-unting gumagapang ang takot sa buong katawan niya. "Kate, imposible..."

"Hindi kita naiintindihan, Kayla," may takot na sa boses nito. Binawi nito ang larawan.

"Imposible ito..." nangibabaw na ang takot sa tinig niya. "Dahil si Melissa ang kumuha mismo ng shot na iyan, Kate. Nakakalimutan mo na ba? Si Melissa ang may hawak ng Polaroid camera ni Irene..."

Pagkasabi niyang iyon ay humulas mula sa kamay ni Kate ang larawan.


DALAWANG kamay na napatakip ng bibig si Kate upang pigilan ang mapasigaw nang mapagtanto niyang tama si Kayla. Bumagsak sa paanan niya ang larawan ngunit hindi niya inalisan ng tingin si Melissa roon. Paanong nando'n si Melissa sa lahat ng shots na meron silang magkakaibigan. Doon nagbalik sa kanya ang ala-ala noong matumba ang picture frame sa ibabaw ng kabaong ni Melissa. 

At gayon na lamang ang sindak niya nang manlisik sa kanya ang mga mata ni Melissa sa larawan.

Mabilis na napatayo siya at napasigaw.

"Kate, bakit?" nagtatakang tanong ni Kayla .

Sinikap niyang humakbang palayo sa larawan habang tila ba anumang sandali ay igugupo siya ng kanyang mga tuhod sa panlalambot ng mga iyon dahil sa takot. Bumagsak siya sa sahig at mariing nagtakip ng mga mata. "I'm sorry, I'm sorry, I'm sorry, I'm sorry, I'm sorry..."

"Kate..." Dinaluhan siya ni Kayla. "Ano'ng nangyayari sa iyo?"

"I'm sorry, I'm sorry, I'm sorry..." iyak niya habang mahigpit na nakakapit sa mga balikat ng kaibigan. Nanginginig siya sa takot. Hindi niya magawang dumilat sa labis na takot sa kung anoman ang maaaring bumungad sa paningin niya. "I'm sorry, I'm sorry, I'm sorry..."

Hinimas-himas ni Kayla ang likod niya. "Kate, magsabi ka. May hindi ba ako nalalaman?"

Matagal na sandaling umiyak lamang siya sa balikat ni Kayla habang pinalalambutan siya ng buong katawan sa matinding takot. Doon na rin niya napagpasyahang ipagtapat dito ang katotohanan. Sinikap niyang kalmahin ang sarili. "Kayla... hindi kami patatawarin ni Melissa sa ginawa namin sa kanya..."

Hinimas nito ang buhok niya. "Sabihin mo. Ano ba ang nangyari? Naguguluhan na rin kasi ako, Kate."

Nagmulat siya ng mga mata. Hinarap niya si Kayla, kapuwa na sila nakaluhod sa sahig. Handa na siyang ipagtapat ang lahat dito.

"N-ni-rape siya, Kayla. Ni-rape si Melissa," lumuluhang pagtatapat niya.






Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon