CHAPTER ONE

16.3K 222 10
                                    


PAGPUTOK ng araw ay nasa baybayin na si Patricia. Ngayon niya lubos napagmasdan ang kabuuan ng Caramoan Peninsula. Mula sa kinatatayuan, kitang-kita niya ang pamosong Gota Beach, ang tahanan ng karamihan sa Survivor series mula iba't-ibang bansa.
Kahit saan dumako ang kanyang paningin ay iba't-ibang pulo ang kanyang nakikita. Iba-iba ang laki, gayundin ang mga hugis. Iniisip niyang ang mga ito ay bahagi ng isang asteroid na nahulog mula sa kalawakan at naging maliliit na isla na bawat isa ay may kanya-kanyang katangian.
Halos lubog na ang araw nang ihatid siya ng bangkero sa Isla Verde kahapon kaya hindi niya masyadong napansin ang kariktan ng paligid, maliban pa ang samut-saring isiping nakapaloob sa kanyang pagparito.
Bahagyang napahugot ng hininga si Patricia, kinipit ang sarili at tiniyak na mabuting nakabalot sa kabuuan niya ang kulay pula at sutlang sarong, saka idinako ang paningin sa kalawakan ng Pasipiko.
Bilang isang city girl na maagang natali sa responsibilidad ng pamilya, hindi gaanong nagkaroon ng pagkakataon at kalayaan si Patricia na makapagbakasyon o makawala sa nakakapagod na buhay sa Maynila. Ang huling getaway na naaalala niya ay sa Tagaytay pero mahigit isang taon na iyon. Dalawang beses na rin siyang nakaakyat ng Baguio. Ang pinakahuli ay mga eight months ago kasama niya ang nobyong si Paolo. Sa mga beach naman, pawang malalapit at crowded na beach resorts ang naabot na niya: Puerto Azul, Puerto Galera at iba pa sa may Batangas area.
Ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na makarating sa ganito kahanga-hangang lugar. Sumakay siya ng eroplano, van at bangka bago niya narating ang Isla Verde ng Caramoan. Pero iniisip niyang sulit ang byahe, sapagkat tunay palang paraiso ang naghihintay sa kanya.
Dahan-dahang humakbang patungo sa dalampasigan si Patricia. Bahagya siyang napakislig,, kakaibang kiliti ang sumigid sa kanyang kabuuan sa bawat hakbang niya sa ibabaw ng tila pulburong buhangin. Halos lumubog din ang kanyang mga paa.
God, this is heaven, naisaloob niya, and under other circumstance naisip niyang maari siyang sumigaw nang malakas sa labis na kasiyahan o kaya ay tumakbo nang paulit-ulit sa kumukurbang baybayin hanggang siya ay mapagod.
Ngunit ang iniisip na kasiyahan ay malayung-malayo sa kalooban ni Patricia. Hindi siya naririto upang magsaya. Ang kanyang presensiya sa Isla Verde ay bunsod ng isang malaking pangangailangan.
Mapait na ngumiti si Patricia. Hinayaan niyang hagkan ng maliliit na alon ang kanyang mga paa. Kakatwang ligamgam ang tubig na tila nagpapakalma sa kanyang pakiramdam, kabalintunaan sa ihip ng hangin na halos magpaginaw naman sa kanyang kabuuan.
"Shall we start?"
Awtomatikong pumihit ang dalaga. Hindi ang trabaho na nakatakda nilang simulan ang nagpanumbalik ng kaba sa kanyang dibdib, kundi ang presensiya ng lalaki na nagpakilala sa kanya sa pangalang Vaughn Eric Romulo. Kagabi habang sila ay nag-uusap sa detalye ng kanilang proyekto ay hindi mapakali ang dalaga. Ni hindi siya makatingin nang matuwid sa nanunuot na mga mata ng lalaki. At ngayon ay muling nagiging mailap ang kanyang mga mata.
"Nice sunshine, hey," sambit ng lalaki. "Can I have a quick swim while you are composing yourself?"
Napatingin sa lalaki ang dalaga, diyata't batid nitong windang ang kanyang sarili? Kagyat din niyang binawi ang paningin, lalo't mapanudyo ang mga titig ng lalaki.
"Y-You can," mahinang tugon niya. At parang gusto niyang mag-panic nang hubarin ng lalaki ang suot na manipis at lisong puting long sleeves. Dahil hindi naman nakabutones kaya mabilis nitong nahubad ang kasuotan, giving Patricia a full view of his well-cultured body.

Ilang beses na niyang nakita ang kahubdan ng nobyong si Paolo at normal lamang para sa kanya bilang isang babae, lalo na bilang nobya nito, ang makadama ng normal na init ng paghahangad. Ngunit sa harapan ni Vaughn Eric, higit pa sa pagiging normal ang nararamdamang pagpanting ng kanyang pagkababae. Maging ang simpleng mga sulyap nito sa kanya ay tila nagpaparalisa sa kanyang katinuan.
"You can join kung gusto mo," narinig niyang sinabi ni Vaughn Eric.
"H-hindi na," sagot niya habang mahinang humahakbang pabalik mula sa dalampasigan.
Saglit siyang napalingon nang marinig ang paglusong ng lalaki sa dagat. Nakita niya kung papano tumiklop sa ibabaw ng katawan nito ang tubig-dagat makaraang mag-dive. Sa totoo lang, gustung-gusto rin niyang magtampisaw sa dagat. At naisip na sana ay magkaroon siya ng pagkakataong magawa iyon.
Sa gitna ng malawak na baybayin, muling pinagmasdan ni Patricia ang tila isang munting dambana. Maliit na bahagi lamang iyon ng baybayin na iginayak wari para sa isang diyosa. May nakalatag na pinagpatung-patong na dahon ng niyog. Sa isang tabi ay makikita ang isang piling ng buko, may mga biniyak na ngunit marami din ang mga buo pa na sadyang ikinalat sa tabi ng dambana.
Sa kabilang dulo ng altar ay makikita rin ang maliit na tambak ng puting-puting corals, katabi ang ilang malalaking bahay ng taklobo.
Nakaharap sa dagat ang dambana, at nakatirik malapit dito ang isang wooden stand na sumasapo sa isang canvass na kasinglaki ng isang king-sized beach towel. Katabi ng canvass stand ang isang mesita kung saan makikita ang iba't-ibang gamit sa pagpipinta.
Mas malalim ang hiningang hinugot ni Patricia. Alam niya, anumang sandali ay siya ang magiging diyosa na ilalagak sa dambana. Anumang sandali, ang sarong na bumabalot sa kanyang kabuuan ay maglalaho. Buong-buong tatambad sa pintor ang kabuuan ng kanyang katawan, maging ng pagkatao.
Muling sumilay sa kanyang mga labi ang mapait na pagngiti. Hindi niya ito pinangarap. Ni sa bangungot ay hindi niya natagpuan ang sarili na magmu-modelo nang hubo't-hubad.
Ngayon niya lubos na napagtanto na tama ang kasabihan, ang taong nagigipit sa patalim ay kumakapit.

Breathless EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon