Chapter Eleven

8.6K 302 69
                                    


"IRENE, bakit ngayon mo lang ito sinabi sa amin?" wika ng mama niya nang suriin nito ang bibig niya matapos nitong mapansin na hindi niya ginagalaw ang pagkain sa harap niya sa hapunan. Napilitan na siyang sabihin ang nangyari.

Hindi na niya magawang makakain sa labis na pananakit ng dila niya dahil sa karayom na tumusok roon. Hindi malaman ng mga magulang ni Gilbert kung paano hihingi ng paumanhin sa kanya. Hindi rin makahanap ng dahilan kung paanong nagkaroon ng karayom sa sandwich niya.

Namumula na ang dila niya sa pamamaga nang suriin niya iyon kanina. Nagpaalam rin siyang umuwi nang maaga sa paaralan dahil sa kakaibang panlalamig na nararamdaman niya. Ang pakiramdam niya'y lalagnatin siya.

"Paano kung na-tetanus ka?" saad ng ama niya. Ang dalawang kapatid niya'y tahimik lamang sa pagkain. "Paanong nagkaroon ng karayom doon sa kinakain mo? Aba'y puwede natin sila pagbayarin ng danyos."

Iglap niyang binalingan ang ama niya. "'Wag na, 'Pa. Hindi naman nila ginusto 'yong nangyari. Saka nagdadalamhati pa ang pamilya ni Gilbert..."

"Dios mio, iha," may pag-aalalang wika ng mama niya nang salatin nito ang leeg niya. "Nilalamig ka."

Bumuntong-hininga ang papa niya at binitawan ang kubyertos. "Bueno, gumayak ka at dadalhin ka namin ngayon din sa opsital."

"Mabuti't nagsabi ka kaagad," hindi mapalagay na wika ng mama niya. Sinuklay nito ng kamay ang buhok niya.

Tila nanghihinang tumayo siya at nagtuloy sa kuwarto niya sa itaas para kumuha ng jacket. Ngunit kaagad siyang nagtuloy sa banyo sa silid niya nang maramdaman niyang masusuka siya. Ngunit hindi na niya inabot ang lababo at bigla na lang ay bumulwak mula sa bibig niya ang maraming dugo na nagmantsa sa puting tiled floor ng banyo.

Hindi siya kailanman nakakita ng ganoon karaming dugo at pakiramdam niya'y biglang umikot ang paningin niya. Natakot siya sa nangyari.

Tinawag niya ang mama niya ngunit napigilan siya nang maramdaman niyang may tila paahon pa mula sa kanyang lalamunan. Dali-dali siyang humakbang tungo sa lababo. Dalawang kamay na napakapit siya sa counter upang kumuha roon ng suporta habang hindi niya maunawaan kung ano ang tila mabigat na bagay na gustong umahon mula sa lalamunan niya.

Bigla na lang ay nakaramdam siya ng pananakit sa mga labi niya na wari ay tinutusok siya ng isang matulis na bagay. Iglap siyang nag-angat ng tingin sa kwadradong salamin sa harap niya. Ngunit hindi sarili niya ang bumungad sa kanya.

Kundi ang salamin sa kabaong at nasa loob niyon ang bangkay ni Melissa!

Ang hindi ipinakita ng ina nito noong burol nito—iyon mismo ang nakahantad sa mismong paningin niya.

Dumilat ang mga nanlilisak na mga mata ni Melissa at iglap na lumabas mula sa salamin ang mapuputlang kamay nito at inabot ang ulo niya at mahigpit na ikinulong sa pagkakahawak nito. Na wari ba'y ipinamumukha nito sa kanya ang galit sa anyo nito.

Tinangka niyang sumigaw, pumikit, itaboy sa isip ang nasa paningin niya. Ngunit ang labis na takot ay nagparalisa sa kanya. Tinangka niyang tawagin ang mama niya ngunit pinigilan iyon ng bagay na kanina pa gustong umahon mula sa lalamunan niya.

"M-Melissa... sorry—" Ang pagsisikap niyang humingi ng tawad dito ay napigilan nang kusang magsara ang mga labi niya. Nasundan iyon ng hindi matatawarang sakit, kusang tumatahi ang karayom na may sinulid sa mga labi niya. Napaluha siya sa matinding sakit.

Forget Me NotWhere stories live. Discover now