Chapter Five

9.8K 328 41
                                    

MATINDING pagod ang naramdaman ni Gilbert nang makauwi sila mula Nueva Ecija. Nagyayaya pa sanang mag-inuman si Rico ngunit hindi na kaya ng katawan niya. Bukod pa sa may pasok na sila kinabukasan. Kinulang din siya ng tulog kagabi kaya pagkauwi niya'y naligo na lamang siya at natulog. Kahit gutom ay hindi na niya nakuhang kumain dahil sa pagod.

Nang magising siya'y pasado alas tres na ng hapon. Mataas pa ang sikat ng araw sa labas ngunit ang kakaibang lamig sa silid at sunud-sunod na pagtahol ni Dugal sa labas ang nagpagising sa kanya. Humihikab na tumayo siya upang hinaan ang electric fan.

Ngunit napamura siya nang malutong nang maramdaman niyang may matulis na bagay na bumaon sa paa niya pagtayo niya. Pabagsak na napaupo siya sa gilid ng kama at kaagad na sinuri kung ano ang bumaon roon.

Napangiwi siya sa sakit nang makita niyang halos nakabaon ang kalahati ng katawan ng isang karayom sa sakong niya. 

Nakapikit na binunot niya iyon.

Paikang tumayo siya at nagtungo sa banyo. Nag-iwan siya ng bakas ng mga patak ng dugo sa sahig. Inihulog sa waste bin doon ang karayom na may bahid ng dugo niya. Kung paanong nagkaroon ng karayom sa kuwarto niya'y hindi niya alam. Pinag-iisipan din niya kung paano iyon bumaon nang ganoon kalalim kung hindi naman nakatayo ang karayom sa sahig?

Dumiretso siya sa shower at pinadugo sa tapat ng umaagos na tubig sa gripo ang sakong niya. Nasa ganoong posisyon siya nang maramdaman niyang may humaplos sa batok niya na malamig na hangin.

Kinilabutan siya.

Iglap siyang napalingon sa likuran. Ngunit ano pa ba ang asasahan niya gayong mag-isa lamang siya sa banyo.

Nang sa tingin niya'y naampat na ang pagdurugo ng sakong niya ay lumabas na siya ng banyo at pinatay ang electric fan. Ngunit ang kakaibang lamig ay naroon pa rin sa silid niya. Noon lamang niya naramdamang lumamig nang gayon sa silid niya na tila ba may airconditioner ang silid niya.

Naisip niyang marahil ay nagmumula sa hangin sa labas ang lamig na kanyang nararamdaman kung kaya ipinasya niyang isara ang mga bintana ng silid niya. Ngunit natigilan siya nang may matanaw siya sa labas.

May nakaparadang itim na karo ng patay sa mismong tapat ng gate nila.

Napakunot-noo siya habang labis na pinagtatakhan kung bakita may karo ng patay roon. Naisip niyang iyon marahil ang dahilan ng kanina pang pagtahol ni Dugal.

Nagsuot siya ng tsinelas at lumabas ng silid. Hindi niya magawang bilisan ang paghakbang dahil naroon pa rin ang kirot sa sakong niya.

"Mommy? Bakit may karo ng patay na nakaparada sa tapat ng bahay? Ang weird. Baka kung ano ang isipin ng mga kapit-bahay," iyon kaagad ang salubong niya sa ina na abala sa sala na nanonood ng TV shopping network.

"Ano?" sandaling tinapunan siya ng pansin nito. Halatang hindi gustong alisin ang atensyon sa pinapanood at malamang ay hindi rin narinig ang sinabi niya. Malakas ang volume ng TV na nakikipagkumpitensya sa ingay ng tahol ni Dugal sa labas.

Napailing na lamang siya at nagtuloy sa labas. Naabutan niyang nasa tapat ng gate ang itim na Great Dane at patuloy sa pagkahol sa nasa labas. Nahinto lamang ito nang lumapit siya at buksan niya ang gate.

Ngunit wala na ang karo ng patay sa tapat nila. Lumabas siya upang suriin ang magkabilang dulo ng street nila. Naisip niyang napadaan lang marahil ang karo ng patay. Ngunit kahit sa malayo at sa kahabaan ng kalye ay wala siyang matanaw o palatandaan na nagdaan ang karo doon.

Muling nagpatuloy ng tahol si Dugal. Nakabukas ang gate ngunit hindi man lang ito umalis sa kaninang puwesto niyon. Nakapagtataka gayong ang laging inaabangan ng aso nila ay ang makalabas ng bakuran.

Nilapitan niya iyon at hinimas-himas ang ulo. Sandaling huminto ito sa pagtahol at nilambing siya. Ngunit nang isara na niyang muli ang gate ay muling nag-ingay ito.

Napagpasiyahan na lamang niyang huwag na lamang pansinin iyon at muling bumalik sa kuwarto niya upang maligo.

Nang makabalik siya ng kuwarto ay gayon na lamang ang labis na pagtataka na sumanib sa buong pagkatao niya. Pagtataka na may bahid na ng... takot.

Malamig ang buong silid niya.

Kakaibang lamig.

Tila mabigat ang hangin.

Mahirap huminga.

Maalinsangan ang hangin sa labas kanina kung kaya imposibleng nagmumula roon ang lamig. Natigilan siya sa pagbukas ng aparador upang kumuha ng tuwalya nang may mahagip ang tingin niya sa bintana.

Halos manikip ang dibdib niya sa matinding takot nang matanaw niyang muli ang itim na karo ng patay sa tapat ng gate nila. Ni hindi iyon naalis kung saan niya iyon unang nakita. Patuloy na kinakahulan iyon ni Dugal.

Napalunok siya nang mariin habang naririnig niya ang mabilis na pintig ng puso niya.




Forget Me NotWhere stories live. Discover now